"bigkasin" poems
salamat,
sa pagpiling laruin ang aking mga daliri
na tila hindi alintana ang pasmang taglay
na kung lumuwag man ang kapit ko,
ay mas hihigpit ang hawak mo
kung dumulas man ang palad ko,
ay hahatakin mo ako pabalik
patungo sa piling mo
upang hindi tayo maligaw
sa ating mga sariling halik.
salamat,
dahil ilang beses kong pinasalamatan ang kalahatan
pati ang tila pagyakap ng mga unan
sa iyong bawat pagtahan
ang mga salitang kaakibat ng kalungkutan at kasiyahan
at pagmamahalan,
na kung susuriin ay pilit na lumalaban
kahit paulit-ulit kitang pinapahirapan.
salamat,
sa araw-araw **** pagbati ng "magandang umaga"
kahit ikaw ang sanhi ng pag-aalinlangan
kung tama bang magpahatak sa iyong kanlungan.
ilang beses ko bang pagdududahan
ang boses **** tila kandungan
hindi ko man hiningi
ay hinandog ng kalangitan
sa likod ng mga telepono'y nagngingitian
ngunit pipiliin kong ang akin ay hindi mo masilayan
dahil puno ito ng kalungkutan.
salamat,
sa mga pangakong matulin ang pagkakasabi
na bago pa man bigkasin
ay batid ang mariing katotohanan
na paulit-ulit lang itong maglalaro sa isipan.
kahit ilang beses kong pagbawalan ang mundo
na bitiwan mo ang kamay ko
ay nasasakal na ang mga daliri
at humihina ang aking pulso.
salamat,
dahil ang relasyong ito ay tila hindi matatakasan
ang pangungusap na nabubuo'y nagtatapos sa kuwit
at ang mga katanungan ay sinagot ng pilit.
ang bawat "mahal kita" ay naging nakaririndi
nagbabalitaktakan kung kanino ang mas dinig
pilit man lakasan ang aking tinig
ang panawagan kong umalis ay hindi mababatid.
salamat,
kahit paulit-ulit kitang pakawalan sa aking puso
ay mahigpit ang iyong kapit
na sa sobrang higpit ay tila paulit-ulit ding nagdurugo
pati ang isip kong tila gumuguho
dahil hindi ka lumalayo.
patuloy man ang aking pag-ayos
at nagtamo pa ng maraming galos;
ay patuloy din ang iyong pagsira
dahil pareho tayong lumuluha.
Jun 9, 2018
Jun 9, 2018 at 12:49 PM UTC
Mga buto ay nagsilbing haligi
sa binubuo niyang panaginip
marupok ito at bibigay
sa mahinang balakid
Tahimik nang naunsyami
Labing nakadikit, dila'y nakaipit
Bigkasin ang salita sa simula niyang
wika
Sa letra na naguguluhan din
Papipiliting ibibigkas
Takot ay bumubulusok sa inaping
pangungusap
Parang ilusyon, ang paggawa ay ang
pagkaroon
ng kahit maliit na kabuuan ng loob
na hanap ay tagumpay
Pero sa paglubog ng araw
nagmistulang delusyon
Ang mga paa habang humahakbang
Panoorin hanggang sa pumanaw
sa liwanag, may anino
Tingnan ang lilim, lumalakad nang
pa-urong
Ganyan ang mundo
Ikulong na at igapos
Sa likod ng matiwasay na paggalaw
ay may lihim na naka-agapay
Ang maitim na misteryo na nakangiti
Ulap na sumasayaw, bungad at gayak
ng unang ngisi ng umaga
Isabay ang halimuyak sa monasteryo
ng prinsesang nagagalak
Ang dalangin na nagawi sa hangin
Kumpisal ng pag-ibig
Kaluluwa ng kasiyahan
ng musmusing pipit
Dec 2, 2018
Dec 2, 2018 at 9:26 PM UTC
May mga salitang sa papel na lang kayang manatili
Dahil hindi na ito kayang bigkasin pa ng mga labi.
Natapos na ang palabas na ang tauhan ay ikaw at ako
Tayong mga bida noon, sa mundong hindi nila nakikita
Gusto kong isipin na nalaos lang tayo,pero hindi pala
Dahil ang dating tayo,ngayon ay ikaw na lang at ako
Bakit ganito? wala naman akong naaalala na drama
ang sinulat kong kwento
Pero bakit sa malungkot natapos ang lahat?
Minsan ay gusto ko na lang gawing gabi ang bawat umaga
Sa gayon ay hindi nila mapansin na may hinagpis akong dinadala
Sa gayon ay hindi nila makita na lumuluha ang aking mga mata
Pagkat sa dilim, doon ko lahat itinago ang sakit at dusa
Na ni sa panaginip ay hindi ko inasahang dadating pa
Oo kakayanin kong maging gabi ang bawat umaga
Mahirap,
Pero pwede ba?
Sa kahuli-hulihang sandali ay maturuan mo ako sana
Na gawing gabi ang lahat ng umaga
Na kasing dali lang kung paano mo nakayanan
Na maging malungkot ang dating tayo na masaya.
© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.
Aug 2, 2018
Aug 2, 2018 at 9:21 AM UTC
Minsan **** itinanong sa akin kung ilan na ang aking minahal
Na tila ba ang bilang na pilit ibinubunyag ang parehong bilang na ibabawas sa kabuuan ng aking pagsinta
Mahal, okay lang; ikaw ay aking naiintindihan
Alam ko kung paano ang paulit-ulit na pananakit at pagkabigo sa digmaan ng pag-ibig ay walang iniwan kung ‘di abo ng pag-aalinlangan at pagkukumpara sa mga bagong kasintahang ipinalit sayo
Alam ko ang lasa ng pait na sumasalubong sa iyo sa bawat paghinga
Kung kaya’t nung iyong tinanong ay walang magawa kung hindi ika’y pagmasdan Titigan ang bakanteng mga matang wala nang mailuluha
Mga kamay na pagod na kabubuhat
Mga labi na wala nang ibang alam bigkasin kung hindi “patawad”kahit hindi alam kung para saan
Wala akong magawa kung hindi ika’y pagmasdan
Dahil alam kong hindi mo na naririnig ang anumang salita maliban kung ito’y “paalam”
Kaya hayaan **** ipadaan ko na lamang sa pagyakap ng hangin at pagbati ng mga bituin ang mga katagang isinusuka ng iyong mga tainga
Kasi mahal, mahal kita
At hindi ako titigil hanggang sa makita mo ang parehong taong tinatawag kong akin Hayaan **** punan ng umuumapaw kong pag-ibig ang natuyong lawa ng iyong pagmamahal
Pagmasdan mo kung paano pagsasama-samahin ng araw-araw na aking pagyakap ang pira-piraso **** puso na nagkalat
At alam kong pagod ka na kahihintay sa mga tunay na bagay kung kaya’t pinipili mo na lamang ang mga “pwede na”
Pero andito na ako,
At mahal, pangako, tapos na ang pag-aabang
Hindi lahat ng nagsasabing mahal kita ay nagsisinungaling
Minsan **** itinanong sa akin kung ilan na ang aking minahal Tinanong kita kung ilan na ang nanakit sayo
Sabi mo, isa
At saka binanggit ang sariling pangalan sabay sabi “tapos na”
Jul 23, 2016
Jul 23, 2016 at 3:25 PM UTC
Mahal, kailan mo ba napansing hindi mo na ako mahal?
Kailan ba nagsimulang mamuo ang lamat—
ang tipak sa dingding ng panahon
Na nabuo mula sa iisang hibla
Na lumawak at nagmistula nang mga sanga ng puno ngayon
Mahal, kailan mo ba napansing hindi mo na ako mahal?
Saan ba nagsimula ang sigalot na kahit anong gawin ay hindi ko mahanapan ng kakalásan—
Hindi matakasan ilang bukas man ang daanan
Gaya ng Ang Probinsyano sa telebisyon na inabot na ng ilang taong
Naging saksi na rin sa pag-inog ng mundo
kong patuloy man sa pag-ikot ay parang hindi naman makausad sa pag-atras
Pabalik sa nakaraan nating ayaw magparaya
Ayaw magpalimot,
Ayaw magpaawat,
Ayaw magpatawad
Nasira ko yata ang pinaplano kong 𝘢𝘳𝘳𝘢𝘯𝘨𝘦𝘮𝘦𝘯𝘵 sa umpisa, mahal
Gaya ng wala naman talaga tayo sa 𝘱𝘭𝘢𝘯𝘰
Ng kahit kanino sa ating dalawa
Ngunit, heto na, nangyari na
At nagkasakitan na
Nang higit pa sa kayang pasanin ng puso
At ngayon, gusto ko lang malaman:
Mahal, kailan mo ba napansing hindi mo na ako mahal?
Ano ba ang simula ng gulo nating parang islang lulubog-lilitaw—
Paparoon at paparito, hindi makadiretso
Gaya ng mga alon na nakikipaglaro sa dalampasigan
Masaya naman tayo... 𝘮𝘪𝘯𝘴𝘢𝘯
Masaya naman tayo minsan
Masaya naman tayo minsan
At minsan, nakakalimutan ko ring hindi mo na nga pala ako mahal
Mahal, kailan mo ba napansing hindi mo na ako mahal?
Masyado nang matagal
Ang paghihintay ko ng sagot sa mga tanong na paulit-ulit ko mang bigkasin
Ay hindi naririnig ng utak **** ayaw umintindi
At ng puso **** ayaw magsisi
At nakakatawang isipin na ako ang naghahabol ng kaliwanagan,
Nag-aasam ng kaayusan
Kung sa ating dalawa, ikaw naman talaga ang nagkulang
Paano ko ba tatapusin ito, mahal? Sana tayo na lang ang tinapos mo matagal na.
Mar 26, 2022
Mar 26, 2022 at 7:36 AM UTC
Sabayan mo ako sa pagbigkas nito,
Nakakapagpabagabag,
Pitumput-pitong puting pating,
Minikaniko ni Monico ang makina ni Monica,
Ang relo ni Leroy ay Rolex
Bumili ako ng bituka ng butiki sa butika.
Eto ang mga pampilipit dila na naalala at kinalakihan ko
Ang saya bigkasin,
Kasi alam ko na ang bawat pantig, ang tamang pagsambit
At tuwang-tuwa ako bigkasin sa harap ng mga kaibigan ko
Ipinagmamalaki kasi kaya kong sabihin ng diretso, at hindi nauutal
Siyempre, noong una, pumilipit ang aking dila
Ilang beses pinaulit-ulit, hanggang sa masabi nang tama
At ayun, kinaya kong sabihin
Pero sa lahat ng narinig at nabasa kong pampilipit dila
Tila bang 'di ko pa rin kayang sabihin sa sa'yo ang mga salitang
Mahal, kita. Gusto, kita.
Na para bang sila ang mga salitang pinakamahirap bigkasin,
Kahit siguro ilang beses ko ulit-ulitin hanggang sa masabi ko nang tama
Parang hindi ko pa din kakayanin.
Siguro mas kaya ko pang sabihin sa sa'yo ang mga pampilipit dila na naaalala ko,
Nakakapagpabagabag
Nakakapagpabagabag ka sa pagtulog ko
Kakaisip kung anong mangyayari kung sinabi ko sa'yong gusto kita.
Kung anong mangyayari, pag nanligaw ako o pag naging tayo na.
Handa akong protektahan ka sa pitumput-pitong puting pating.
Alam mo ba ang relo ni Leroy ay Rolex?
Sana alam din niya ang oras ng uwi mo, para maihatid kita,
Sana alam din niya na tumitigil ang oras tuwing nagkakasalubong ang ating mga mata
Sana alam niya ang tamang oras kung kailan ko ba dapat sabihin sa'yo na mahal kita
Nauutal sa apat na pantig,
Na hindi ko naman alam kung gusto mo bang marinig
Mahal kita, mahal kita, mahal kita.
Ilang beses inulit-ulit bigkasin habang papunta sa'yo
Baka sakaling masabi ko pagdating ko sa harap mo
Pero nang nakita ka na,
Para bang nabura mo ang lahat ng bokabularyo na alam ko,
Nakalimutan ang tamang balarila,
Nakalimutan kung paano mag-salita
At nang lumampas ka,
Nanghinayang. Sayang.
Tatanggapin ko na lang na
Siguro hindi lahat ng pampilipit dila ay kaya kong bigkasin
Mas-mabuti na lang siguro na,
Hindi sumubok, hanggang sa makalimutan ko nang sabihin sa'yo
At mag-aantay na lang muli
ng isang taong
hindi pipilipit ang aking dila
Kapag sinabi kong,
Mahal na mahal kita.
Apr 23, 2016
Apr 23, 2016 at 11:41 PM UTC
Sa hinaba-haba ng tag-init
Ngayon nalang ulit umulan.
Nang malakas. Nang saglit
Di ko mainitindihan ang langit.
Kung paano niyang iniluha
Ang bigat ng bawat kahapon
Ng natuyo niyang pusong
Pinigilang umagos
Sa mahabang panahon.
Tumangis siya
Nang malakas
Dahil di niya maamin
At di niya matanggap
Ang itinakda **** pagwawakas.
Sa kakarampot niyang pag-asa na babalik ka rin.
Ngayong gabi.
Ang kanyang napili
Na ibulalas ang lahat
Sa pag-aakalang
Tulog na ang lahat
Lahat ng mata’y nakapikit.
At wala nang makakarinig
Ng pagtangis
Na mayroong balang-araw
Na katabi mo siyang
Mahihimbing.
Ngunit nagkamali siya.
Saan nga ba tutungo
Matapos niyang iluha
Ang lahat sa lupa
Na aanurin
Patungo sa puso ****
Kinakain ng pangungulila.
Sa hinahaba-haba ng tag-init
Ngayon nalang ulit umulan.
Nang malakas. Subalit saglit
Marahil ay ayaw niya
Nang makasakit.
O gusto ka lang niya damayan
Sa gabing
Wala ka nang ibang inisip
Kung bakit ka niya iniwan
O paano ka niyang nagawang saktan
Kung paano sinira
Ang bawat pangakong
Binitiwan.
At kung paanong di mo masabi
Ang tunay ****
nararamdaman.
Kaya sa susunod
Na iiyak ang langit
Kapag malamig ang gabi
At pangalan niya
Ang tanging kayang bigkasin
Ng mapuputla **** labi
Ay patuluyin mo siya.
Hayaan mo siyang umapaw
Hayaan **** bahain ka
At tuluyang ambunan
Ang natutuyo mo ng puso.
Makipagsayaw ka
Kung kinakailangan
Nais ka lang niyang damayan
Gusto niya rin ng karamay.
Dec 28, 2015
Dec 28, 2015 at 4:47 AM UTC
Sandaling tumigil ang oras
upang ipikit ko ang mga mata
sa alaalang nais kong balikan
mula sa isang taong kailanman
ay hinding-hindi ko makakalimutan.
Sinimulan ko sa isang eksenang
bibigay at bibigay na ang aking puso
sa kalungkutan at kapighatiang
aking nadarama noong kailangan
ko ng kausap at siya ang aking nasandalan.
Alam **** hindi madali para sa akin
na bigyang katuturan ang bawat hiling nila
kahit pa alam **** maling mali na
ang mga desisyong aking nagawa
dahilan upang katawan ko ay bumagsak sa pangungulila.
Ikaw ang naging gabay ko
no'ng mga panahong ilang ulit akong
nakaramdam na may mali na
pero ipinagpatuloy ko pa rin ito
at hindi mo ako hinusgahan sa naging desisyon ko.
Sa mga sandaling ito ay nakapikit pa rin
ang aking mga mata upang balikan
ang mga nakaraang lagi ay takbuhan kita
at isisiwalat ang mga pangyayaring hindi ko inakalang
magagawa ko pala kahit ang sakit sakit na.
Ang kathang ito ay isinulat ko at
gustong ialay sa iyo dahil isa ka
at hindi lang basta kaibigan, ka-trabaho,
kung hindi ay isang inang itinuring akong
isang anak na nawawala at kailangan
ng pag-intindi, pang-unawa at pagkalinga.
Muli kong binuksan ang aking mga mata
at doon ay napagtanto kong wala ka nga pala
sa aking harapan upang bigkasin ito nang malakas
sa iyo na nagbigay pag-asa sa puso kong
hanggang ngayon ay nalulumbay pa rin at pilit na nagpapakatatag.
Taos-puso akong nagpapasalamat,
at kung kailangan ay paulit-ulit, gagawin ko
upang malaman mo na kahit tayo man ay malayo sa isa't isa
o magkakalayo ay hinding-hindi ka mawawaglit
dito sa aking pusong labis kang hinangaan at minahal.
Aug 22, 2017
Aug 22, 2017 at 12:36 PM UTC
Gusto kong higitan
ang kinang ng mga butuin
Baka sakali ako'y iyong mapansin
Nagtatago sa mga hibla ng ulap
Ang pag sinta ko sayo
Sa puso ko'y lumaganap
Tila apoy na nilalamon ang kaluluwang
Tigang sa pagibig
Ang simpleng hiling
Higitan ang mga butuin
At kung maaari kay Kupido bigkasin
Sana'y puso nya din ay panain
-Tula II, Margaret Austin Go
Nov 20, 2014
Nov 20, 2014 at 4:57 AM UTC
111422
Namumuo ang pawis sa kanyang kamao
Tila ba sapat na ang mga galos na kanyang natamo.
At dali-dali nyang sinarhan ang silid
Na walang ni isang palamuti ng kapaskuhan,
“Nandito — nandito na ako sa ikatlong palapag,”
Aniya sa kabilang linya.
Kinuha niya ang lapis
Buhat sa luma nyang aparador —
Puno ng alikabok
Na kahit ilang pagpag na’y
Hindi naririndi sa pagbuga
Ng umaalingasaw nitong karumihan.
Naupo sya’t napapikit na lamang
Inaalala ang bawat detalye
Ang bawat katagang kanyang narinig
Ang bawat imaheng nais nyang takasan.
Nanginginig pa rin ang kanyang mga tuhod,
At nangangalay ang kanyang mga kamay.
Habang tumatagas ang pawis nyang
Kulay itim sa malagim na gabi.
Naghihintay ng sagot
Sa mga katanungang saksakan ng ingay
Sabayan pa ng sunod-sunod na putok
Ng mga sumasalubong ng Bagong Taon.
At sa kanyang di sinasadyang pagdungaw
Sa bintanang walang kurtina’y
Nabaling ang kanyang tingin
Sa buwang napakaliwanag
Tila ba may taglay itong kung anong elemento —
“Mahiwaga,” wika nya.
Ang mga larawan sa kanyang balintataw
Ay unti-unting gumuho
At napalitan ng imahe ng buwan .
Akala nya’y makakatakas na siya sa liwanag nito,
Akala nya’y ito na ang huling kathang
Kanyang maililimbag sa kanyang kwento.
Maya-maya pa’y sa dulo ng kanyang dila’y
Hindi nya maipaliwanag
Ang kung anong himig na kanyang sinasalaysay
Na tila ba may boses na nag-uutos sa kanyang
Bigkasin ang mga pangungusap
Na hindi nya ninais na sambitin.
Mahigpit ang pag-akap ng kanyang kamay
Sa lapis na guguhit at tutuldok sana
Sa kanyang masalimuot na nakaraan.
At muli nyang pinagmasdan ang kalangitan
Hindi na buhat sa sarili nyang bintana
Pagkat hayag sa kanya maging ang mga bituin.
Dahan-dahan nyang itinuro ang buwan
Gamit ang lapis nyang hindi man lang natasaan —
“Sayang, ngayon lang Kita nasilayan…
Sayang, pagkat hanggang dito na lamang.”
Nov 15, 2022
Nov 15, 2022 at 11:11 AM UTC
sa rami ng tulang nilikha
panaghoy ang tila namamayagpag
emosyong natatakpan ng mukha
ay patuloy na binabagabag
madalas ay natatapos sa lungkot
madalang na naguumpisa sa saya
bawat linyang kataga'y puot
tila walang dinudulot na ligaya
sa daang salita na kayang bigkasin
nasaan ang malalambing na parirala?
sa bawat boses na nais kalasin
kailan ang araw na maaabot ang tala?
May dalisay nga ba sa mga letra?
May pag-asa nga ba sa mga talata?
muli nga bang darating ang saya
sa paggising ng bagong hiraya?
Marahil ay unti-unti, hindi bigla-bigla
yayakapin nang mahigpit, dahan-dahan
upang ituloy ang naudlot na sigla
upang magmistulang sarili ang tahanan
Gaya ng dapit-hapon ay manlalamig
ngunit sa bukang-liwayway, gugunitain
sarili ang maging unang daigdig
pagkamuhi ay tuluyan nang palayain
kaya't sa bawat salitang isusulat
yakapin ang letrang namumukadkad
darating ang araw na muling pagkamulat
masisilayang muli ang ligaya sa paglipad
Sep 14, 2021
Sep 14, 2021 at 12:02 PM UTC
Kung hindi ngayon kailan?
hanggang kailan mapipigilan
malikmata sa abang isipan?
Lumulobog nga ba
o sadyang pasikat pa
lang ang araw Kong nagigisnan?
Hanggang saan pa ba
ang kayang tanawin ng inyong kalooban?
'gang sa likod ba ng mga lilang
ulap at mala-kahel na papawirin?
Tulad rin ba niya ang inyong mga mata na mayroong tanglaw at panglaw?
Sa kung gaano kalalim ang lawak ng karagatan sa taglay nitong saklaw?
Kung kayo ang nasa katayuan ng namamasdan **** katauhan..
Mababatid ninyo kaya kung paano niya
minamalas ang nasa kanyang harapan?
Sa pakiwari ko'y hindi sapagkat talos kong nadaramang higit ng inyong mga puso...
Na ang nilikhang inyong nakikita ay walang nakikita sa malayong ibayo !
Hindi dahil sa siya ay naiinip lang na makita na ang kanyang minamahal..
Ang tutoo nangangamba na ako na baka hindi na niya maantay ang resulta ng aking pagpapagal.
Sapagkat kung ano man ang nilalarawan ng bawat kapaligiran..
Pikit mata ko na ipinipinta ang mga sandali kung paano ko siya daratnan !
Kaya ngayon na ang tamang oras
At di ko na kaya na ipagpabukas
upang sabihin sa kanya na hindi na ako mamamalakaya.
Mahal heto na ako sa iyong likuran..
'Wala akong hilang sagwan',
Ang bulong ko sa aking isipan..
Tatakpan ko ang iyong mga matang namamalakaya
Hanggang sa ang aninag mo muling maging malaya..
Dahil ang araw na ito ay hindi takipsilim para sa ating dalawa
Bagkos ang liwanag nating inaasam ay binibigay na ng bukang-liwayway !!!
Ngunit mga katoto kung ang sagot ninyo ay Oo..
Marahil inyo nang napag-isipan mga binibini at mga ginoo
"... Na kung minsan bago pa tayo may mapagmasdan
Madalas hindi agad namamasid ang lihim na kagandahan"
Bihira man bigkasin ang kasabihang...
" magkaiba yung may tinitingnan
sa mayroong tinititigan "
Nov 1, 2020
Nov 1, 2020 at 8:07 AM UTC
marahil ay tulog ang diwa ng binigkas ang salitang
tiyak na ikahuhulog ng buwan mula sa mataas nitong upuan;
ang kamay ay entropiya – ang iyong mukha, ang aking daigdig.
lagablab ng mata, halaw sa init ng pagkakataon.
may taglay na lamig ang hangin, lumalatay sa balat,
at sa nagbabalat-kayong anino sa bakanteng silid.
ang mga umaandap na ilaw – ang tahimik na ugong ng iyong pag-hinga
sa aking tabi, ng aking bigkasin
ang hindi kayang wakasan ng katahimikan lamang.
Mar 10, 2016
Mar 10, 2016 at 3:04 AM UTC
Habang ang iba'y tulog tayo namay gising.
Mata koy dilat at nanalangin sana'y ika'y maging akin
Bago ipikit ang aking mga mata.
Nais ko ilathala sa aking panaginip na gusto kita
May mga salitang di kayang bitawan,
Sa mga labi ito'y mahirap mailarawan,
Kaba ng dibdib ang nangingibabaw,
Sa sarili na puno ng alinlangan.
Sa bawat saknong ng tula,
Damdamin ay nailathala,
Mga salitang hirap bigkasin,
Sa taludtod ng tula nalang maihain.
Sa pagsapit ng hating gabi,
Kung di ito kayang masabi,
Kahit sa hangin nalang maibulong,
Ang mga salita ng damdaming nakakulong.
Mar 28, 2020
Mar 28, 2020 at 6:30 AM UTC
Lahat naman may katapusan
Hindi lang sigurado kung kailan
Lahat naman may hangganan
Hindi lang sigurado kung hanggang saan
Kay rami na namang tanong sa isipan
Na nag-hahanap ng kasagutan
Kaya mo ba bigkasin ang salitang paalam
Na kahit ayaw mo na naman talagang mamaalam
Sapat na ba aking katapangan
Upang tuluyang ika'y iwanan
Kahit hindi ko gusto
Ito ang nararapat dito
Ang tuluyan pag-lisan
Walang bakas na iiwanan
Hindi mag-paparamdam
Ni hindi mararamdaman
Ayoko dumating ang panahon
Isipin mo na ang dahilan
Kung bakit kita tinutulungan
Ay sa gusto pa kita magpasahanggang ngayon
Dahil ayaw lamang maramdaman
Ang isang pakiramdam
Nang taong minahal mo ng buong katapatan
Na sa oras pinili ka n'ya s'ya lamang ay napilitan
Dec 26, 2020
Dec 26, 2020 at 7:23 AM UTC
Hindi lang ikaw ang nalulungkot
Hindi lang ikaw ang nag-iisip ng tungkol sa kamatayan
Hindi lang ikaw ang nasasaktan
Hindi lang ikaw ang nagaalinlangan sa kanya
Hindi lang ikaw ang may maraming tanong at hindi makita ang sagot
Hindi lang ikaw ang nahihirapan
Hindi lang ikaw ang nakakaisip na sumuko na lang
Hindi lang ikaw...
Siguro nakikita mo lang akong masaya, nakakaya ko paring tumawa
Nakakaya kong mag-bitaw ng mga magagandang salita na parang wala akong pinagdadaanan
Na kaya ko paring maging positibo at magpatuloy lamang
Ang katwiran mo'y wala pa kasi ako sa sitwasyon mo ngayon kaya hindi ko naiintindihan
Kaya binabalewala mo lang ang sinasabi ko, binabalewala mo lang ang nararamdaman ko,
Akala mo'y luha lang at walang laman ang bawat pag-agos ng aking luha
Ngunit sadyang hindi ko lang kayang bigkasin ang mga salita
Jul 13, 2017
Jul 13, 2017 at 11:00 AM UTC
heto nanaman,
ang oras na kinakatakutan,
na ako’y bibitawan,
sa araw na kasalukuyan,
na ikaw ay na sa kalungkutan.
heto na ang wakas
mayroon pang konting oras,
para bigkasin sayo ng malakas,
mamahalin kita kahit wala ng bukas
subalit ang sakit ng damdamin,
kailangan kayanin,
dahil wala na ang dati,
pero narito parin ako parati.
Aug 23, 2017
Aug 23, 2017 at 8:07 AM UTC
Kung titingnan tayo sa malayo
ay tila dalawang estranghero.
Magkalapit na nakatayo,
ngunit kalooban ay magkalayo.
Sa bawat buntong hiningang pinapakawalan,
ay ang patagong pagpahid ng luhang pinipilit wag masdan.
Sa bawat patak ng ulan sa iyong mykha,
ay ilang beses kong pagpigil ng sariling luha.
Gustohin ko mang ikaw ay pigilan,
wala akong magagawa kundi ikaw ay pakawalan.
Kung kagustohan ko lang din naman ang masusunod,
Maari ba?
Maari bang sabihin,
mga salitang pilit pinipigil bigkasin?
Maari bang kahit ngayon lang,
ay mawala saglit ang pagkailang?
Maari ba?
Kahit ngayon lang?
Kahit saglit lang?
Maari bang ikaw?
Jul 1, 2020
Jul 1, 2020 at 9:12 PM UTC
Magsusulat ako ng mga salitang matulain
kahit hindi ninyo ito basahin at tanggapin
kahit ako lang ang tunay na papansin at aangkin
Dahil masyado akong mausisa at malikhain
Tahimik ang paligid at nais ko sana magsulat
Ibuhos ang lahat ng nais kong ipagtapat
Mga bagay bagay na bumubulabog sa ‘king utak
Ito’y mga salitang sa papel lang kayang isulat
Mahirap man unawain ang aking nararamdaman
Ganun pa ma’y ipagpapatuloy ang makakagaan
Sa ‘king pusong puno ng hinanakit ang nakadagan
Ngayo’y bibigyan ng tinig sa blanking papel na tangan
Mga panahong nagmumokmok umiiyak sa sulok
Ni walang nakakapansin sa mga matang malungkot
Todo ang ngiti bagaman ang lungkot ay nasa likod
Huwag lang mahalata ang mukhang may sama ng loob
May mga salitang sa papel lang kayang manatili
Dahil ‘di na kayang bigkasin ng ating mga labi.
Mga lungkot at galit sa puso’y sadyang iniukit
Isusulat sa papel sa dingding doon ididkit
Mar 26, 2025
Mar 26, 2025 at 5:42 AM UTC
Ang sabi mo mahal mo ko,
Sambit ng iyong mga labi.
Ipinakita **** lahat ay totoo,
Subalit lahat pala ay Mali.
Mahal, o mahal ko,
Bakit iyong nagawa?
Gamitin salitang "Mahal kita"
Upang ang puso ko'y mahiwa?
Ngayon ang lahat ay nagbago,
Hindi maintindihan.
Ikaw ay nilisan ng puso,
Ikaw ay iniwan.
Subalit mayroon nga bang kapatawaran,
Isang taong panloloko na sa akin ay tinuran?
Sa pagmulat sa umaga Hindi ka na kausap,
Bago matulog sa gabi, Hindi ka na napupuyat.
Laging bukambibig ang nag-iisang pangarap,
Pangarap na nawala, nawasak na lahat.
Huwag mo sana muling bigkasin,
Salitang "Mahal kita" sa akin.
Sapagkat ang isip ay sarado na,
Sayo'y Hindi na magtitiwala.
Oct 26, 2018
Oct 26, 2018 at 8:56 AM UTC
Mga salitang di kayang bitawan,
Sa mga labi ito'y mahirap mailarawan,
Kabog ng dibdib ang nangingibaw,
Sa sarili na puno ng alinlangan.
Sa bawat saknong ng tula,
Damdamin ay nailathala,
Mga salitang hirap bigkasin,
Sa taludtod ng tula nalang maihain.
Sa pagsapit ng dapit-hapon,
Kung di kayang maka-ahon,
Kahit sa hangin nalang maibulong,
Ang mga salita ng damdaming nakakulong.
Feb 28, 2020
Feb 28, 2020 at 10:31 PM UTC
Hi this is my spoken poetry that I made, I'm not a professional, So by the way I hope you like it. If you like this poem dont forget to like and share love you mga marupok. 😊
Maaari bang mahagkan ko
ang mahigpit na yakap
mula sayo,
maaari ko bang sabihin na
nasasaktan ako dahil
ang hirap tanggapin ang
hirap pilitin yung sarili na
kalimutan ka dahil ang
sinasabi ng puso ay ilaban pa
Kung maaari ko lang sanang
ibalik ang nakaraan
nakaraan na tayong dalawa
ay magkasama at masaya pa
nakaraan na sabay nating
pinaplano ang pangarap ng bawat isa
sabay nating tinatapos ang ating
takdang aralin
ang sarap ibalik pero malabong
mangyare ulit
Ang sarap umasa pero nakaka-sakit
na, ang sarap balikan pero ang hirap
kalimutan, ang daming pwedeng balikan
pero pano kung ako nalang ang na pag-
iwanan paano kung ako nalang pala
ang lumuluha
paano kung masaya kana sa iba
na pupuno ng tanong ang isipan
na pupuno ng tanong, tanong na
paano, paano na ako
paano ako sasaya ng wala ka
At kahit alam kong may iba kana
kahit alam kong ang sakit na
kahit alam kong pagod kana
patuloy ko parin nilalaban ang lahat
pinipilit kong sumaya sa iba
pero hindi ko magawa dahil ang
saya na gusto ko ay wala sakanila
kundi nasa taong gusto ko ngunit
iba na yung gusto at iba na yung
pinapasaya
Sabi saking sarili na kaya ko nang
wala kana, kaya ko nang mag-isa
kaya ko nang titigan ka na
kaya ko na, pero lahat pala nang
yun ay kaya kong bigkasin ngunit
hindi ko kayang gawin dahil patuloy
parin akong nahihirapan, patuloy
parin akong lumuluha
Sana maaari mo parin akong mahalin
Sana maaari parin kitang pasayahin
dahil alam kong darating yung araw na
makakaya ko nang wala ka at kaya ko
ng sumaya nang hindi ikaw ang
kasama.
Mar 12, 2023
Mar 12, 2023 at 12:53 PM UTC
inosente ang kanyang puso
sa larangan ng pag-ibig
magmahal lang ang kayang gawin
kahit paulit ulit nang tinatabig
sinabuyan ng mainit na tubig
kahit wala na siyang nakakabig
ang utak niya ay napakatalim
sa pag-unawa
hindi malalim
karanasa'y madilim
dahil noong maliit
walang lilim
ang dalawa'y pagtatagpuin
ng tadhanang matampuhin
ang isa'y mahirap bigkasin
ang isa ay nakaka-aning
sa isang lalagyan
sila'y hiwalay na pagsasamahin
Aug 14, 2018
Aug 14, 2018 at 2:05 AM UTC