Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karl Gerald Saul Aug 2011
Magrasang damit ng batang madungis
tyang gutom at katawa'y malangis
palaboy-laboy sa eskinita
pagala-gala sa kalsada
uupo sa sulok may katabing lata
limos na inaabot ang lata
sa mga tao nagmamakaawa
para makakuha kahit kaka-unting barya

Paglipas ng hapon at pagsapit ng gabi
walang paligo at katawa'y makati
ang naipon nyang pera
kulang kulang sampu ang halaga
di na matiis ang gutom nagkalkal ng basura
sa tagal walang makita
nainip,
nakatulog,
nahiga,
ang naipong barya
idadagdag nalang bukas sa lata
Vincent Liberato Feb 2019
Mangangata ako sa madaling
araw ng panggagalaiti, nang mga panahong mas malalim pa sa dagat, ang panghahaplos sa
kaluluwa na kinulang sa pagpapahinga at sa wakas: makakapagpahinga.

Ako, ang sisidlan ng kalatas na nagpaagos
sa rumaragasang ilog pagkatapos ipasok sa isang bote, sa pag-asang makararating sa iyo ito.

Ayaw ko nang bumalik ang kalatas na 'to, baka sa susunod na bumalik sa akin ito, ay naglalaman na ng bulgarang pagtugon ng pagkalas.

Ayaw ko na.

Manghihipo na lang ako sa gabi sa pamamagitan ng paggunita
sa mga alaala para sundan ang anino
na unti-unting nawawala sa kusina, sa kuwarto, sa kama, at sa hapag-kainan.

Sandali, may idadagdag pa pala ako, hindi ko kakayaning tanggapin ang pagtanggap na namamalikmata lamang ako,
habang naglalaho ang pangalan mo
sa kuwaderno ko.

Mawawala na lamang ang pagkamarahas
ng prosa o tula ko. Isasantabi muna kita sa mga susunod na tula o prosa, painda-indayog ang paksa, pero binabalik-balikan ka sa masusing pagsusuri ng konteksto.

Magiging humpak na lamang ang dating matunog na ikaw at ang dating laksa-laksang paglalarawan sa bawat pag-ikot at paggalaw mo, na maingat na sinusundan ng mga mata ko.

Sa kabila ng pagpipigil sa pagkatapos ng isang nakakainsultong nakakapagod na araw ay magsisilakbo muli ang damdamin, at 'di magpapaawat ang pintig na parang bumabalik ang mga mata sa unang pag-angat ng mga titig.

Mahal, mangangata na lamang ako hanggang umaga,
habang nginangata ako ng panggagalaiti
sa pagsapit ng umaga.

— The End —