Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Vincent Liberato Oct 2018
Ang tauhang ito ay kung lumisan sa mundo—mananatili na lamang ang mga salita, ngunit walang kahulugan ang buhay o hindi alam ang kahulugan ng buhay.

'Walang pag-iral ang tao sa lipunan hangga't 'di kailangan ng lipunan ang tao.' Ang bulong ng tauhan kasunod ang buntunghininga na nasa kawalan na. Tumigil lamang ang tauhan upang pagmasdan ang kumukurap-kurap na liwanag sa rurok ng poste. 'Kahit anong tatag at tibay nito, kung ang liwanag nito sa rurok ay pawala na—wala rin.' Ang bulong muli ng tauhan sa sarili.

Biglang bumuhos ang lakas ng ulan habang pinagmamasdan ng tauhan ang poste. Sa lakas ng lagatik ng ulan, ngumiti lamang ang tauhan. Ngumiti lamang sa kabila ng buhos ng ulan sabay tumawa. Sa mga sandaling iyon nasa kawalan ang tauhan—nasa kawalan ng ngiti—nasa kawalan ng ulan.

Umuwi lamang ng may ngiti ang tauhan sa kabila ng buhos ng ulan. Madilim at liblib ang kuwarto ng tauhan katulad na lamang ng damdamin at pag-iisip ng tauhan. Sa pagitan ng bintana't pinto. Kumuha ng lubid at upuan ang tauhan. Inilagay sa pagitan ng bintana't pinto ng liblib na kuwarto ang upuan. Tumungtong ang tauhan habang hawak ang lubid, itinali kung saan dapat itali. Itinali sa sarili—iginapos ang katapusan sa leeg—ipiniid ang mga mata. Tumalon na lamang ang tauhan sa upuan sa pagitan ng bintana't pintuan ng liblib na kuwarto. Pumanaw na lamang ang tauhan ng buhay, ngunit may taning.

Sa ganoong paraan, nalaman ng buong lipunan na kabilang sa lipunan ang tauhan. Nalaman muli ng lipunan ang pag-iral ng tauhan, ngunit nang pumanaw na ito. Kabilang na muli ang tauhan sa lipunan, ngunit kabilang sa mga pumanaw.
Anonymous Rae Jun 2016
Nakita ko ang sarili kong naglalakad sa pasilyo ng kawalan at makaraa'y sinisid ang karagatan ng katanungan, nasaan ako? hinanap ko ang  kasagutan, mapa o daan sa bawat ingay na binibigkas ng mga tao sa paligid ko. At kahit nasanay na'y natigilan ako, pero kasi hindi pwede 'to.

Nabuo ko na naman ang pangalan mo.

pasensya na pero sa tuwing ako'y nawawala sa landas o nararamdaman kong lumalayo ako binibigkas ko ito sa pag asang ibabalik ako nito sa kaharian na gawa sa mga ngiti at tawa mo na mag-isa kong binuo o simpleng papunta lang sa tabi mo.

Naliligaw ako, hindi ko alam kung saan pupunta o kung may paroroonan man lang ba, pero patuloy akong maglalaboy at tatakbo sa realidad na gusto na kita, tatakbo sa nararamdaman pero lilingon paminsan minsan dahil umaasa ako, kahit walang kasiguraduhan, hinahanap mo rin ako dala ang isang lampara. Umaasa ako na ikaw nga ang mapa, ibubulong ko sa hangin ang mga salita kasabay ng isang malalim na buntunghininga.

*"Asan ka na?"
I tried, thank you hello poetry :)

— The End —