Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Eon Yol Sep 2017
Okay lang naman kahit walang ganito
Kaya pa namang tiisin ang lamig ng puso
Pero bakit unti unti na babalik ang tingin
Gigising sa umaga ikaw ang agad hahanapin

Okay pa naman kahit walang pansinan
Mga normal na usapan na walang lambingan
Pero bakit nakatutuwang masilayan ang ngiti
Para bang ginugustong pagmasdan nalang ang 'yong labi

Okay ba sayo na pangarapin kita?
Nananaginip na akong kasama ka tuwina
Alam ko namang di ka maniniwala
Ngunit idinidikta ng isip na subukang pumusta

Okay kaya na mahulog sa 'yo?
Natatakot ako, baka di mo ko masalo
Pareho yata tayong takot magtiwala
Subalit bumubulong ang puso na ikaw ang tadhana

Okay na ako, handa nang humakbang
Lalakad, tatakbo kahit maraming humarang
Sa'yo lang nakatingin sa abot tanaw
Mananatiling ikaw hanggang sa pagpanaw

Okay sanang managinip nang ikaw ang katabi
Yun ang tanging pangarap, 'di na ikinukubli
Hihilingin sa langit at sa mga bituin
Na sana sa huli... ako'y sayo at ikaw ay maging sa akin
George Andres Jun 2017
Sa susunod kong iibigin

Hindi ko nais ng mga larawan
Nakasabit sa mundo upang maarawan
Dahil hindi ito isang bulaklak sa halamanan
Tubig ang kailangan ng mga bakawan
At ang kuwadro ng bulalakaw ay sa kalangitan

Hindi ko nais ng mga larawan
Hindi mapurol ang lente ng aking mga mata
Upang palitan ang pagsulyap ko sa'yo ng isang shot ng camera
Nais kong tingnan ang mga labi mo't makita
Ang kurba nito't pula,
Taingang nag-iinit kung bibiruin kamo kita
Sa tuwing sasabihin kong ikaw ay maganda

Hindi ko nais malaman nila
Hindi sa inaangkin kong akin ka
Dahil ikaw ay sa mga tala, kailanma'y hindi ko pag-aari ka
Hindi ko nais malaman nila
Dahil ang nasa labas ay madalas ipinapakita lamang ay maganda
At ang larawan kung minsan ay imahe ng hindi totoo
Ng saglit na pagtipa kung 'aayon ba sila dito?'

Maikling pagtatagpong hindi itinadhana
Hindi ko nais na sa loob ng kwadrong ito ka maalala
May kwento ang bawat larawan
At madalas sa mga ito ay pulos pighati lamang

Hindi ko nais na umayon sa lipunan at kung ano ang kanyang idinidikta
Hindi ko nais dumating ang araw na tatanungin kita kung totoo ka ba

— The End —