Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Itaas ang iyong noong aliwalas,
Mutyang Kabataan, sa iyong paglakad;
Ang bigay ng Diyos sa tanging liwanag
Ay pagitawin mo, Pag-asa ng Bukas.

Ikaw ay bumaba, O katalinuhan,
Mga puso namin ay nangaghihintay;
Magsahangin ka nga't ang aming isipa'y
Ilipad mo roon sa kaitaasan.

Taglayin mo lahat ang kagiliw-giliw
Na ang silahis ng dunong at sining;
Kilos, Kabataan, at iyong lagutin,
Ang gapos ng iyong diwa at damdamin.

Masdan mo ang putong na nakasisilaw,
Sa gitna ng dilim ay dakilang alay,
Ang putong na yaon ay dakilang alay,
Sa nalulugaming iyong Inang Bayan.

O, ikaw na iyang may pakpak ng nais
At handang lumipad sa rurok ng langit,
Upang kamtan yaong matamis na himig,
Doon sa Olimpo'y yamang nagsisikip.

Ikaw na ang tinig ay lubhang mairog,
Awit ni Pilomel na sa dusa'y gamot
Lunas na mabisa sa dusa't himutok
Ng kaluluwang luksa't alipin ng lungkot.

Ikaw na ang diwa'y nagbibigay-buhay,
Sa marmol na batong tigas ay sukdulan,
At ang alaalang wagas at dalisay
Sa iyo'y nagiging walang-kamatayan.

At ikaw, O Diwang mahal kay Apeles,
Sinuyo sa wika ni Pebong marikit,
O sa isang putol na lonang makitid
Nagsalin ng kulay at ganda ng langit.

Hayo na ngayon dito papag-alabin mo,
Ang apoy ng iyong isip at talino,
Ang magandang ngala'y ihasik sa mundo,
At ipagbansagan ang dangal ng tao.

O dakilang araw ng tuwa at galak,
Magdiwang na ngayon, sintang Pilipinas!
Magpuri sa Bayang sa iyo'y lumingap,
Umakay sa iyo sa magandang palad.
Jose P. Rizal
RL Canoy May 2020
Tuwing balikan ko ang nangakaraang
araw na nagugol noong kabataan.
Wari'y nagbabalik ang diwang malumbay,
na minsang dinanas niring abang buhay.

Ang bawat nagdaang aking mga araw,
doon sa luntiang ating paaralan
gunita ay pawang dusa't kapanglawan,
ang bumabalot niring balintataw.

Subalit ang dusang nakapanghihina,
pilit napapawi ng mumunting saya.
Ang isang bituing kahali-halina'y
naging hugot-lakas niring pusong aba.

Hindi ko mawari noon yaring dibdib,
tuwing binabaybay ang daang matinik.
Anong ubod sayang naglaro sa isip,
ang sinintang Musa ng aking pagibig.

Simula nang ikaw ay aking mamasdan
O! hangad kong tala sa sangkalangitan,
hindi ko malirip at di na maparam
tila nanggayumang lagi sa isipan.

At magbuhat noo'y aking hinahangad;
ang sangkalangita'y aking malilipad,
upang mahahaplos ang talang pangarap
at isang dahilan niring pagsisikap.

Subalit ang hangad wari'y panaginip
at tila'y malabo itong makakamit.
Pagkat ako'y lupa't ikaw'y nasa langit,
at kutad ang pakpak at walang pangsungkit.

Ang tanging nagawa, sa layo'y pagmasdan.
Puso'y inaaliw sa taglay **** kinang,
at kung anong siglang sa akin nanahan,
ang sanlibong dipa'y lakaring di pagal.

Iyon ang gunita't aking kabataan,
doon sa mahal kong ating paaralan.
Kung pagsaulan ko'y pawang kapusukan,
subalit tiyak kong sa puso ay bukal.

Sumapit ang yugtong di ko na namasdan
ang tanging bituing aking minamahal.
Pagkat ay nalayo ako sa tahanan,
upang susuungin ang bago kong daan.

Ang pakiwari ko'y sa taong nagbago,
paghanga'y aayon at ito'y maglaho.
Tulad ng magapok ang buhay na bato,
kung saan inukit ang puso't ngalan mo.

Taon ay nagdaa't panaho'y lumipas,
ngunit ang paghanga'y hindi kumukupas.
Hindi ko maarok na lalong nagningas,
nang muling magtagpo ang ating nilandas.

Kaya ninais kong maipapahayag,
ang mga damdaming sa puso'y nailimbag.
Limang ikot-araw ang mga nagwakas,
magpahanggang ngayo'y laging umaalab.

Ikaw ang bituing aking hinahangad,
isa sa nagtanglaw niring aking landas.
Ang Musa sa puso't tanging nililiyag,
ang umakay niring diwa na sumulat.

At ngayon ay aking naipapabatid,
dito sa talatang nagsalasalabid.
Mula sa paghanga't tungo sa pagibig,
ang hindi maihayag niring dilang umid.

Papalarin kaya itong abang lingkod,
at mula sa langit ikaw'y pumanaog?
Diringgin mo kaya yaring tinitibok
ng pusong noon pa'y sa'yo umiirog?

At kung yaring akda'y sa'yo walang lasap,
ipaguumanhin ang pusong sumulat.
Ninanais ko lang na maipahayag,
ang aking pagtangi sa'yo at paglingap.

At kung kasadlakan nito'y pagkabigo,
sa aking paglapit, ikaw ay lalayo.
Tanging hinihiling, sa iyong pagtakbo,
nawa'y di burahin ang mga yapak mo.

©Raffy Love Canoy |March 2020|
AK na Makulay Nov 2019
Sa kasaysayan ng aking bukas na pagkamulat
Hindi lamang kaalamang pang-ibabaw kundi pati panloob nami’y binulabog
Hindi lang hinayaang sumakay sa bangka kundi pati pagsagwa’y itinuro
Binuksan ang inaakalang hindi na mahihigilap o matatagpuan man
Pero higit pang liwanag ang iyong ipinadama, at ipinahamon sa dilim na nagtuturo

Binusog mo kami ng kasaganaang higit pa sa inaasahan
Sa yakap ng pag-irog, pang-unawa at pagtuklas
Pamilyang naging karamay sa bawat hirap, gutom at pagsubok
Tunay na tahanan ng mga propeta, tunay na naging huwaran sa aming kalagitnaan
Hinubog mo kami ng may pagkakakilanlan buhat sa aming pagkakaiba’t iba

Kinalampag mo hindi lamang ang aming tenga, bibig at mata
Ngunit buong pandama nami’y iyong ginigising
Pati ang kaibuturan ng aming mga laman at buto
Inilubog kami sa karanasang nakakapagpabago
Upang konkretong sumaksi na may tapang at dangal

At dahil dito, sama-sama’t magkaagapay tayong kumikilos
Nakikiisa sa tanging layon ng Kristong sinusundan
Ang bukal ng kasaganaan at kahulugan ng buhay
Patuloy na bibigyang kulay at padadaluyin sa ugat’ dugo ng pakikibaka
Hayagang ipalalaganap at isasabog sa buong sangnilikha
Na may pagkilala sa Diyos na Buhay, ng Kasaysayan, Kaayusan, at Pag-ibig

Pagpupugay sa Tahanan ng mga Propeta, Union Theological Seminary!
Sa Sampung Dekada at Labindalwang Taon
“Masaganang Nananahan,
Buong Diwang Sumasaksi,
Bukas-palad na Naglilingkod!”
Isang Pagkilala sa Union Theological Seminary!
AK Tadiosa|October 20, 2019
JOJO C PINCA Nov 2017
"bakit si Limahong at hindi si Komrad Mao? sapagkat ang paglisan sa sariling ina upang sumuso sa bukal na buhay ng ibang dibdib ay isang pailalim na pamimirata. at sa daigdig, ang mga limahong ay matatagpuan sa lahat ng lahi at sa lahat ng kulay. kapag pinag-usapan si Limahong, bawat kinapal na nakatapak sa lupang hindi niya kakulay ay dapat paghinalaan"  - Edgardo M. Reyes, SA MGA KUKO NG LIWANAG



bakit ang piratang tsino na si Limahong at hindi ang rebolusyunaryong si Komrad Mao ang napadpad dito sa ating dalampasigan? bakit ang mga piratang tulad ni Limahong ang dumami at lumaganap sa bansang Pilipinas?
oo, laganap ang mga pirata sa ating bayan, pinirata nila ang ating kabuhayan. matagal na nilang hawak ang ating ekonomiya. kahit saan mo ibaling ang iyong paningin ang mukha ng mga kapitalistang tsino ang lagi **** makikita. lahat sila kamukha ni Limahong. sila ang mga bagong pirata.

kung si Komrad Mao sana ang dito ay sumalta, malamang mga Sosyalista tayo ngayon. hindi sana tayo inaalipin ng mga ganid na Kapitalista. siguro sinlakas na rin tayo ngayon ng tsina. malamang walang tiwaling pulitiko na nagnanakaw sa kaban ng bayan. walang mga gunggong na pinagsasamantalahan ang taong bayan. walang mayaman na mang-aapi sa masang naghihirap. walang kolonyal na kaisipan na iiral, hindi sana tayo lumuluhod sa mga dayuhan. walang magtatatwa ng sariling wika at manghahamak ng sariling kultura. wala sanang maka-dayuhan na paghanga. wala sanang taksil sa sariling lipi. sapagkat lahat ng mga duming ito ay lilinisin at gagawing dalisay ng Cultural Revolution.

bakit si Limahong at hindi si Komrad Mao? bakit si Henry Sy, Lucio Tan, John Gokongwei, Andrew Tan ang mga panginoon at naghahari sa bansang ito? bakit tayo inaalipin ng mga dayuhang ito? putang ina, inaalipin at inaapi tayo dito sa loob ng sarili nating bayan. bakit sila ang nagpapatakbo sa buhay at bansa natin?

bakit si Limahong at hindi si Komrad Mao? bakit ang diwang pirata at hindi ang binhi ng kalayaan ang lumaganap dito sa atin? bakit kapitalismo at hindi sosyalismo ang namayani? bakit tayo mga alipin at hindi malaya?

bakit si Limahong at hindi si Komrad Mao? nakakalungkot isipin na natulad tayo sa South Africa kung saan inalipin ng mga puting dayuhan ang mga katutubong itim. ang Pilipinas ba ang katumbas ng Gaza Strip dito sa South East Asia?

bakit si Limahong at hindi si Komrad Mao? bakit tayo pumapayag na ginaganito tayo? wala silang karapatan na babuyin tayo at hindi sila ang dapat na nakikinabang sa yaman natin.
poetman24 Oct 2017
Naulit na naman ang paalam
(poetman_24)

Ayaw ko mang sabihang hugot sa tulang ito
ngunit pagkatao ko'y laging ganito,
namutawi na naman ang paalam sa aking puso
bakit pag-ibig kayhirap **** matamo?

Muli na namang nagtitipon ang ulap sa taas
nagbabadya nang pagpatak na walang wakas,
wala akong magawa-gawa't hindi rin makatakas
napiit na naman ako sa lungkot nang ulit ulit na landas.

Bakit naman ganyan ang pagsubok
mga tinta'y naghihimutok,
ano ba ako sa pintig nang pagtibok
ako ba'y sawi sa bawat paglunok?

Hindi pala sapat ang likha kong tula
kaya lulukutin ko na lamang ang talata,
mauuwi na naman ang aking bigong diwa
sa 'di matatawarang luha.

Pag-aalay ko pala'y naiipon sa buhangin
nasasayang lamang ang taglay na damdamin,
nais kong isuko ang pagkatha sa hangin
sana masagot pa ang aking panalangin.

Makatang walang taglay na panulat
mga tinta'y mantsa sa'king balat,
nasasawi ako nang hindi ko alam
isa ba akong tampalasan?

Kung masasaktan ka sa aking piling
layuan mo na lamang ako giliw,
itanim mo na sa akin ang pasakit
tatanggapin ko kahit anong pait.

Isilid mo na lamang ang sandaling ala-ala
at alalahanin na ikaw ay may halaga,
kalimutan mo na lamang ako sinta
kung 'yan ang palagay **** tama.

Babalik na muna ako sa sa karimlan
itatago sa dilim ang katotohanan na ako ay luhaan,
ililibing ko na lamang sa diwang hagap
na ako ay sawi at talunang makatang hindi katanggap-tanggap.
061217

Hayaan **** makisabay ang iyong kagaanan sa himpapawid
Nang ang bawat hibla'y makatikim ng tagumpay.
Pagkat ang iyong baluti'y sagisag ng pagkakaisa
At ika'y titingalain sa iyong pagliyad
Patungo sa pinakataas-taasang bughaw naming kalangitan.

Balutin mo ng dunong ang moog na salinlahi
At ika'y gumayak
Kasabay ng pagkurap ng haring araw.
Wag **** itikom ang panaghoy sa katotohanan
Habang ang bulong mo noo'y
Maging hayag na sa pitong libong pinagmanahan
At maraang mapagyaman ang Perlas ng Silanganan.

Ipag-isa mo ang tatlong bituing ipinaglihis ng kadiliman
Hindi bilang isang taksil sa lipunang mapanghasik ng lagim.
Igapos mo ang kabuuan na tila isang dalisay na karagatan
At iyong tabunan ang mga patak ng dugo
Sa tigang at umaalingasaw na sistema ng bayan.

Sa iyong lubid, kami'y kakapit
Habang ang himagsika'y sing-bagsik ng leong
May matalim na pangil sa pakikipaglaban.
Ang kamandag mo'y tagos sa puso't kaluluwa,
Dugtong sa bituka ng kasaysayang may bantog na pag-alala.

At sa bawat pintig at pag-indayog ng iyong himig,
Ang lahat ay magpakumbaba.
Gisingin mo ang diwang nahimbing sa kababalaghan
Siyang dulot ng sakim na mekanismo't maitim na pamamaraan.

Lapag sa puso at sa sahig ay papagpag ng paninindigan
Taas-noo ang aming pagpapatirapa para sa nag-iisang sandigan.
Ikaw ang bakas ng aming pinagmulan,
Ang ugat ng lakas, dunong at prinsipyo
Ng mga supling mo, o Inang Bayan.
Argumentum Jul 2015
Paglalakbay

Nag-iisa, iniwan ng diwang naglakbay
patungo sa lugar ng kawalan
Naiinip, suya na magmasid
Sa paligid na pawang wala namang pinagpalit.

Kausap ang sarili,nakikibalita.
Baka sakaling may bagong malata.
Subalit naaagnas at walang katas.
Tuyo, upos at butas butas.

Humaplos baka sakaling may madama
Nakinig baka sakaling may maulinigan
Ngumanga baka sakaling may matikman
Na kaunting ligaya ng pawang mailap

Napukaw sa manhid na paligid
Nakinig sa saliw at lira Ng katahimikan
Lumasap ng malamyang putahe
Napalasap sa walang buhay na kalagaya
alvin guanlao Feb 2011
hiniling ng diwang bumalik sa sinapupunan
sa panahong ika'y hinahainan ng hapunan
lahat ng bagay ay pwedeng iisang tabi
tulog sa paghalik ng umaga sa gabi

di akalaing maipaghahalo ang saya at sakit
kailangan **** mamatay para mabuhay
higop sa kamalayan o kapeng mapait
hibang ang sarili, kaisipang mahalay

babarin ang isip sa likidong tutunaw sa lahat
tikman mo ang iyong dagat na walang kasing alat
manlagkit sa salamin, tapos na ang bukas
hahalik ang umaga sa gabi at wala kang takas

ang katamaran ay humahalili sa kapalpakan
hinayaan **** humalik ang umaga sa gabi
wag kang magdahilan, hindi mo sinubukan
pigilan ang paghalik ng umaga sa gabi
Mel-VS-the-World Apr 2018
“Hayaan mo na lang ako matulog.”


Eto ang realidad,
Ng mundo,
Dahan-dahang pumapalibot sa atin,
Ano bang mali sa’kin?
Sobrang layo pa ng hinaharap,
At hindi ko maisip kung ano ba dapat ko maging.
Ano ba dapat **** gawin?
Marami nang nangyare,
At ano pa ba ang pwedeng maganap?
Magkukulong sa sulok,
At magmumukmok,
Naka-ilang hithit-buga na ng yosi,
Baka sakaling makalimot.
Naka-ilang bote na ng alak,
Pampakalma sa pusong kumakabog.
Hindi mo mapigil ang pag-tulo ng luha,
Isa-isang nawawalan ng kislap ang mga tala sa iyong mata.
Nawalan na ng liwanag ang buwan,
At ang araw ay hindi na sikat,
Naghalo ang amoy ng dagat at ulan,
Sumingaw mula sa mainit na lupa parang naagnas na katawan.
Lalabanan ba ang apoy?
O hahayaan lamunin ka at matupok?
Lalangoy ba kasabay ng mga alon?
O handa ka nang malunod at mabulok sa kailaliman?
Hanggang sa hindi na ma-iahon.
Marami ang nagtatanong,

“Mahalaga pa ba ang nakaraan?”

Kung ang hinaharap ay nagtatago sa likod ng kasalukyang puno ng kirot at hirap,
Hinagpis at galit,
Poot at pagkamuhi,
At sakit na walang lunas.

Mahalag ba ang nakaraan?
Maraming pagkakataon na ako ay lumipad,
Mula sa kalangitan, malaya ang diwang may pakpak,
Naglalangoy sa ulap ng kawalan.
Tanaw ko ang sanlibutan, nag-aaway,
Nag-papatayan, para sa ano?
Lupa? Pera? Para sa diyos na makapangyarihan?
Ngunit ang mahabaging diyos ay wala namang pakialam.
Wala naman dapat patunayan,
Wala naman dapat paglabanan.
Rinig mo ba ang ingay mula sa kabilang baryo,
Parang mga asong ulol, nagkumpulan at tumatahol.
Ako ay naglakad,
Saksi ang dalawang paa sa harapang pang-gagahasa ng mga higanteng buwaya; walang umalsa.
Natatakot sila.
Dahil sa mata ng nakararami,
Karahasan ang tama,
At hindi ang karapatan ng bawat isa.

Marami ng problema ang daigdig,
Dadagdag ka pa ba?
Iiwasan mo na ba o babalikan mo pa?
Pilit lumalayo,
Patuloy ang pagtakbo,
Ngunit hindi pa rin maabot ang dulo.
Hindi malaman kung saan patungo.
Dalhin mo ako sa lugar,
Kung saan mapayapa ang buhay,
At mayroong pag-ibig na tunay.
Dahil matagal nang may sindi ang nitsa,
Hihipan ko na ba?
O hahayaan na lang mamatay ng kusa parang paubos na kandila.

Dahil eto ang realidad,
Ng mundo,
Dahan-dahang pumapalibot sa atin,
Ano bang mali sa’kin?
Sobrang layo pa ng hinaharap,
At pagod na’ko magising,
Gusto ko na lamang umidlip at managinip,
Patungo sa paraisong ang ihip ng hangin ay malumanay,
At ang kulay ng paligid ay pagmamahal na dalisay.

“Hayaan mo na lang akong matulog. Kung sa aking pag-gising ay meron paring sakit, hayaan mo na lang akong matulog, dahil pagod na’ko magising.”

Hayaan mo na lang akong matulog.
Baka sakaling hindi ko na maramdaman ang sakit.

Hayaan mo na lang akong matulog.
Kahit ilang oras lang, iiwan ko ang mundong mapanakit.

Hayaan mo na lang ako.
Dahil gaya ng sabi mo,

“Sa sobrang hilig mo sa sleep, pwede ng ipalit ang pangalan mo sa salitang *ogip.”

Kaya hayaan mo na lang akong matulog,
Dahil pagod na’ko magising.
At ayoko nang magising.
Jun Lit Mar 2018
Tila nagtatanong, tanang mga muthâ
“Saan ba nagpunta ang payat na mamà?”
“Ilang buwan na bang hindi gumagalà
dito sa ‘ming parang na kanyang tumanà?”

Baguhin ang mundo’y dakilang pangarap
Subali’t mailap mga alapaap
Kung kaya’t bumangon kahit na mahirap
Dal’wampung ektarya’y pinagyamang ganap

Mahabang panahong masugid na nagmamahal
Sa katuwang sa puso at kasintahang walang pagal
Pati na sa gagamba at lahat halos na nilalang
Pati na butiking naghatid ng liham

Henyong ermitanyo ba o maestro pilosopo?
Iba ang pananaw, sa buhay, sa mundo
Lahat ay magkakaugnay at ang tao
ay tuldok lang at di panginoong sentro.

Pag-ibig sa bayan at kapaligiran
Ay di sagabal sa mithing kaunlaran
Basta’t angkop sa kaya ng pamayanan
Sadyang sustenable at di pangdayuhan

Bakas sa landas na kanyang nilakaran
Larawan ng diwang tunay, makabayan
Puso at isipang makakalikasan
Karapat-dapat na pagbalik-aralan

Sa Araw ni Ninoy, araw ng pagpanaw,
Sa Araw ng mga Bayani hihimlay
Bayani ng Lupa, may basbas ng araw,
ng ulan. Binuo ang ikot ng buhay.
Written on 21-28 August  2016; Alay sa Ala-ala ni Ka Romy S. Raros, 1939-2016, - ****, siyentista, entomolohista, ekolohista, aktibista, magsasaka [Dedicated to the memory of Dr. Romeo S. Raros, 1939-2016, - teacher, scientist, entomologist, ecologist, activist, farmer]; Read during the necrological services in his honor and again during the first anniversary of his passing away. The last two line have been added belatedly.
Ang matinis na tinig ng isang libong nagkakalampagang bakal na maninipis ang tumili mula sa gilid ng 'yong ulunan,
Umaga na naman.
Mauuna ang pagbangon mo mula sa kama kaisa sa pagmulat ng iyong mga mata't pag-gising ng iyong diwang pagal sa 'di maalalang panaginip.
Ang hangin ay umihip--
Mula sa bintanang kumakaway gamit ang mga kurtinang bughaw sa paglisan ng gabi sa pagkamusta ng masalimuot na umaga.

Pumipihit na naman ang oras.

Pinanonood mo ang pagputok ng bawat bulang nabubuo mula sa pag-ugong ng kaldero buhat ng initsigan,
Bagay na 'yong kinaiinggitan.
Ang natatanging paraan para mapainit mo iyong umaga ay ang paglaklak ng kapeng 'sing pait ng pagiisa.
Tapos maliligo ka,
Pipihitin mo ang gripo para bumungad sa'yo ang nagyeyelong tubig na kumikitil sa 'yong kakayanan makaramdam.

Sana kumukulo rin yung tubig.

Pinanonood mo ang pagdating at paglaho ng mga pangitain ng isang 'di makatarungang siyudad ng maralita't dukha.
Paano pa nila nagagawang ngumiti?
Ika'y naririndi sa malalim na pag-ungol ng mga sasakyang minamaneho ng mga diwang humihiyaw sa pagkakakulong,
Sa pagkaubos ng oras.
Sinusulit mo ang ilang saglit na ang tanging suliraning iyong sinusumpa ay ang pagkahuli sa klase't mga responsibilidad.

Pagkakataon na naman ng buwan.

Huminga ka ng malalim bago mo nilapat ang 'yong palad na 'sing gaspang ng gasgas na pinto ng iyong bahay,
At dahan-dahan mo itong tinulak.
Nilanghap mo ang kulob na amoy ng hanging 'di magimbala sa segundong umapak ka sa loob ng yung 'di maturing na tahanan,
Isinara mo ang pintuan.
Kasabay nito ang pagsara mo ng iyong sarili sa buong mundong tanging inaalala lamang ang kanilang mga sarili.

Bumuhos ang iyong mga luha.

Ang iyong katawan ay nanginginig, ang isip ay nangingimbal at ika'y nangingimi sa kawalan ng katotohanan--
Ng 'yong pagkatao.
Maririnig **** umuugong ang iyong bulsa't napagtantong may nangangailangang marinig ang iyong boses,
Tumatawag si Mikoy.
Sa pag-sambit niya ng iyong pangalan ay napawi ang bumubagyong luha't naglaho ang unos ng 'di maintindihang lungkot.

Sa pagkakataong iyon, saka mo lang sinabing nakauwi ka na.
Check out more of my works on: brixartanart.tumblr.com
Joyce Nov 2010
Dumaan ako sa Nagtahan
at doo'y nanahan
aking diwang gising
at minulat,
pilit binulag
ng isang dakot
na Asin.
Rumampa sa Laong Laan,
pilit inabangan
ang pagtila,
tila Luha
ang tanging pakinabang.
Tumawid sa Lacson,
nadapa --
bumangon.
Sumakay ng traysikel
sa Ocampo,
pumara sa Crisostomo;
nangapitbahay sa Maria Clara
nagpalamig sa Ibarra
hanggang Simoun,
Quintos, Dapitan.
Hindi ka matagpuan.
Tila silyang marupok
na walang pakinabang;
Tila laway na muntik
masayang
ang paglalakad ng pusong
minsan nasagasaan
noong binagtas ang kahabaan ng Dimasalang.

Umuwi sa Sampaloc,
kumuha ng gamit.
Palihim na naglakad
papuntang Blumentritt.
Pinagpawisan sa pagsakay
sa Recto.
Anong ginagawa ko rito
sa Quiapo?
Isang makipot na sangandaan
kailangang mairaos daanan.
Isang hakbang palayo
sa maputik na Ocampo;
minsan nang bumagyo dito.
Meron pa bang tayo?
Wala nang piglas sa bakal na gapos
Gigil na pangil ‘di pigil pagyapos
Poot ay lubusan kong natatalos

Kahit patuloy paring minumulto
Ng anino ng pumariwarang pagkatao
Huwag pong ikukubli mahabaging puso

Kahit ako’y salat na sa lakas
Dahil sa mga sugat ng nakalipas
Huwag po tutulutan na tuluyang malagas

Ako’y nakikinig sa pagbasa ng sentensiya
Mga tenga’y bukas, piniringan man mga mata
Dustain man sa yamot, sa away Mo’y tiwala

Talim ng ‘yong dila sa puso tusok
Mga aral nito’y pinapapasok
Sa bulwagan ng diwang ‘di pa bulok.

-11/26/2011
(Dumarao)
*sentimental mood
My Poem No. 59
Gea Venise Oct 2020
Ang mabuhay ay ang hanapin ang ligayang hindi matatagpuan kung hindi payapa ang diwa.

Ang mabuhay ay ang panatilihing payapa ang diwang hindi makakamtan kung walang ligaya.
John Emil Sep 2017
Nakakabinging katahimikan
Nakakalungkot na tawanan
Nakakaiyak na kasayahan
Tila misteryo sa pakiramdam

Isip kong balot ng pag-alinlangan
Katawa'y sa pighati iniwan
Diwang gising sa kabalintunaan
Kakatakang pakiramdam?
RL Canoy May 2020
Sa bawat paglipad ng diwang mapanglaw,
handang mararating ang di masasaklaw,
wari'y walang pagal yaring paglalakbay,
kahit saang sulok ng sansinukuban.

At saang dako man akong magmamasid,
ikaw bukod tanging nakita ng isip,
kung masilayan man ang loob niring dibdib,
laging larawan mo ang ninitang wangis.

At sa pagkahiga't hanggang sa maidlip,
ikaw yaring dalaw sa hapo kung isip
at ang laging huling mutawi ng bibig;
"Makapiling nawa, kahit panaginip".

At sa pamimitak ng bukang liwayway,
tanging hinihiling na masisilayan,
ang iyong pagngiti kahit sulyap lamang
at di ipagkait ang sigla sa araw.

©Raffy Love Canoy |April 2020|
Louise Mar 2019
Ang hikahos na mula sa iyong tinig
Na pilit nilulunod ng iyong isipang pawang taksil
Sa ikasasaya ng damdaming may kinukubling pag-asa
Ang siya ring hikahos na sisigaw nang malakas,
Sapat lamang upang mulatin ang diwang umidlip sa katotohanang
Ikaw ay karapat-dapat masilayan ng liwanag,
Maglakbay at sumapit sa nakukubli,
Magtangka sa walang katiyakan,
At ngumiti sa ibabaw ng kabiguan.
Thinkerbelle Jun 2021
Alas dose
Nagsisimula ang mga hirit sa pagsibol ng liwanag ng nagiisang buwan
Dalawang anino ng mga pusong pinagkaitan ng panahon at pagkakataon
Mga diwang hirap makatulog sa kabila ng pilit ng dalawang pares ng mata para pumikit
Ala una
Nagising sa biglaang pagtawag
Sa kabilang linya, ang boses ng nagiisang tangi
Mga matang pilit na dumidilat ngunit singkit pa din
Alas dos
Nagsisimula pa lang ang gabi
Mga palitan ng salita at biro
Oras na para matulog para sa isa, may pasok pa kinaumagahan
Alas tres
Ang oras ng kadiliman
Na nagsilbing liwanag para sa dalawa
Mga tawa nilang mas lumalakas
At damdaming mas lalong lumalala
Sa kabila ng lahat, hindi man tama
Pagsapit ng alas kwatro
Natulog siyang may ngiti
At panalangin
Na sana’y ganito sila palagi
Ng kanyang natatangi
#filipino #love #unrequited
Luna Jan 2020
Alam kong gumagabi na
Pero heto tayo at gising pa
Nilalabanan ng antuking mga mata
Ang pagtawag ng diwang “tulog na”

Ramdam ko rin sa bawat paghikab mo
Ang unan at kamang nakatutukso
Hinihila ang iyong pagkatao
Tila ba sinasabing “halika rito”

Ngunit nananatili tayong mulat
Pagka’t tulad mo ang gabi ang kaban ng aking mga pangarap
Doo’y nakatitik ang aking mga ligaya na inuulit-ulit kong muling danasin sa pangarap
Doo’y lagi kong iniingatan na huwag uling mabuklat
Ang dahon ng aking kalungkutan

Kaya ating isinasantabi
Ang antuking matang nagdadalamhati
Pagka’t sa kadiliman ng gabi
Gising ang pusong naglilimi

— The End —