"himutok" poems
Itaas ang iyong noong aliwalas,
Mutyang Kabataan, sa iyong paglakad;
Ang bigay ng Diyos sa tanging liwanag
Ay pagitawin mo, Pag-asa ng Bukas.
Ikaw ay bumaba, O katalinuhan,
Mga puso namin ay nangaghihintay;
Magsahangin ka nga't ang aming isipa'y
Ilipad mo roon sa kaitaasan.
Taglayin mo lahat ang kagiliw-giliw
Na ang silahis ng dunong at sining;
Kilos, Kabataan, at iyong lagutin,
Ang gapos ng iyong diwa at damdamin.
Masdan mo ang putong na nakasisilaw,
Sa gitna ng dilim ay dakilang alay,
Ang putong na yaon ay dakilang alay,
Sa nalulugaming iyong Inang Bayan.
O, ikaw na iyang may pakpak ng nais
At handang lumipad sa rurok ng langit,
Upang kamtan yaong matamis na himig,
Doon sa Olimpo'y yamang nagsisikip.
Ikaw na ang tinig ay lubhang mairog,
Awit ni Pilomel na sa dusa'y gamot
Lunas na mabisa sa dusa't himutok
Ng kaluluwang luksa't alipin ng lungkot.
Ikaw na ang diwa'y nagbibigay-buhay,
Sa marmol na batong tigas ay sukdulan,
At ang alaalang wagas at dalisay
Sa iyo'y nagiging walang-kamatayan.
At ikaw, O Diwang mahal kay Apeles,
Sinuyo sa wika ni Pebong marikit,
O sa isang putol na lonang makitid
Nagsalin ng kulay at ganda ng langit.
Hayo na ngayon dito papag-alabin mo,
Ang apoy ng iyong isip at talino,
Ang magandang ngala'y ihasik sa mundo,
At ipagbansagan ang dangal ng tao.
O dakilang araw ng tuwa at galak,
Magdiwang na ngayon, sintang Pilipinas!
Magpuri sa Bayang sa iyo'y lumingap,
Umakay sa iyo sa magandang palad.
Oct 13, 2014
Oct 13, 2014 at 10:15 AM UTC
Bato sa balat,
Hayaan **** lumapat ang ‘yong kahinaan sa mahinahong baldosa
Payagang lamig ay yumanig sa bawat panig ng iyong katawan
Mula sa kalamlaman ng iyong talampakan hanggang umabot sa–
Pagitan ng iyong mga hita, paakyat sa kalamnan, patungo sa dibdib
Hanggang maramdaman nginig na dala ng iyong pag-iisa.
Ipagpaliban mo muna ang mundo
Ilaw sa paningin,
Hayaan **** angkinin ka ng daang-daang mukhang nasasalamin sa bawat tisa
Tignan ang iyong mga nakikita, ikaw ngayon ay nakakahon sa bato–
At mga multo na iisa lang ang mga mukha’t hinaing
Payagang ika’y ariin ng kanilang mga nanlilisik na titig,
Huminga ng malalim at iyong sabihing
Ginusto mo ang linggatong na ‘to
Mata sa dutsa,
Tumingala hanggang kadahilanan ay magunita
Ang iyong katwiran kung bakit pinili mo ang kapangahasan
Hamakin ang sarili’t magnilay-nilay sa nagbabadyang kasalanan
‘Di hamak naman na mas ikakasaya mo ang pait–
Ng paglalapastangan sa sarili nang ilang makamundong saglit
Pagbigayang mabasa ang sarili
Silakbo sa kawalan,
Ipikit ang mga mata’t pakiramdaman ang daloy ng tubig sa’yong balat
Ipaanod sa agos ang haplos ng pighati’t pagtitimpi
Sa mahigpit na bisig ng isang mapanghusgang mundo
Tikman ang hagod ng malamig na pelus sa iyong mga labi
Sumidhi sana ang pagdanak ng init ng pagnanasa sa bawat bena
Mahalin mo ang iyong pagkatao
Makipagtalik sa sarili,
Ibigin **** maibigan ang pagiging makamundo’t makasalanan
Ibaling ang pansin sa pagpapalabas ng himutok
Muling sabihin na hindi makasarili ang pagnanasa sa sarili’t
Ulit-ulitin ang pagbaluktot ng diwa’t isipan hanggang ito’y tumatak,
Hanggang sa mabulalas mo ang iyong mga suliranin
At matapos ang lahat ng iyon hindi mo maiiwasan–
Pagkamuhi sa sarili.
Jun 9, 2018
Jun 9, 2018 at 1:20 PM UTC
Maginaw ang hamog sa unang ulan ng Disyembre
Naging kristal ang mga alikabok sa Hilaga
Lumaganap ang kahel na tina sa dahon ng Makahiya
Tumataghoy sa kweba ng kapusuan
Ibigay ang sagot sa patlang na kalooban
Himutok ay hindi na lumubay
Nang natagpuan na mayroon ng kasintahan
Napatingala sa langit na lipos ng estrelya
Sa kubo na hinati ng dingding
Sa loob ay ang buhay na ikinatha
Sa kabila naman ay ang mga bagay na dapat ginawa
Ngayon ay nagtagpo ang himakas at dagat
Sa katagalan nang paghintay ng salita upang ibibigkas ay wala rin saysay sa kahuli-hulihan
Sa tugmaang ito'y nasawan
Wiligan ng bendita ang dating sanggol sa kamalayan
Kipkipin at itago ang lampin
Sa ambon, sa bintana ay napaisip
Paano kung hindi natutong magmahal
Dec 30, 2018
Dec 30, 2018 at 4:21 PM UTC
090716
Sa gunita na lamang ba mabubungkal ang mga nangagdaan?
Pagkat sakdal-lungkot at sisi ang mga anak Mo, Inang Bayan.
Inalipusta’t pinaslang pa, ang mumunti **** katarungan!
Maglakbay ka sa lansangang walang hanggan
Lilipad ka rin sa alapaaap at abang kalawakan.
Humiyak Ka hanggang sa rurok ng sukbo’t hinanakit
Siyang lunas na mabisa sa dusa’t himutok na pasakit.
Itaas Mo ang ang noong aliwalas,
Taglayin ang silahis ng dunong at sining;
Kumilos nang may pagbubuntong hininga’t Iyong lagutin
Ang gapos ng Iyong diwa’t kumukulog na damdamin.
Sagwil sa bawat pikit-matang kaligayahan
Ang natamasa **** pagkabalisa
Buhat sa kurtinang manlulupig ng Liwanag.
Buhay pa si Rizal at hindi Ka itatakwil
Tayo’y hihinga pa’t hahabi sa pluma’t papel.
Sep 21, 2016
Sep 21, 2016 at 6:14 AM UTC
Iiwan kita hindi dahil meron na akong iba.
Iiwan kita dahil gusto ko nang lumaya.
Iiwan kita hindi dahil ayoko na kitang makita.
Iiwan kita dahil ayoko nang pagmasdan ang mga luhang
nangingilid sa iyong mga mata.
Hindi ko na kaya!
Ang makita kang lugmok at naghihimutok sa lungkot.
Ito’y nagdudulot sa puso ko ng kirot.
Tama na! Tama na! Tama na!
Tahan na aking sinta.
Ako sana’y unawain.
Napakabilis ng mga pangyayari.
Hindi ko alam ang hiwaga mayroon ka.
At iyong nasungkit ang matamis kong oo.
Mabilis. Napakabilis. Sadyang kaybilis.
Heto ako ngayo’t litong-lito.
Sana’y hindi nagmadali.
Sana’y natutong maghintay.
Sana’y walang taong nadamay.
Oo. Sa tinagal ng ating pagsasama,
Ngayon ko lang napagsama-sama.
Ang mga himutok ng aking saloobin.
Ako’y naging mapusok at ngayo’y naghihimutok.
Sana’y walang inaalala.
Sana’y hindi kinokonsensya.
Sa tingin ko ay ito ang tama,
Ang ika’y iwanan ng ika’y mabuhay.
Hindi ko batid ang sakit na iyong nararanasan.
Aking irog, ako man di’y nahihirapan.
Ang higpit ng iyong pagkakahawak,
Siyang sumasakal sa akin tuwina.
Iiwanan kita dahil ayoko na.
Oo! Ayoko na!
Tatapatin kita aking sinta,
Hindi ko na kaya!
Hindi na ako masaya.
Sa pag-inog ng mundo ako’y unti-unting nawawala.
Nawawala sa sarili.
Nawawala sa landas na aking dapat tahakin.
Sadyang kay mura pa ng aking edad
Upang sumuong sa ganitong realidad.
Nadala lang marahil ng matinding emosyon.
Sa tagal ng ating pinagsamahan aking napagtanto,
Hindi ikaw ang saki’y siyang nakalaan.
Tayo’y pinagtagpo upang matutunan ang isang leksyon.
Hindi para sa iyo ngunit para sa akin.
Aking kaibigan ako sana’y patawarin.
Hindi ko sadyang puso mo ay wasakin.
Ang hirap! Napakahirap!
Sa dalawang taong ating pinagsamahan,
Hindi kita malilimutan.
Aking pagsusumamo na sana’y
Paglipas ng panahon ay iyong matagpuan
Ang taong magmamahal sa iyo ng lubusan.
At hindi ipaparanas ang pait ng kahapong ating pinagdaanan.
Iiwanan kita dahil alam kong kaya mo na na ako’y wala na.
Iiwanan kita dahil nais kong iyong ipagpatuloy ang iyong buhay.
At nang matupad ang iyong mga plano para sa iyong pamilya.
Sinta alam kong ito’y sadyang masakit.
At sa pagtatapos nitong aking talata.
Nawa’y iyong ibigay ang aking kahilingan.
Sinta, ako sana’y palayain mo na.
Iniwan kita hindi dahil ayoko na.
Iniwan kita dahil mahal kita.
Sadyang ang lubos na pagmamahal na nararapat sayo
ay hindi mo matatamo sa akin bagkus ito’y iyong
matatamasa sa piling ng iba.
Jul 25, 2017
Jul 25, 2017 at 10:26 PM UTC
Kunin ang litrato sa sulok na nag-iisa
Pakinggan ang himutok
sa kwadradong kahoy nakapatong
ng bangkay na nangangapa pa
Buuin ang palaisipan
Kung may itsura ay hugutin
ang kasagutan sa bugtong
Tulungan mabatid ito, iwasan ang pagkalito
Nababalisa ang gabi at di makatulog
Munting daliri ay igalaw
Ngunit nanatiling tamad ang mga braso
Sa pagkabog ng dibdib
Ang halinghing ay maririnig
Sa kalaunan ay parang di na humihinga
Kinakalawang sa silid
Nakahandusay sa silyang rektanggulo
Tiisin ang katahimikan
Magdurusa sa kaawa-awang mga oras na di pa umaga
Malayo ang araw at mga bituin ay pinagkait pa
Tagpi-tagping tela ang lulan ay hinala
Magbuntong-hininga ito makipag-usap
Isinalaysay ang pagdaralita
Nakatikom ang bibig
Maghihilom din bagkus di makatawa
Magmumukmok sa loob
ang walang saysay na uwak
Idagit ang kabuluhan
Ang pakikipagsapalaran ay sakuna
Dec 4, 2018
Dec 4, 2018 at 4:02 AM UTC
Waring alabok na dinuyan ng hangin
Pagdakay naparam na balintataw sa paningin
Ang patak ng kabuluhan sa ganang akin
Tila sa sayaw ng mundo nakikipag piging
Hindi nga akma sa daigdig na mapaniil
Ang musmos na anyo na nasisiil
Ngunit kung mag mukmok di papipigil
Ang Sanlibutang nangangalit at nanggigigil
At sa sinomang bumigkas noo ay mangongonot
Waring tiwala'y lubusan nang pinagdadamot
Sa pag bihis ng panahong umiiksi ang kumot
Hangal namang patuloy na namamaluktot
Kung may mga susunod pang pagkakataon
Nais ay suwail naman ang ganap na yaon
Pagal na sa maginoong landas paroon
Paumanhin sa himutok ng batang gising sa ngayon.
-JGA
Aug 11, 2021
Aug 11, 2021 at 11:27 AM UTC