Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karl Allen Nov 2015
(On love by Kahlil Gibran ; A Translation)
Kung magkataon na tawagin ka ng pag-ibig, sumunod ka,
Kahit pa ang daan niya'y mahirap at matarik.
At kung yakapin ka ng kanyang mga pakpak ay magpaubaya ka,
Kahit pa ang mga punyal na nakatago sa kanyang mga balahibo ay kaya kang sugatan.
At kung mangusap siya sa iyo ay maniwala ka,
Kahit pa ang kanyang tinig ay kayang durugin ang iyong mga pangarap
Tulad ng pagsira ng hanging habagat sa mga halamanan.

Sapagkat kung paano ka parangalan ng pagibig ay ganoon ka din niya ipapako sa Krus.
‘Pagkat kahit pa siya'y para sa iyong paglago ay ganun din siya para sa iyong pagka-bulok.
Kahit pa pinayayabong ka nito sa iyong pinaka-mataas at hinahaplos ng liwanag nito ang iyong mga sanga,
Ganoon din niya huhugutin ang iyong mga ugat mula sa pagkakabaon nito sa lupa.

Tulad ng mga butil ng mais ay itinatali ka nito sa kanyang sarili.
Binabayo ka niya upang mahubdan
Ginigiling hanggang sa kuminis.
Minamasa hanggang sa lumambot
At ika'y kanyang isasalang sa kanyang banal na apoy, upang ika'y maging banal na alay na ihahain sa banal na pista ng Panginoon.

Ang lahat ng ito'y gagawin ng pagibig upang malaman mo ang mga lihim ng iyong puso, at sa kaalamang iyon ay maging bahagi ng puso ng buhay.

Ngunit kung sa iyong pagkatakot ay hanapin mo lamang ang kapayapaan at kasiyahan ng pagibig,
Ay mabuti pang ika'y magbihis at lumiban sa kanyang giikan,
Sa isang mundong walang kulay kung saan ikaw ay tatawa, ngunit hindi
lahat ng iyong kasiyahan, at iiyak, ngunit hindi lahat ng iyong luha.
Walang ibinibigay ang pagibig kundi ang kanyang sarili at walang tinatanggap kundi ang galing din sa kanya.
Ang pagibig ay hindi nang-aangkin at nagpapa-angkin ;
Sapagkat ang pagibig ay sasapat lamang sa pagibig.

Kapag ika'y umibig hindi mo dapat sabihing, “Ang Diyos ay nasa aking puso,” kung hindi, “Ako ay nasa puso ng Diyos.”
At 'wag **** isipin na kaya **** diktahan ang pagibig, 'pagkat ang pagibig, kung matantong ika'y karapat-dapat, ay ididikta sa iyo ang iyong landas.

Walang kagustuhan ang pagibig kung hindi tuparin ang kanyang sarili.
Ngunit kung ikaw ay umibig at mangailangan, maging ito ang iyong kailanganin:
Ang matunaw at umagos na parang batis na umaawit sa gabi.
Ang malaman ang sakit ng lubos na pagaaruga.
Ang masugatan sa iyong sariling kaalaman ng pagibig;
At masaktan ng kusang-loob at may ligaya.
Ang gumising sa bukang-liwayway ng may pusong kayang lumipad at magbigay pasasalamat sa isang bagong araw ng pagibig;
Ang magpahinga sa tanghali at magnilay sa sarap ng pagibig;
Ang umuwi sa hapon ng puno ng pasasalamat;
At matulog nang may panalangin para sa minamahal sa iyong puso at awit ng papuri sa iyong mga labi.
derek May 2016
Napapagod na akong tumingin sa Facebook ko.
Sa dingding ng mga masasayang larawan ng mga kaibigan, katrabaho
Sa dingding ng mga opinyon na nagdudulot ng masalimuot na pagtatalo
Sa dingding ng mga tagumpay na nakamit mo sa pagsusumikap mo
Sa dingding ng mga narating **** lugar na sobra na ang layo
Sa dingding ng mga video ng pagbigkas mo ng tula sa harap ng maraming tao
Sa dingding ng mga sandaling iginapos mo para ipamukha sa akin na ang buhay ko ay pagkabaho.

Salamat sa mga larawan ng masasayang sandali kasama ng iyong kabiyak
ng inyong matamis na pagmamahalan, na sa sobrang tuwa gusto mo nang umiyak
Nang matuloy kayo sa simbahan, oo na, marami na ang nagagalak
Eto na ang puso ko, wag ka nang mahiya, tuhugin mo na ng itak.

Salamat sa mga opinyon mo tungkol sa paborito **** kandidato
Wala ka na atang ibang ginawa kung hindi halughugin ang Internet para sa bawat artikulo
Para isulat sa dingding mo kadikit ng mga opinyon **** walang humihingi, kahit na sino
Para kang teacher ko na may dalang nutri-bun na isinasaksak pilit sa akin kahit sukang-suka na ako.

Salamat sa mga salita ng pasasalamat na binibigkas mo
kung gaano kadaming biyaya ang ipinagkaloob ng Bathala sa iyo
Sa bawat tagumpay na nakamtan mo sa napili **** trabaho
Naitatanim ko tuloy sa aking isip, kung bakit ang layo mo gayong sabay lang tayo?

Pasensya na, malamang sa inyo ay may natatamaan ako
Wala akong planong durugin ang kahit na anong ugnayan ko sa inyo
Gusto ko lang banlawan, langgasin ang nalalasong utak at puso ko
na pinapatay ng Facebook sa tuwing titignan ko ang mga dingding ninyo.

Kung gaanong ipinararamdam sa akin na sa paninindigan ako ay wala
Na hindi ko kaya maglahad ng opinyon kasi walang papansin, walang maniniwala
Dahil maraming beses na akong naging tapat noong ako ay nasa highschool pa
Wala akong naging kaibigan. Narinig mo? Wala akong kwenta.

Kung gaanong ipinararamdam sa akin na hindi na ako makakarating kahit saan pa.
Kasi pinili kong manatili, kahit mainit, kumpara sa ibang bansa
Dahil nanuot sa aking dila na hindi ko kayang makipag-usap sa kahit na sinong banyaga
Kasi palpak ang Ingles ko. Narinig mo? Wala akong kwenta.

Kung gaanong ipinararamdam sa akin na mamamatay akong mag-isa
Na hindi ako magkakaroon ng pagkakataong lumigaya
Dahil sa pinalagpas kong sandali, ay hindi na mauulit pa
Dahil wala akong kwentang lalaki. Narinig mo? Wala akong kwenta.

Sobrang baba na ng pagtingin ko sa sarili ko.
Ang tanikalang gamit sana para makipagugnayan sa mga kakilala ay tila naging isang angkla na humihila sa mga paa ko
pailalim sa karagatang puno ng mga pusong natalo
Nabigo sa pag-ibig, sa buhay, at sa kahit na ano.

Kaya lalayo na ako sa mga dingding ninyo.
Hindi na ako papayag na manatiling tumatanggap na lang ng kahit na anong ipapaskil mo.
Tatakas ako sa mga rehas na nilikha ng mga masasaya ninyong minuto
Magtatayo ako ng sarili kong dingding. Bubuuin ko ang aking pagkatao mula sa pagkakapira-piraso.
Hi
Hi!
Tuwang tuwa ako sa salitang ito.
Lalo na't mula sa'yo.
Bakit gano'n?
Isang Hi mo lang di mapigilang bumilis ang tibok nito.
Isang Hi mo lang nabubuhay ang dugo kong ito.
Hayyysssss…

Hello!

Di'ba sinaktan at iniwan mo ako?
Di'ba sabi mo ayaw mo na? Di'ba?

Niloko
Pinaiyak
Dinurog.
Niloko
Pinaiyak
Dinurog.

Ang puso kong ito, noong masayang magkapiling pa tayo.
Tama bang bumilis ang tibok nito kapag ikaw ang kaharap ko?
Tama bang tumibok ulit ito para sa'yo?
Tama nang sinaktan mo ako ng isang beses.
Ayaw ko nang dumalawa pa.
Ayaw ko nang saktan mo pa.
Ayaw ko nang ganito'ng nadarama.
Ayaw ko na.
Sa'yo.
Oo, tama ang narinig mo na
Ayaw ko na sa'yo.
Kaya kung maaari lang layuan mo na ako.
Oo, gusto pa kita at alam ko rin na gusto mo pa ako.
Oo gustong gusto mo pa ako.
Oo gusto mo pa ako.
Oo gusto mo ako. Ano?
Gustong gustong saktan, paluhain, durugin.
Ano pa ba?
Ano pa ba ang gusto **** gawin sakin?
Pero hindi mo na muling magagawa pa dahil ayaw ko na.
Tama na, sobra ka na, itigil mo na.

Mauubus din ang nararamdaman kong ito para sa'yo.

— The End —