"emosyon" poems
Hindi ako marunong tumula
Hindi ako marunong tumula
Kahit tinuruan ako ng **** ko sa wika
Ng tamang pagsulat
Ng may tamang sukat
Ng may tamang sukat ng salita
Ng may tamang salita
Hindi ako marunong tumula
Dahil iniwasan kong gumawa ng isa
Dahil ayoko ng konbensyunal
Dahil ayoko ng sukat-sukat
Dahil ayoko ng bilang-bilang
Dahil ayokong nahihirapan
Kung paano ko ipapahayag ang sarili ko
Hindi ako marunong tumula
Dahil alam kong ang mga makata lamang
Ang may kakayanang makapagsulat
Silang mga nakapag-aral ng wika
Silang mga matagal nang nagsusulat
Silang walang sawang nagsusulat ng mga salitang
Kasing bango ng mga bulaklak
Kasing tingkad ng langit
Kasing linaw ng mga tubig sa dagat
Kasing sarap ng paglanghap ng sariwang hangin
Hindi ako marunong tumula
Kahit naririnig ko sa radyo
Ang mga kantang binibigkas
Ng mabibilis na mga bibig
Ng mga magagaling na mang-aawit ng tula
Hindi ko inibig ang tumula
Dahil alam ko sa aking sarili
Na marunong lang akong magsulat ng kung anu-anong kwento sa buhay
Mga kwentong binibigyan ko ng buhay
Na akala ko sa isip ko lang maninirahan
Ngunit dumating ang araw
Natulala sa isang bagong kwaderno
Blangkong kwaderno
Ni hindi ko alam
Kung ano ang isusulat
Walang maisip ni isa
Maliban sa isa
Ikaw
Ikaw lang ang laman ng isip ko
Nakapaglakbay patungo sa unang pahina
Ang salitang aking hinahanap
Hanggang sa nagtawag siya ng mga kasama
Ng ka-tropa
Ng ka-barangay
Sunod-sunod silang nagsisidatingan
Ikaw lang ang laman ng isip ko
Ikaw na lagi kong kasa-kasama
Ikaw na lagi kong gustong kasama
Ikaw lang
Pero sunod-sunod ang salitang naisulat ko
At nagulat ang nanlalabong mata ko
Tula na pala ang naisulat ko
At nagsulat ako
Nang nagsulat tungkol sa mga ngiti mo
Tungkol sa kung paano kita nagustuhan
Tungkol sa kung kelan lahat nagsimula lahat ng nararamdaman ko
Tungkol sa kung paano ko nilalabanan 'to
Tungkol sa pagkagusto na akala ko hindi dapat
Dahil magkaiba tayo ng gusto
Nagsulat ako nang nagsulat
Hanggang naisulat ko na pala
Na mahal kita
Hindi ako marunong tumula
Ayaw kong gumawa noon ng tula
Pero dahil sa'yo
Marunong na akong gumawa ng tula
Gumawa ako ng maraming tula
May maikli
May mahaba
May hindi tapos
May walang kwenta lang
Halos lahat ay patungkol sa iyo
Minsan sa buhay ko
Pero sa'yo lang umiikot ang buhay ko
Totoo
Ang sarap palang gumawa ng tula
Akala ko mahirap
Akala ko laging may batayan
Akala ko laging may sukat
Tulad ng itinuro sa akin ng **** ko sa wika
Pero hindi pala
May iba palang paraan
Basta't may emosyon kang nararamdaman
Mahalaga na may emosyon tulad ng
Malungkot kasi hindi kita nakasama
Mahalaga na may emosyon tulad ng
Masaya kahit na tinititigan lang kita nakikita ko na mangiyak-ngiyak ka na sa tawa
Mahalaga na may emosyon tulad ng
Pagkasawi kasi alam kong walang patutunguhan 'tong lahat
Katulad mo ako
Isinusulat mo kung anong nararamdaman mo
Ang nararamdaman **** hindi katulad ng nararamdaman ko
Ikaw na siyang nagmamahal ng taong
Hindi ka gusto
Katulad mo ako na
Nagsusulat ng laman ng puso mo
Kung pwedeng ako na lang na ang tinutukoy mo
Marunong akong gumawa ng tula
Ikaw ang may dahilan ng lahat
Nasabi ko na sa'yo lahat
Hindi pa pala lahat
Marunong akong gumawa ng tula
Pero hirap na hirap ako ngayon
Dahil wala na akong maramdaman
Wala na ang pinanghuhugutan
Wala na yatang dapat paglaanan
Wala na
Habang isinisulat ko ito
Wala akong emosyon
Walang emosyong nararamdaman
Sa'yo
Tapos na ata ako sa'yo
Wala na rin akong masulat para sa'yo
Pero marunong akong magsulat ng tula
Kaya
Maghahanap na lang ulit ako
Ng taong paglalaan ng mga salitang
Hindi makatotohanan sa pangdinig kapag isinambit
Hindi makatototohan habang binabasa ng mga mata
At hindi makatotohanang isinulat ng isang hamak na katulad ko
Maghahanap ako
Ng isang tulad mo
Mahaba-haba na ang aking naisulat
Napatunayan ko na atang marunong akong magsulat
Pero hindi ako marunong tumula.
May 29, 2015
May 29, 2015 at 5:50 AM UTC
Ilang taon akong nabulag sa paniniwalang kailangan mo munang makaranas ng sakit bago mo makamit ang tunay na ligaya.
Na ang bawat luha ay may katumbas na galak, na ang bawat gabi ng pighati ay may pangako ng isang masayang umaga.
Ilang taon akong nakipagsapalaran sa pagibig na mapagpanggap. Kaliwa't kanang kabitan, walang katapusang kasinungalingan.
Pagibig na sa harap ng madla ay puno ng kilig at lambing. Ngunit sa ilalim ng mga yakap at mga halik ay ang mga pasa at sugat na dulot ng masasakit na salitang sing talim ng bagong hasang lanseta.
Ilang taon akong nasanay sa kalungkutan, walang kadaladala. Sugod ng sugod sa labang alam ko namang sa bandang dulo ay ako ang uuwing talunan. Pilit akong kumapit sa mga maling tao. O tamang tao sa maling pagkakataon. O sa akala ko'y tamang tao pero hindi naman ako gusto. Sakit no?
Ilang taon akong sumugal sa mga relasyong walang kasiguraduhan, sa pagibig na "pwede na", kahit alam ko sa sarili kong walang patutunguhan. Minsan nga kahit wala nang kakabit na emosyon basta lang may pantawid sa tawag ng laman pinapatos ko ng walang pagaalinlangan.
Ilang taon akong pansamantalang nakisilong sa iba’t ibang tahanan. Na sa una’y buong puso ang pagtanggap ngunit sa bandang dulo ay walang habas din akong pinagtabuyan palabas.
Ilang taon? Hindi ko na mabilang. Hindi ko na mabilang kung ilang taon akong nagtapang tapangan na suungin ang mga tila panibago na namang disgrasyang maaari kong kaharapin sa proseso ng paghahanap ng tunay na ligaya. Isang pagibig na may pangako ng walang hanggan.
Hanggang sa... napagod na ako. Sa wakas, napagod na ako. Napagod na akong kwestyunin ang kalawakan sa kung bakit palagi na lang akong pumapalya sa pagibig. Napagod na akong magtiwala. Natakot na akong magtiwala. Natakot na akong buksang muli ang puso ko sa susunod na estrangherong magsasabing “hindi kita sasaktan, peksman mamatay man”
At Unti unti kong napagtanto na sa ilan taon kong paghahanap ay ako, ako ang nawala.
At nahanap mo ako.
Ikaw ang naging sagot sa bawat tandang panong na ibinato ko sa kalawakan sa loob ng maraming taon. Tinuldukan mo ang lumbay at ipinamukha sa akin na hindi ko kailangang masaktan para makamtan ang tunay na ligaya. Na kailanma'y hindi ako dapat lumuha dahil sa hinagpis. Hindi ka nangakong hindi mo ako sasaktan, ngunit ipinadama mo sa akin ang ang masarap **** pagaalaga. Pagaalagang hindi kailangan malaman ng iba para mapatunayan na bukal sa loob ang hangarin. Binigyan mo ako ng dahilan para muling magtiwala.
... Ng lakas na sayo ay kumapit at ipadama sayo ang init at gigil ng pagibig na ni minsan ay hindi ko naipadama sa sinoman. Binigyan mo ako ng pagasa... ng dahilan para muling maging matapang.
At ngayon, sa unang pagkakataon.
Buong tapang kong ipagsisigawan sa buong mundo na palangga ta ka. Na handa na ako sa pagsisimula ng isang bagong paglalakbay kasama mo mahal ko. At oo, oo ang naging sagot ko.
Aug 23, 2018
Aug 23, 2018 at 1:35 AM UTC
Pag-asa, tayo daw ang pag-asa
Kabataan ang pag-asa ng bayan sabi nila
Pag-asa, pag-asa sa pagbabago
Pero nasaan ang pag-asa,
Kung mismo tayo'y nababalisa
Nababalisa sa paikot-ikot na problema.
Droga,patayan,droga,patayan droga
Paikot-ikot nalang nakakapagod na.
Laman ng balita'y paulit-ulit nalang
At ang mga buhay, mga inosenteng buhay
Ay nasasayang, paulit-ulit nalang.
Pag-asa, nasaan na ang pag-asa
Kung mismo ang ugali natin ay nagbago na.
Ang respeto sa lahat ay nababalewala,
Ang pagpapahalaga sa damdamin ng iba' nawawala na.
Pag-asa, nasaan ang pag-asa kung
Ang ating lipunan ay nagdudusa na?
Nasaan ang pangako ng pagbabago,
Eto ba ay nawala, naglaho o napako?
Mistulang lasing ang mga tao
Nagbubulagbulagan sa sinasabing pagbabago.
Pero nasaan ang pagbabago kung mismo tayo'y di natututo?
Na parang alak ang ating lipunan,
Sa una'y walang epekto, walang pakiramdam
Pero habang tumatagal ika'y mababaliw,
Matutuwa, malulungkot, samu't-saring emosyon.
Pero habang tumatagal ikaw ay mapapaisip
Kung para saan nga ba ito.
Itong paglaklak ng napapakong pangako.
Nasaan na angand nasabing pag-asa at pangako,
Kung tayo ay uhaw sa alak na walang pagbabago?
Aug 27, 2017
Aug 27, 2017 at 7:22 AM UTC
Preso ang Ikinukulong, Hindi Salita
Huwag mo kong ikulong sa mga salitang nais **** makitang taglay ko
Huwag mo kong sikilin ng kalayaan kong ipahayag ang nais ko
O bilangin ang metrong sumasaklaw sa mga katha ko
O mga tugmang umaabot na gayon na lamang ang paglantad na siya nga ay isang presong
Minsang kinulong sa iyong isipan at binigyan mo ng huwad na kalayaan
Huwag mo akong pigilan tulad ng mga letrang
iyong binitiwan kung sa'n ubos na ang oras na siyang dahilan
Upang matigilan ang mga salitang dumadaloy sa ugat na tila nagpipilahan
Sa isang lugar na napigilan ng kaguluhan at ingay ang malalayang sugnay
Ngayon ay dumadaloy na parang isang rumagasang ilog
Sa dulo ng dila ko ay laging naririyan
Isa akong salitang walang kahulugan ni patutunguhan
Salita ako ngunit hindi sinasalita
Ako ay kamatayan sa iilan
At buhay sa karamihan
Kaya't huwag mo akong pigilan ng mga pinili **** letrang
dapat ako, dapat ay tagalayin ko
Dahil ang tula ay tula at ito ay malaya
Parang ako
Ang tula ay malayang di tulad ng tao dahil dito
Walang batas na maaring pumuna
at saglit na mawaglit sa tunay na eksistensya
dahil ang tula ay tula na wala kang karapatang
Yurakan o ismiran o saktan man
Ang tula ay tula na mga anak ng manunula
Hinabi ng emosyon ng puso
ng pawis na nararamdaman ang
bawat patak bawat tibok at bawat sigaw
Dahil ang tula ay tula at ito ay malaya
Ako ang pag-ibig ako ang tula
Ang tula ng pag-ibig
Ang pag-ibig na mapagpalaya
Akong pag-ibig na hindi malaya
Kaya 'wag mo kong siilin ng mga salita
na nais **** makita na nasasa aking tula
Dahil ng tula ay tula
Ang tula ay malaya
Ang mundo ng tula kung sa'n malaya
Mundong nais ko sana
Isang mundong di ko kailanman matatamasa
Sa isang mundong kaaya-aya
Jul 8, 2016
Jul 8, 2016 at 11:10 AM UTC
Pinuro ang lupang buhangin ang kulay
Mga yapak, pawang sadsad sa konsensya
Nagpapawis ang sarili
Pati mata’y may butil na di sadya.
Gamit ang sariling lakas,
*Babaunin ko sana *
ang bughaw na nakaraan
Bagkus kumikinang ang dibuhong
Sampal sa pagkatao.
Hindi ko sya matitigan
May kurot sa puso
Kahit minsa’y walang emosyon.
Mabuti pa sya
Yakap na ng Ama
Habang ako’y makikibaka pa
Pagkat paglisan ko rito’y
Buhay ko naman
Angpagtitibayin –
Susulong ako na parang leon
Ngunit walang pangil
Pagkat sa kahirapan pa rin
Dadapa at magpapaagos
Matalim ang kamndak nito.
May 2, 2015
May 2, 2015 at 10:25 AM UTC
#073016
Alkansya ko'y panalangin --
Taimtim na pananampalatayang ikaw nga.
Hindi mo marahil masaklaw ang estado ng puso
O ang lalim ng determinasyon ko sa paghihintay.
Saludo ako sa katatagan mo.
Kahit na hindi natin nasisilayan ang bawat isa
Sa tuntungan ng saya at pighati.
Hindi ko mawari ang pag-ibig na laan ng Ama
Pagkat kahit hindi magtagpo sa ngayon,
Alam kong ang pagku-krus natin noo'y
Iba ang pahiwatig sa pusong malayang naghihintay.
Walang alaalang masakit,
Kahit pa may mga katanungang hindi nasagot.
Walang sakit na hindi mabubura
Nang pag-ibig Niyang walang kaltas.
Kaya't may galak ang paghihintay.
Araw-araw, mag-iipon ako ng mga panalangin,
Higit pa sa mga salitang laylayan ay tugma;
Higit pa sa mga talatang balot ay emosyon.
At sa aking pag-iipon,
Alam kong kahit tunog-lata ang iila'y,
Tutubo ang mga ito para sa'ting kinabukasan.
Pagkat alam ko kung kanino ako unang nagtanim --
Hindi sayo, hindi sa akin
Bagkus sa Kanyang Siyang may pandilig.
Jul 30, 2016
Jul 30, 2016 at 5:06 AM UTC
Sa minsan kong paghawak ng isang panulat
At sa sandaling panahon na mata'y idinilat
Masakit na katotohanan ang sa aki'y sumambulat
At mga katiwaliang di man lang maisiwalat
At kaya nga nabuo ang una kong tula,
Punong - puno ng emosyon na pawang mga luha
sa kahabaan tila ba naging dula,
Dalawampu't limang berso:pawang may tugma
Hindi ko alam kung bakit at paano
Sa mga isyung pambansa,wala ngang alam gaano
Pero basta't tinamaan ako ng inspirasyon,
Biglang gumagana itong imahinasyon
Mga salita ay rumaragasang tuloy - tuloy,
Parang tubig sa ilog,walang tigil sa pagdaloy
Nag - uumapaw sa kaisipan at sadyang matalinhaga
Tunay na nagmumula sa puso ng makata
Mar 22, 2017
Mar 22, 2017 at 2:14 AM UTC
I. Kilig
Unang kita ko palang sa'yo—
Gusto na kita maging parte ng buhay ko
Sinong hindi kikiligin sa tuwing
Ngumingiti ka rin,
Sa tuwing ngumingiti ako sa'yo.
II. Kaba
Sa tuwing kakausapin kita,
Nauutal ako.
Nagbubuhol-buhol ang mga salita—
Na enensayo ko pa kaninang umaga.
Kasi araw na ‘to ipagtatapat ko na—
Ang tunay kong nadarama.
III. Saya
Dahil sa wakas nasabi ko na!
Hindi ko akalain na pareho ating nadarama.
Sinong hindi sasaya?
Kapag nabigyan ka ng perbilehiyong—
Magkaroon ng “tayo” sa pagitan ng
Dating “ikaw” at “ako” lamang.
IV. Galak
Alam ng Diyos kung gaano nagagalak
Sa tuwing magtatagpo ang mga mata.
Alam ng Diyos kung gaano ako nagagalak
Sa tuwing hahawakan ko ang kamay mo.
Sa tuwing magkausap tayo magdamag
Alam ng Diyos kung gaano ako nagagalak
Nung simula kang maging parte ng mundo ko.
V. Inis
Naramdaman ko rin ang inis
Sa tuwing binabalewala mo ako,
Sa tuwing iba ang kasama mo,
At hindi ko namamalayang
Nagseselos na pala ako.
VI. Pangamba
Nangangamba ako,
Sa tuwing aalis ka ng walang permiso.
Sa tuwing hindi ko alam kung sino kasama mo.
Nangangamba ako,
Sa anong pwedeng gawin mo—
Sa tuwing nagkakaroon tayo ng pagtatalo.
VII. Takot
Takot ako na magsawa ka sa gaya ko.
Takot ako na baka makahanap ka ng iba
Yung kayang higitan ang isang tulad ko.
Takot na baka isang araw—
Hindi na ako ang iyong mahal mo.
VIII. Lungkot
Madalas malumbay na gabi ko.
Sabik na sabik ako —
Sa mga yakap mo,
Sa mga dampi ng mga halik mo,
Sa mga magagaan na haplos sa ulo ko.
At sa mga gabing natatakot ako.
Gusto ko lang na nandirito ka sa tabi ko.
IX. Pangungulila
Dumaraan ang mga araw, linggo at buwan
Na wala ka nang oras sa akin,
Gusto sana kitang puntahan
Ngunit alam kong—
Na mas importante ka pang gagawin.
Naiintindihan ko naman
Pero anong magagawa ko?
Nangungulila ako sa’yo.
Sep 17, 2016
Sep 17, 2016 at 7:15 AM UTC
Ang istorya nati’y parang liham...
Sisimulan ko sa panimulang pagbati.
Ito yung mga panahong bago palang tayong magkakilala.
Yung mga panahong kaibigan palang ang turing natin sa isa’t isa.
Dito ko nakita ang ‘yong nagniningning na mga mata,
at may nakita akong nakakabighani sayo na hindi nakikita ng iba.
Ito yung mga panahong nagkakakilala palang tayo.
Mga panahong wala pa tayo sa puntong “Tayo”,
at ang pinakaimportante sa lahat,
Panimulang Pagbati.
Dito nagsimula ang lahat.
Nagsimula sa simpleng chat,
na nagsasabing: “Ikaw lang ang gusto ko sa lahat.”,
at mula noo’y nagbago ang lahat.
Ito na yung susunod...
Katawan.
Ito yung mga panahong masaya tayong nagmamahalan.
Araw-araw tayong nagtetext at nagtatawanan,
sa mga corny pero sweet nating banatan.
Buong araw, buong gabi, na parang wala nang katapusan.
Ito yung mga panahong patay na patay tayo sa isa’t isa.
Mga panahong lumabas ang pagka-clingy nating dalawa.
Halo-halong mga emosyon ang ating nadarama,
yung tipong gulong gulo ka na’t wala ka nang maisip kundi siya.
Sa panahong ito’y napakasaya nating dalawa, ngunit...
ngunit parte ng katawan ay ang konklusyon.
Ito yung mga panahong paunti-onti nang naglalaho ang “Tayo”.
Mga masasayang emosyon ay nawala nalang sa dako,
at ang mga masasayang araw ay paunti-onti naring naglalaho,
hanggang sa dumating na sa puntong...
Ito na ang huling pagbati.
Ngunit...
Ngunit may isa pang parte ng liham na dapat hindi natin balewalain...
Ang Lagda.
Sapagkat ito ay simbolo.
Simbolo na tapos na ang lahat,
at tinalo na ng emosyon ang ating lakas,
at isa rin itong uri ng pag-uulat,
na parang liham, kung merong simula’y meron ring wakas.
May 16, 2019
May 16, 2019 at 8:22 AM UTC
Nung isang gabi tinanong mo ko
“Bakit mo ko mahal?”
sa totoo lang hindi ko din alam.
puno ako ng damdamin pero ayoko sa emosyon
ayoko sa sakit
ayoko sa mahal.
ayoko na mahal kita.
ayoko din na hinahanap-hanap ko ang mga bisig mo.
sana’y akong mag-isa, akin lang ang sarili ko.
Itong kakapiranggot na pagpapahalaga sa puso ko ay para sakin lang.
bakit ko ibibigay sayo na mapagdamot sa pagmamahal?
isa ka ding takot sa pag-ibig,
takot magpapasok,
takot magbigay dahil walang kasiguraduhan kung maibabalik.
nalalasahan ko sa aking dila ang lungkot tuwing tumitingin ako sa iyong mga mata.
Tuwing nasisilayan ko ang iyong anyo, pakiramdam ko ay kilala kita.
hindi ko alam ang pangalan ng mga mahal mo
at hindi ko alam ang mga bagay na mahalaga sayo,
pero kilala ko ang pagpanglaw ng ilaw sa bawat kurap ng iyong mga mata,
kilala ko ang unti-unti **** pagkaubos.
Isa kang imahe na pinta ng sakit at lungkot at pangungulila
napakadilim ngunit napakaganda.
Kilala kita.
Nakikita kita sa salamin kapag nakakalimutan ko kung ano na ako sa aking paningin.
Siguro alam ko na pala kung bakit kita mahal.
Kung bakit kita gusto mahalin.
Ang yumi mo ay hindi bagay sa dilim.
Kailangan mo ng saya,
ng halaga.
Madilim din ang mga ulap sa aking mga mata
sinta,
pero malinaw pa ang aking paningin
at alam ko kung anong kintad ng kulay ang bagay sayo.
Oct 1, 2016
Oct 1, 2016 at 5:44 AM UTC
Ikaw ang takbuhan sa mga oras na walang wala..
Ang ibig kong sabihin sa walang wala ay yun bang walang wala na kong maibuhos na luha,
Walang wala na kong malapitan,
Walang wala na kong makapitan,
Wala nang gustong makinig,
Wala nang interesado, naubos na kasi ultimo ang para sa sarili.
Ikaw lang ang natatangi.
Ang lakas pala ng loob kong magalit sa mga mang-iiwan, naisip kong wala rin pala akong karapatan.
Ganoon din ako..
Binitawan kita kapalit ng kasiyahan.
Nakangiti ka sa akin habang hinahatid ako sa napakagandang hantungan.
Baligtad na ang mesa.
Nandito na ko.... muli.
Lalakad patungo sa iyo na may dala dalang pluma at papel
Iguguhit ang pait, ngingiti dahil ito na naman tayo sa puntong ito at hindi ko mahanap ang mga tamang salita
Nalimot ko na ata ang tamang pakikipagtalastasan.
Alam kong mauuwi na naman sa tipikal na kamustahan.
Hindi ko inakalang babalik tayo sa nakaraan habang umuusad ang mga kamay ng orasan
Mapagbiro.
Hindi ako handa sa pagsalubong ng taon
Bakit ko nakikita ang mga aninong matagal nang nilamon ng liwanag
Bakit muling nagdurugo ang mga sugat na matagal nang naghilom
Hindi ako naniniwala sa swerte.
Walang swerte. Walang sumugal na hindi natalo.
Buti na lang mayroon akong babalikan.
Ikaw yung kaibigan na hindi lumilisan.
Matagal ang isang taon,
Sumulat ako ng mga tulang kawangis mo
Binuo ko sila na parang mga bahagi ko
Akala ko ay tapos na...
Kung ang pagsulat ay paglaya, hindi ba dapat ay nakakalag na sa akin ang tanikala?
O mali.. baka wala talagang paglaya
Paano kung nililibot ko lamang ang malawak na hawla nang may huwad na pag-asa?
Minasdan ko ang obrang nilikha ng dekada,
Makulay, sa unang tingin ay puno ng pangarap
Parang nobelang nagsasalaysay, at kapag naroon ka na sa kasukdulan ng tunggalian,
Nanaisin **** isara ang pahina..
Makikiusap ang nobela sa isang pagkakataong sana'y siya ay tapusin hanggang huling kabanata...
Napaluha ako ng matindi dahil isa pa lang trahedya ang nobela.
Teka.. teka..
Buburahin ang ilang metapora.
Masyadong madrama.
Malayo sa imaheng gusto kong makita at ipakita
Ngunit tila hindi hawak ng aking kamay ang panulat,
Hinablot nang marahas ng pusong gustong kumawala
Ganon ata talaga sa muling pagkikita pagkatapos ng matagal na pagkakawalay...
Puno ng emosyon.
Magugulo ang burador, wala nang patutunguhan ang tula.
Hindi bale.
Hindi naman dapat na maging maganda ang porma ng tula,
Hindi importante ang sukat at tugma,
Sa susunod na babasa ka ng tula,
Nagbibigay ka ng tunay na pag-asa sa may akda.
Kasinungalingan ang bigkasing masaya ako, ngunit aaminin kong may tuwa, may katiting na pagsigla sa muli nating pagkikita,
Maraming salamat, Sining ng Malayang Pagsulat.
Jan 5, 2020
Jan 5, 2020 at 6:20 AM UTC
Isang babae ang sumakay sa V. Mapa
Maikli ang buhok at kayumanggi
Nakapulang T-shirt at maikling shorts
Tsinelas na plastic ay may takong
Ang jeep ay mahaba, bago at maingay
Balahaw nito ang malakas na tugtugin
Ang barker ay mala trenta maging ang driver
Kung umasta ay tinedyer
Ang musika ay hindi musika
'Pagkat hindi lahat ng sinulat ay babasahin
Ni musika ang lahat ng tugtugin
Hindi musika kundi basura
Ang babae ay sumabay sa saliw ng tugtog
Kumanta nang may emosyon
Walang hiyang ikinampay ang kamay
At winasiwas ang yapos na sako
Hindi pa siya nagbabayad
Malamang wala siyang pera
Hindi siguro iyon ang dahilan ng tawanan
Sa kanya'y marahil may kakulangan
Nawala ang nagwawalang kanta
At nanahimik rin ang aba
Tulala sa kawalan habang may minamantra
Bakit kaya kabisado niya ang kanta?
Kung mayroon mang makapagsasabi
Ano ang nasa isipan ng isang tao
Na hindi rin masasabi kung ano
Paanong ang pag-unawa'y matatamo?
Sila ba talaga ang wala sa katinuan?
Kung sila ang ating pinagtatawanan
Kung mga mata nila'y walang bahid
Pahid ng alinlangan at pagdududa
Naririnig din ba niya
Sigaw ng barker sa kalsada?
Nararamdaman din ba niya
Dampi ng tubig ulan
Naiisip niya kaya
Kung ano ang kinabukasan?
Nagmamadali rin ba siyang makauwi
Dahil may exam kinabukasan?
Bumaba siya sa harap ng arko
Tumalon at masayang nagsayaw sa gitna
Tinunton ang daan sa Teresa
Di namalayang nariyan na siya
Sa patutunguhan niya
Aug 4, 2016
Aug 4, 2016 at 12:37 PM UTC
Ang matamis na lunggati
Debosyon sa dapithapon
Ang pagkurap ng liwanag na kuyad-kuyad ay
sinapupo ang emosyon
Sa paglakad ng relo -
bilog na mayroong guhit ng oras
Gabing panaginip ay umimbulog
Sa malamayang tanawin
Naka sambalilo nang nanood
Nang natawid ang gabi't araw
Nasilayan ang bagong buhay
Regalo ng Panginoon
Sa bintana hinintay
ang muling pag-ahon ng ilaw
Sa pagtutungka na parang lango
Wari'y gumapang sa kalawakan
Pagawpaw ng pangarap
Di maabot kahit sa panaginip man lang
Nakasalubong si Dessa ngunit kagyat nang lumisan
Ang kanyang mabuhaghag na buhok
humahaba nang malubay, medyo pakulot
Naniniwala kahit sa kalagimlagim na sandali
Na ang mga nakaraan ay maalala muli
Jan 22, 2019
Jan 22, 2019 at 9:52 PM UTC
#110316 #Libis
Sa ruta kong di malaman
Kung pakaliwa ba o pakanan
Doon ka naman naglaho, sinta
At tanong ng puso'y nasaan ka na?
Sa ulap na walang dalang ulan
Di mawari kung maghihintay ba
Sabihin mo, hanggang kailan?
Sa hangin na hindi umiihip
Tila sa ikot ng mundo'y naiinip
Nasaan ka na?
Sa araw na walang ilaw at sinag
Tagos sa puso't damdamin ang pagkabanaag
Kakagat ang dilim
Pero bubuksan mo ang liwanag
Ito ang ating takipsilim
Bangon, itapon ang kumot na buhat sa dilim
Sasabay ako sa agos mo
Kung yan naman ang nais mo
Sasabay ako sa pag-ibig mo
Mamahalin kita hanggang sa dulo ng mundo
Sasabay ako sa ihip mo
Bawat letra'y siyang mensahe mo
Sasabay ako sa pag-ibig mo
Mamahalin kita magunaw man ang mundo
Hanap-hanap kita
Sa eskinitang may mga tagong kwento
Sa mga tagpong hindi nagtatagpo
Sa mga lirikong walang tono
Sa mga pagkakataong di nagkakataon
Sa mga luhang tiyak ang emosyon
Sa mga ngiting nakabibitin
Sa mga kulay na pinipintang may buhay
Narito ka pala, narito ka pala.
Nov 2, 2016
Nov 2, 2016 at 7:50 AM UTC
Di pa alam anong mangyayari,
Sa planong pinag-isipang mabuti,
Ano kaya ang magiging bunga,
Ng aking mga huling pahina.
Saan kaya aabot ang aking mga tula,
Tatagos kaya sa puso mo ang damdamin kong ikinubli,
Mararamdaman mo ba ang emosyon sa likod ng 'king tinig,
Makakaabot kaya sa iyo aking binibini.
Ang mensahe ko sana'y sapat,
Magbunga sana ang aking pagkamatapat,
Panalangin ko lamang na sana di maging salat,
Ang laman nitong mga huli kong sulat.
Kaya bahala na, bahala na,
Bahala na ang Maykapal sa huling kabanata,
Bahala na ang panginoon sa katapusan,
Pati na sa darating na kinabukasan,
Nitong kwentong nangyari nang di inaasahan.
Nov 9, 2017
Nov 9, 2017 at 4:29 AM UTC
Hindi ito isang pagpaparinig
Ito ay isang pagpapahiwatig
Na sa oras na aking marinig
Ang malalamig **** tinig
Na sa’kin ay nagpapakilig
Ako ay agad na tumatahimig
Ikaw ay aking pinaamin
Inaway kita at pilit na diniin
Na may nararamdaman o may gusto ka sa’kin
Ang pag-aaway na ito ay itigil natin
Mayroon ka lang sasabihin sa akin
At yun na nga, ikaw ay napaamin rin
Isang araw, aking napag-isipan
Bagay tayo, ikaw ay niligawan
Gusto mo ang gumagawa ng tula
Tatlong tula yan ang aking ginawa
At yun na, sinagot mo’ko bigla
Naging masaya ako, totoo
Naging masaya ako sa piling mo
Nakakalimutan ko lahat ng problema ko
Akala ko palagi tayong masaya
Yun ay panaginip ko lang pala
Ang mahal ko ay may mahal ng iba
Masakit, masakit na wala ng tayo
Pero Masaya, Masaya dahil merong kayo
Galit, galit ako dahil pinipilit ko ang sarili ko sa’yo
Takot, takot akong mawala ka sa buhay ko
Yan ang emosyon, emosyon ko sa’yo
Pero ano na ba ang papel, ang papel ko sa buhay mo
Pangako huli na to, huling tula na gagawin ko para sa’yo
Seryoso, wala itong halong biro
Pakakawalan na kita
Sana maging masaya ka sa kanya
Marami pa namang iba, iba na mahihigitan ka pa
Kaya paalam na.
Jul 10, 2020
Jul 10, 2020 at 9:42 AM UTC
Sa isang parihabang kwaderno
Nasilayan ko ang iba't ibang kulay ng panulat
Mula sa malayo, hawak hawak niya ang pluma
Umaasang may malalathalang kakaiba
Sa kaniyang utak na blanko't walang kusa
Nais lang naman ng kaniyang puso ang malaman
Kung mayroon pa nga bang siyang pag-asa
Pag-asang makalikha ng bagong yugto at makatakas sa kulungan
Mistula bang napakaraming emosyon ang nanaig
Onti-onti niyang nabubuksan ang kaniyang mga matang tago sa realidad
Sinulat niya ang unang saknong ng kaniyang tula at isinaad,
"Sana'y matagal na akong namulat sa katotohanang panaginip lamang ang makasama ka magpakailanman."
Bawat kulay na aking nasilayan mula sa kwaderno'y nabubura
Ang lalaking manunulat ay sumisigla
Napagtanto niya na kinakailangan niyang magparaya
Magparaya upang siyang patuloy nang lumigaya
Nov 12, 2018
Nov 12, 2018 at 10:12 AM UTC
080216
Ayoko sanang sagutin
Pero gusto kitang marinig.
Naiinis ako
Pagkat nilalampaso ang puso ko.
Pagkat wala lang sayo,
Pero heto ako't tila iniibig ka pa rin.
"Hello"
Sa tagal ng panaho'y
Ngayon lamang ulit.
Natatameme ako pagkat walang masambit.
Tangan ko ang matatamis na alaala,
Subalit dumadampi ang sakit
Tumatagos higit pa sa damdamin,
Ang iyong walang paalam na paglisan.
Yung boses **** tila walang emosyon,
At doon tumigil ang tibok ng puso.
Hindi ko alam ba't hinahayaan ka
Ba't ako'y tila umaasang
Baka may pangalawang pagkakataon pa.
Alam ko namang iba na ngayon,
Walang malalim na dahilan.
Wala kang dahilan
Bagkus puso ko'y tila naghihintay.
Nagtataka ako sa mga tanong mo
Nagtataka ako sa pag-uusisa mo.
Natatakot akong mahulog sayo,
Pagkat alam ko kung gaanong sakit na ang natamo
At sa ngayo'y
hindi ko na ata kakayanin pang muli.
Aug 2, 2016
Aug 2, 2016 at 9:36 AM UTC
Huwag ka mag-alala.
Sa darating natin annibersaryo
Ipagsisindi kita ng kandila.
Para sa mga damdamin namatay
At emosyon naibaon ko na sa lupa.
Ipagsisindi kita ng kandila
Para makita mo ang liwanag
Sa mundong panadilim mo.
Ipagsisindi kita ng kandila,
Para maramdaman mo ang init na hindi mo na mararamdaman.
Ipagsisindi kita ng kandila,
Pero huwag mo ito hawakan.
Mapapaso ka lamang at sa huli
Ay papatayin mo lang ito para mapasaiyo.
Sep 17, 2018
Sep 17, 2018 at 2:01 AM UTC
May bagong emosyon na sumisibol,
May bagong sakuna na nagsisimula.
Kailangan itong mapigilan ng aking Isipan
Bago pa 'to maunahan ng aking Puso
Na tumitibok, tumitibok,
Tumatakbo!
Pabilis ng pabilis
*Tuwing naaalala ko ang
Himig ng kanyang tawa
at hugis ng kanyang ngiti.*
Ay!
**Kailangan nitong mahinto
Ngayon din.**
O Puso, sulong!
Lumaki at lumago.
Hanggang ngayon isa ka pa ring musmos na bata:
Mapaglaro at mapagbiro.
Walang nalalamang masamang hangarin ngunit
Wala ring sinusundan na mabuting tuntunin.
O Puso, urong...
Kapag may naghahamon sa iyo.
Dahil nga isang bata ka pa rin,
Matulog ka lang ng mahimbing.
Huwag kang lumaban,
Sumabay lang sa agos ng tadhana.
Maawa ka naman sa sarili mo
Huwag ngayon,
Huwag muna.
Jun 26, 2014
Jun 26, 2014 at 1:48 AM UTC
Iiwan kita hindi dahil meron na akong iba.
Iiwan kita dahil gusto ko nang lumaya.
Iiwan kita hindi dahil ayoko na kitang makita.
Iiwan kita dahil ayoko nang pagmasdan ang mga luhang
nangingilid sa iyong mga mata.
Hindi ko na kaya!
Ang makita kang lugmok at naghihimutok sa lungkot.
Ito’y nagdudulot sa puso ko ng kirot.
Tama na! Tama na! Tama na!
Tahan na aking sinta.
Ako sana’y unawain.
Napakabilis ng mga pangyayari.
Hindi ko alam ang hiwaga mayroon ka.
At iyong nasungkit ang matamis kong oo.
Mabilis. Napakabilis. Sadyang kaybilis.
Heto ako ngayo’t litong-lito.
Sana’y hindi nagmadali.
Sana’y natutong maghintay.
Sana’y walang taong nadamay.
Oo. Sa tinagal ng ating pagsasama,
Ngayon ko lang napagsama-sama.
Ang mga himutok ng aking saloobin.
Ako’y naging mapusok at ngayo’y naghihimutok.
Sana’y walang inaalala.
Sana’y hindi kinokonsensya.
Sa tingin ko ay ito ang tama,
Ang ika’y iwanan ng ika’y mabuhay.
Hindi ko batid ang sakit na iyong nararanasan.
Aking irog, ako man di’y nahihirapan.
Ang higpit ng iyong pagkakahawak,
Siyang sumasakal sa akin tuwina.
Iiwanan kita dahil ayoko na.
Oo! Ayoko na!
Tatapatin kita aking sinta,
Hindi ko na kaya!
Hindi na ako masaya.
Sa pag-inog ng mundo ako’y unti-unting nawawala.
Nawawala sa sarili.
Nawawala sa landas na aking dapat tahakin.
Sadyang kay mura pa ng aking edad
Upang sumuong sa ganitong realidad.
Nadala lang marahil ng matinding emosyon.
Sa tagal ng ating pinagsamahan aking napagtanto,
Hindi ikaw ang saki’y siyang nakalaan.
Tayo’y pinagtagpo upang matutunan ang isang leksyon.
Hindi para sa iyo ngunit para sa akin.
Aking kaibigan ako sana’y patawarin.
Hindi ko sadyang puso mo ay wasakin.
Ang hirap! Napakahirap!
Sa dalawang taong ating pinagsamahan,
Hindi kita malilimutan.
Aking pagsusumamo na sana’y
Paglipas ng panahon ay iyong matagpuan
Ang taong magmamahal sa iyo ng lubusan.
At hindi ipaparanas ang pait ng kahapong ating pinagdaanan.
Iiwanan kita dahil alam kong kaya mo na na ako’y wala na.
Iiwanan kita dahil nais kong iyong ipagpatuloy ang iyong buhay.
At nang matupad ang iyong mga plano para sa iyong pamilya.
Sinta alam kong ito’y sadyang masakit.
At sa pagtatapos nitong aking talata.
Nawa’y iyong ibigay ang aking kahilingan.
Sinta, ako sana’y palayain mo na.
Iniwan kita hindi dahil ayoko na.
Iniwan kita dahil mahal kita.
Sadyang ang lubos na pagmamahal na nararapat sayo
ay hindi mo matatamo sa akin bagkus ito’y iyong
matatamasa sa piling ng iba.
Jul 25, 2017
Jul 25, 2017 at 10:26 PM UTC
Hindi kailan man umiba ang pintig ng puso,
Pusong ikinabit sa mga emosyon,
Emosyon na hindi malaman kung bakit nagsimula,
Nagsimula at bumuhay sa magugulong pangarap,
Pangarap na magmamahal ngunit hindi kayang isuko,
Isuko ang puso para sa iba.
Iba, iyan sila. At iba ka rin sakanila,
Sakanila na nagsasabing darating din ang araw na magmamahal,
Magmamahal ng buong puso at kaluluwa,
Kaluluwang hindi sigurado kung totoo nga ba,
Totoo nga bang may kahati ka,
May kahati ka, at ako nga ba?
Ngunit lumipas ang panahon,
Panahon na nasayang sa paghahanap sa tutugon,
Tutugon sa kaisipang itinatak nila sa isipan,
Sa isipan kong naguguluhan.
Ngunit aking napagtanto,
Napagtanto na hindi lahat iibig sa alam nilang paraan,
Paraan kung saan ang dalawa o higit pang tao ay pupunan ang kakulangan,
Kakulangan na sabi nila'y mabubuo lamang,
Mabubuo lamang kapag nagtagpo ang mga pusong natutong magmahalan.
Ngunit paano nga ba magmahal?
Magmahal ng isinusuko ang lahat,
Lahat na gagawin ko rin sa aking mga kaibigan,
Mga kaibigang handang pakinggan,
Pakinggan tulad ng pakikinig sa boses mo,
Sa boses mo na tila tumugon sa boses ko,
Sa boses ko na bigla nalang din natigilan.
Ngunit hindi ito para sa'yo,
Sa'yo kung saan may nagpatigil ng tinig ko,
Tinig ko na nagtatanong nanaman,
Nagtatanong nanaman kung bakit tila may mali sa sariling pagkakakilanlan,
Pagkakakilanlan sa puso at sa pagmamahal nitong alam.
Isang araw gumising nalang,
Gumising nalang at napagalaman,
Napagalaman na maraming paraan ng pagmamahal,
Pagmamahal na posible minsan,
Minsan... o siguro nga'y kadalasan,
Kadalasan ay iba ang pagkaunawa,
Pagkaunawa sa pag-ibig na pilit nilang itinatatak sa isipan.
Aug 30, 2020
Aug 30, 2020 at 5:05 AM UTC
I.
Ang bilis ng panahon!
Parang kailan lang nagkakahiyaan pa noon.
Pero tignan mo naman,
Para na tayong magkakapatid magturingan ngayon.
II.
Sandalan ang isa't-isa 'pag may problema.
'Pag magkakasama oras ay hindi alintana.
Ako 'yung taong mabilis pang-hinaan,
Pero dahil sa inyo, natutunan kong lumaban.
III.
Ang bilis ng panahon!
Hindi ko pansin na lumipas na pala ang apat na taon.
At sa apat na taon na 'yun, naramdaman ko lahat ng emosyon:
Saya, lungkot, takot, kaba, pagdurusa, kilig at matinding ligaya.
IV.
At kahit lumipas pa ang sunod na apat na taon (o higit pa)
Sana 'wag kayong magbago,
At ganun din ako.
Kung paano ko kayo nakilala, sana 'yun pa rin kayo.
V.
Kung may mga problema kayo, pwede niyo akong lapitan.
Basta wag lang tungkol sa Math at pera, may sakit ako niyan.
Sabi nila hayskul ang pinakamasaya sa eskwela,
Pero para sa akin, kolehiyo pa rin talaga!
VI.
Natutuwa ako dahil magtatapos tayo ng sama-sama,
Kahit na 'yung iba, may alanganin pa.
Kaya niyo 'yan, nasa inyo ang aming suporta!
Kaya sa katapusan sana sabay-sabay tayong magma-martsa!
May 3, 2016
May 3, 2016 at 12:00 AM UTC
032317
Sinubukan kong intindihin
ang bawat salitang sinasabi mo
Hinabi gamit ang iba't ibang lenggwaheng
Bago lang sa paningin at pandinig ko.
Natakot ako pagkat hindi ko maintindihan
At dumating na nga sa puntong
hindi na rin kita maintindihan.
Kaya sumubok akong humanap ng ibang kahulugan
Nagbaka sakaling sa "doon"
ay may mapupuntahan.
Pero mali pala yung takot
na namuo saking pagkatao.
Lahat ng sabi kong iintindihin ko'y
bigla na ring naglaho.
Lumapit ako sayo
pagkat kinakain ako ng emosyon ko,
Ng takot, duda at kakulangan sa tiwala sayo.
Sinambit mo sa aking tumigil na ako --
Sa pag-aalala sa mga bagay
na ikaw mismo ang aareglo.
Dagdag mo pa'y ikaw ang aakay
sa mga walang katapusang kahinaan ko
At doon ako natutong:
wag ka nang ipilit ang kakayahan ko.
Nilinis mo ako at ginawa mo pa ring bago
At sabi mo pa nga'y aabahin mo ako
Hanggang sa makarating tayo sa simulang dulo.
Ama, sa aking pagpapasakop,
Pwede bang yung buong ako
Yung yakapin **** may pagkalinga?
Napagod na kasi akong mag-isa
Gusto ko nang sumilong --
Sumilong sa tangi **** presensya.
Mar 22, 2017
Mar 22, 2017 at 11:45 PM UTC
*Ayaw kong magkwento,
sa personal na buhay ko.
Ayokong sabihin,
bawat emosyon ko sa tao.
Tao ako at hindi ano,
hindi rin hayop o anino.
Hindi bato ang puso,
may laman at dugo.
Nagagalit, umiiyak,
luha'y pumapatak.
Naninibugho, nasasaktan,
nakakaramdam, nasusugatan.
Nauuhaw, nagugutom,
natutusok ng karayom.
Sumisigaw,humihiyaw,
minsan kinakantiyaw.
Kaya...
Kung personalan ang nais niyo,
Bakit di mo tanungin sarili mo?
Gusto mo bang pakialaman ko,
Bawat hibla ng buhok mo?
Ikaw ay ako,
Ako ay ikaw.
Tao tayo,
Hindi bagay,
Hindi hayop,
May puso,
may laman at dugo.*
Oct 15, 2015
Oct 15, 2015 at 5:30 PM UTC