Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Sep 2019
Kung oras ay magwawakas
Sa langit ang hihintin
Saranggola ay dadalhin
Na yari sa buntunan ng paninimdim

Sapagkat ang landas
Ay piniling tinahak
Wala man harang ngunit dulot ay sakit
Pagtitiis ng kirot ay sinapit

Sana'y maging panaginip ang katapusan
At matutupad ang pahimakas
Tulad ng hangaring sibat
Tumusok sa tudlaan

Ang Amihan ang maglalagay
sa himlayan ng hangin
Di na pumailanlang sapagkat malamig
ng samyo ng nalalantang pag-irog

Sa gunamgunam ay binabalik balikan
ang sandali nang unang pagtubo ng bulaklak
Sapantaha'y mabibigo rin naman
Pananabik nang marubdob ay
nasawata nang biglaan
kingjay Dec 2019
Kay sarap ng buhay
Sa matimyas na bukang-liwayway
May gintong kumikinang
Kasabay ng liwanag ng araw

Kay gaan bumangon
Aligaga sa sandali
Na makita ang natatanging
Mata niya't mga labi

Ang lunggati sa mga alapaap
Panganorin ay maabot
Nang sunggaban ang mga bituin
Para sa tulad niya - siya ang hiling

Bago pa ang dapit-hapon
Ang takipsilim na inaabangan
May pinapangarap na sa kinabukasan
At panaginip na mapapanaginipan

Sa pagpikit ng mata
Ay nakahilata sa paraiso
Itinuturing katotohanan
Ang panaginip
Ang tanghaling hiraya ay pangyayaring hihintin

Hinga ng anghel
Ang dapyo ng hangin
Luha ng kaligayahan
Sa pagpupunyagi sa karalitaan

Walang tumitagatig
Sa gitna ng kawalan
Noong ako'y umiibig
Ang ngiti ay walang-hanggan
kingjay Sep 2019
Hayaan na na giliwin kita
Sapagkat hihintin sa hangin ang lahat
At pumailanlang hanggang sa panganorin
ang pangarap
Walang saysay ang ibon kung nasa pugad

Tumunghay sa pakpak na gulay-gulay
Sa pagwasiwas ay di kaya umangat
Munting maya sa aratiles
ay kahabag habag nang di makalipad

Ganyan ang aking pagsinta
O Desiree Dawn Dela Peña
musmusin at nasisikil
Huwag sana husgahan
Sinsisipon sa hamog
Madaling manimdim

Iibig ako sa sariling paraan
Ngunit di gaya ng kaparangan
na nakatiwangwang at hayag
Kung ikumpara ay katulad ng liblib na halamanan
Mabubuhay nang saglit at mamatay nang dahil walang nakakalusot ni banaag

At kung masidhi na ang damdamin
Magpaparinig ng aking hinanakit
Gaya ng kulog
na nauulinigan sa ibayo
Umaalingawngaw doon sa ibang baryo

— The End —