"hapis" poems
Balanseng pakikibaka,
Ito ang araw araw na ipinamulat sa akin
Ng pang araw araw ko ding pagtira
Sa mundong hindi naman timbang ang hustisya
Magkabilang panig na inaasahan ng lahat
Na sana'y magpantay ang timbangan
Ngunit ang katotohanan?
Likas nang mas mabigat ang kabila
Kaysa sa nasa kabila.
Lahat daw ay pantay pantay
Sabi ng matandang kasabihan
Ngunit para sa akin?
‘Yan ay isang malaking kalokohan
Wala pa namang naging malinaw na paliwanag
Sa uugod-ugod na paniniwalang iyan
Nakakapagod pantayin ang mga bagay-bagay.
Sa kadahilanang hindi naman pantay pantay ang layunin ng bawat nilalang
Sa lipunang,
Kailanma'y hindi na magiging patas
Sa mundong,
Kailanma'y hindi na bababa ang mga nawili na sa itaas,
Sa daigdig,
Na ang nasa ilalim ay lalo pang nadidiin
Paano pang mag-aabot ang langit at lupa
Kung mananatiling bakante ang gitna
Kung ang biktima ay lalong inaakusahan
At ang may sala ay patuloy na hinahangaan
O lupa kong hirang, o Inang kong Bayan
Tayo ba’y ang mga walang kapaguran panaginip?
Hanggang kailan tayo maaaring maidlip?
Tayo ba’y ang mga hindi natutulog na batis?
Hanggang saan tayo padadaluyin ng mga agos ng hinagpis?
Tayo ba'y ang mga sigaw
Sa kwebang walang alingawngaw?
Hanggang kailan tayo magtitiis
Sa 'di makatarungang ''Mga Bulong ng Hapis''.
© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.
Jul 30, 2018
Jul 30, 2018 at 5:34 AM UTC
Pagpuna ng makatarungang nilalang sa kabila ng lahat ng mga kahabagan ng buhay. Maaaring tanging yaman na maituturing ng iyong tainga na nabibingi na sa karahasan at ingay ng iyong paligid na nilalakaran.
Naging libangan na ng iyong mga paa na tumayo sa maling lugar. Masasanay narin ang iyong katawan na maging haligi na lamang ay iyong mga paa. Sa mapangaping buhay na wala nang kasiguraduhan.
Nakaakbay ang kaybigan **** kalungkutan, mula sa paggising hanggang sa pagidlip ng mga mata **** pilit na tinatago ang hapis ng mga luhang maari mo sanang ilabas, ibahagi at iluha sa aking harapan.
Ako naman ay naghihintay, iyo ako ay tunay na mangiibig, sa iyong pagsibol, sa iyong pamumulaklak at sa iyong pagkalanta, sa kahit anong oras na iyong mapagpasyahan. Ano man ang mangyari ako ay maaari **** sandalan.
Ang pagmamahal ay tulad ng isang anino, maaari **** palaging madadala, ngunit kung ang iyong desisyon ay magkulong sa dilim, ako ay wala nang magagawa. Tanging mananatili siguro ay pagtingin kong nakatatak sa kanyang isipan.
Jan 2, 2019
Jan 2, 2019 at 3:06 AM UTC
Kumalat ang silahis
Aranya sa kublihan ng mga nasaktan nang labis
Sa liblib na bukirin nakatira ang anak-pawis
Ang tikap sa kapilya ay ang espasyo sa karimlan
Maringal ang alab sa dagat
Animo'y mga hiyas sa pananaw
Bermillong agwa ay nangingibabaw
nang isinaboy ang mga pilak sa Pasipiko
Anupat may respirasyon
nauudlot naman ang siklo
Sa pagbabalik-tanaw ay sumiyok
humahangos nang dumating sa koro
Tugtugin ng patibulo
Sa wakas, ilalagyan ng balsamo
Epidemya ng hapis
kahit inosente ay pintasan
Lumaylay nang mahilo
Natangay ng takot at dumapa nang napasuko
Lumaho ang pagkakataon na sana'y makakapagpasya
Kung alin ang dapat at tama
Sa sulok ay nanahimik
Umaasang mabawi ang panahon yaon
Ngayon saan pupunta
Dec 21, 2018
Dec 21, 2018 at 5:13 AM UTC
*Alam ko ikaw ay lilisan,
Iiwan ako ng walang pahintulot,
Ang pusong hindi pa handa,
Ikaw'y hahanap hanapin.
Pilit hinahanda ang sarili,
Upang pag ikaw'y lumisan,
Ito'y matanggap ng pusong,
Pilit isinasara mahalin ka.
Ngayon, ikaw'y lumayo na,
Bakit tila, hirap ang puson',
Iniwan tanggapin na wala ka na,
Sa aking piling.
Bakit kung kailan ako'y naghanda,
Dun naman labis ang sakit,
At dakot ng hapis sa aking puso,
Na iyong iniwan.*
J.D.P
Nov 18, 2015
Nov 18, 2015 at 3:00 AM UTC
Sa panaginip anaki'y nagliwaliw
nakahanap ng pansamantalang aliw
Lumikmo sa tumba-tumba
Pikit ang mga mata, nag-iisip na kung ano ang mangyayari kapag ang lahat ay umayon
Sa madilim na sulok ay inaalala
mukha na walang bahid ng hapis
ang hagap malaya't may kumpiyansa
Wala sa huli ang susuyuin pagkatapos niya
Kapag lumagpas na sa kabataang edad
ang mga buhok ay mangamuti
ang labi'y lumitak
buti pa ang pagka-ulyanin ang unang gumanap
sapagkat sa hilahil ay hirap
Di-pangkaraniwan ang diwa
Labas sa katotohanan huminggil ang wika ng isip
Tulad ng hari sa luklukan
pumapatnugot sa mga kabanata
Ito'y kalutasan ng pagpapanibugho
Tumataghoy sa loob, luha'y bumabalong
Sa init ng dugo sa ugat ng puso, ang buhay nadudugtong
Ang imahinasyon na tila sapala - walang limitasyon
Mar 14, 2019
Mar 14, 2019 at 11:33 PM UTC
Ang nakaupong tiwali—
siya ang binoto ng masa.
Sa manggas ng kanyang barong,
panganib ng maralita
May kinang ang kan’yang ngiti
mapungay ang mga mata
Sa bawat pangakong lahad
ay pagsibol ng pag-asa.
Pag-asa na tayo'y ligtas
ay naging katakot-takot.
Para raw sa Inang Bayan,
peligro na nakabalot.
Ang salitang bulaklakin
ay daglian ding nalanta
kapalit ang pagtungayaw,
at banta ng direktiba.
Hindi natin inasahan—
bahid ng dugo sa daan.
Mga kamay, nahugasan
ngunit hindi ang lansangan.
Sa lapida nakaukit
ngalan ng mga biktima.
Sunod kayang tatahimik
ang silang may pinupuna?
Hapis ng inang nawalan,
“Crispin, Basilio, anak ko,”
oyayi ng Inang Bayan.
“Pasismo! Peligro rito!”
Aug 22, 2020
Aug 22, 2020 at 10:55 PM UTC
May dahong nalaglag mula sa kinakapitang sanga
at marahang tinahak ang dausdos pababa,
Dumampi siya sa malamig na agos ng batis,
sumisigaw ng hapis habang tumatangis,
Binagtas ang ‘di maiwasang larawan
ng pag-iisa’t walang hanggang kalungkutan,
tumama sa mga batong nakaharang
na umagaw sa diwa ng kaligayahan,
Sumambulat ang isang malalim na bangin
na siyang tatapos sa lahat ng alalahanin,
sumaboy ang pirapirasong damdamin
ng wasak na dahong ‘di matanggap at 'di maamin.
Jun 15, 2015
Jun 15, 2015 at 12:35 AM UTC
lapis
gamit panulat
sa dulo'y pambura
pantanggal ng sulat
lapis
pinapatulis
gamit ng maliit na pantasa
panlinaw ng sulat
hapis
pilit pinipiga
mula sa pusong sumusuko na
papunta sa dulo ng pansulat
lapis
wala na
tinasahan at pinilit buuin
ngunit nabali na
Sep 27, 2017
Sep 27, 2017 at 1:51 PM UTC
Bakit sa una'y halos sumakit na ang tiyan kakatawa
At maya't maya'y tumutulo na ang mga luha sa mukha?
Napapaiyak na lamang sa sulok
Unti-unting kinakain ng maitim na usok
Namamanhid na't halos di makilala ang sarili
Nais ko ulit bumalik sa panahong wala pa akong alam sa mga nangyayari
Ang mga ngiti ko noong kay tamis
Mga tawang walang halong lumbay at hapis.
Pilit kong kinakalimutan ang aking mapait na nakaraan
Ngunit bumabalik balik pa rin lahat ng ala-ala sa aking isipan.
Ang sabi nila'y tigilan ko na ang mamuhay sa nakaraan at iwasang magkaroon ng galit sa kapwa,
Paano maaalis ang galit sa aking puso
Kung ang dahilan nito ay ang taong nag-iwan ng masakit na marka sa aking pagkatao?
Sa tinagal tagal ng panahon, para bang naging bato ang aking puso
Bawat pintuan ay may kandado
Bawat bintana ay sarado
Ibang-iba na sa dating ako.
Jun 10, 2020
Jun 10, 2020 at 1:43 AM UTC
Sintas Man Ay Kalas
Luma Na At Pigtas
Sapatos At Medyas
Dibaleng May Pintas
Kamisetang Butas
At Maong Na Kupas
Pigtal Na Tsinelas
Hindi Pa Parehas
Tinotonong Kwerdas
karakrus ang kwintas
sa sugal ay utas
pati pato hulas
bahala na bukas
tawagin mang takas
hihiram ng lakas
tatagay ng wagas
nalango sa wakas
kamay lang may hugas
bahid, patak, tagas
palay naging bigas
kahapon ay bakas
sing-linaw ng habas
nahinog ang prutas
ngunit di pinitas
bagsak mula taas
sabik na pumatas
kahit pa lumabas
tinatagong Katas
Tinukso Ng Ahas
Yinapos Ang Angas
Kinapos Sa Alas
Nilukso Yung Dahas
Natisod, Nadulas
Kasi Nga Nangahas
Kung Dati Minalas
Nadapang May Bangas
Babangong Matikas
Sa Mali iiwas
panata kong tagos
dalangin ay lubos
payak man ang lapis
yakap Di Pa labis
sugat na may hapis
ginamot ng kapis
Tila Tala Lihis
Kutitap Sa Bilis
Araw May Silahis
kidlat ang hagibis
mukha na manipis
nagpalit ng bihis
hahakbang sa libis
Layon Ay Malinis
Patama Ay Daplis
Ngunit May Hinagpis
Pinawi Ng Haplos
Animan na agos
Timplang Nalamukos
Animo Ay Musmos
Siglang Dinaraos
Biyaya Ay Puspos !!!
Jan 13, 2022
Jan 13, 2022 at 1:28 PM UTC
Oh anong hapis ang sinapit ng aming bayan
Mula sa bagyong dito ay dumaan
Kapani-panibago ang tanawin saanman –
Ang bundok sa silangan at sa kanluran
Maging ang natatangi naming simbahan
At iba pang malalayong kabahayan
Ngayon ay tanaw na mula sa aming tahanan
Sapagkat mga puno ay kinalbo niya
Marami rin dito kanyang pinatumba
Mga poste ng kuryente ay kasama
Mga palayan ay naging dagat na
Ilog ay halos umapaw sa kalsada
Kahit malalaking bahay ay giniba
Ng sumpa nitong bagyong nagngangalang Yolanda!
-11/09/2013
(Dumarao)
*due to super typhoon Yolanda that hit our town
Sep 14, 2019
Sep 14, 2019 at 9:53 PM UTC
sa paglubog ng araw ay nakatakda ang pagsikat ng buwan
magniningning ang mga bituin
huhuni ang may sanlibong kuliglig
maririnig ang daing ng nagdadalamhati
"magandang gabi, buwan."
nakabibingi ang katahimikan
walang tugon subalit tiyak na may nakikinig
madilim ngunit siguradong may nagmamasid
iihip ang malamig na amihan
sa pagsambit ng mga panaghoy,
bubuhos ang ulan mula sa mga mata
hihiyaw sa galit at hapis ang nagtitimpi
titigil ang mga kuliglig
mag-iibayo ang katahimikan
patuloy na lalagaslas ang ilog sa 'di kalayuan,
kasabay ng rumaragasang damdamin
bababa ang buwan mula sa langit
mahuhulog ang mga tala
ako'y mababalot ng hiwaga
Apr 21, 2020
Apr 21, 2020 at 8:57 PM UTC