Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
1 Ang mag-uuling na si Alyna
Bahid man ng itim, ang kutis sutla

2 Ipinaglihi sa labanos itong binibini
Kaya ang balat ay napakaputi

3 Subalit mukhang hindi bagay
Kung saan siya nakalagay

4 Araw-araw nagsisiga
Ng mga kahoy at sanga

5 Nagbabagang kahoy hinihintay
Na ang apoy ay mamatay

6 Iyon ang tanging kabuhayan
Nitong dalaga ng silangan

7 Tuwing dapit-hapon
Mga uling pinupunpon.

-07/15/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 169
57 Sa bisperas ng kasalan muling nagkita
Sa kanilang tagpuan sina Birio at Alyna

58 Napagpasyahan nilang maagang umuwi
Bandang tanghali at ‘di na gabi

59 Subalit nang sila’y pauwi na
May pagsubok pa pala

60 Paligid nila’y umapoy
Mga nakapalibot na punungkahoy

61 Paano na sila makababalik  ngayon
Sa kani-kanilang mga nayon

62 Mistula silang nakakulong
Sa isang naglalagablab na patibong

63 Sila’y tumaghoy ng saklolo
Sa lahat ng sulok at dako.

-07/19/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 178
22 Mula takipsilim ng kabayanihan
Sila Alyna’t Birio’y nagkagustuhan

23 Lumipas ang mga araw at nagkakilala pa
Nang lubusan ang dalawa

24 Loob mas lalong napalapit
Tulad ng mga tinginang malagkit

25 Ang dalaga na ang naghatid mismo
Nang mga uling sa bahay nina Birio

26 Binigyan si Alyna ng pulseras
Gawang hikaw, singsing at kwintas

27 Pag-ibig naglulubos umapaw
Kasalan na ang tinatanaw

28 Ng mga kaanak ng magkasintahan
Madali ring nasang-ayunan.

-07/16/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 172
50 At masayang nagpaalam ang dalaga
Sa nag-iisang pauwi na binata

51 Pag-aalala ay ‘di maiwasan
Agimat inihandog ng babaeng kasintahan

52 At sa kanyang daan pauwi
Panibagong halimaw sumalakay muli

53 Ito naman ay sa itaas nagmula
Isang bulalakaw na hugis dalaga

54 Sa lalaking si Birio’y dahan-dahang lumapit
Dumampi sa lalaki ang katawang mainit

55 Wari’y nang-aakit ang kakaibang nilalang
Subalit sa pagnanasa’y si Birio’y humadlang

56 At sa isang saksak ng espada
Bulalakaw naglahong parang bula.

-07/18/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 177
29 Doon sa may pusod ng kagubatan
Kung saan una silang nagkakilanlan

30 Pumapalagi ang dalawang magsing-irog
Tuwing palubog ang araw na bilog

31 Sapagkat iyon din ang tuktok ng bundok
Kaya kita lahat ng sulok

32 Doon sila palaging nagkukwentuhan
Ng kanya-kanyang mga karanasan

33 Nireregaluhan ng lalaki linggu-linggo
Ang natatanging kasintahan nito

34 Lubos ligaya ang dalaga
Kaya ‘di rin napatitingin pa sa iba

35 Pareho silang unang beses umiibig
Sa sintang lubos na kinakabig.

-07/17/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 173
36 Mapalad sina Alyna at Birio
Walang tumututol sa mga ito

37 Kaya wala nang patumpit-tumpit
Pag-iisang dibdib ang ipipilit

38 Masaya ang magkabilang panig ng angkan
Sa nalalapit na kasalan

39 Malaki ang magiging epekto
Sa kani-kanilang negosyo

40 Maaaring uling ay maging mura
Sa mga metal humuhulma

41 Gayundin ang mga palakol
Sa mga kahoy pumuputol

42 Tatlong araw nalang
Kasalan ay wala nang hadlang.

-07/17/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 174
8 Ang panday na si Birio
Ang natatanging iho

9 Mula sa pamilyang gumgawa
Ng mga punyal at espada

10 Bilang kaisa-isang anak na lalaki
Maagang tinuruan ng gawaing pangmalaki

11 At sa paglipas ng panahon
Siya’y naging bihasa sa nayon

12 Kung may magpapagawa ng itak o espada
Lumalapit lamang sa kanya

13 Itong si Biriong kay agang natutunan
Ang pamamanday sa kanluran

14 Sa pamilya ni Alyna bumabaling
Tuwing kinakailangan ang uling.

-07/15/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 170
43 Dalawang araw bago ang kasalan
My mga nilalang na bumulabog sa magkasintahan

44 Habang si babae ay sa daan pauwi
Na lagi namang hatid ni lalaki

45 May mistulang apoy na nilalang
Sa daraanan ay humambalang

46 Siya ay mukhang nasusunog na tao
Nagmula sa lupa at kung tawagin ay santelmo

47 Inilabas ng binata ang kanyang espada
Dinaluhong ang halimaw ng sandata

48 Napuksa naman iyon kaagad
Oh ang dalaga’y kaybuti ng palad

49 Nang dahil kay Biriong sinisinta
Muling nailigtas sa panganib si Alyna.

-07/18/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 176
64 May mga sampung taong tumataghoy
Na napapaligiran ng pader na apoy

65 Iyon ang mga kasamahan
Ng dalawang magkasintahan

66 Subalit isa-isang nawala
Kahit hindi man sa nagliliyab kumawala

67 At nang sina Birio at Alyna
Ang natatanging natira

68 Biglang nagpakita nilalang na malaki
Ito ay ang mahiwagang bubuli

69 Kasama nito ay isang nilalang
Na parang kamukha ng minsang humambalang

70 Siya ay nagpakilalang Diwata ng Apoy
Sa Gintong Lupa sila itutuloy.

-07/20/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 179
15 Kaylapit nang gumabi
Si Alyna ay pauwi

16 Tangan sa kamay niyang pareho
Mga uling sa sako

17 Tila pagdilim ng langit kaybilis
At ang babae’y nakarinig ng bungisngis

18 At sumambulat sa daraanan niya
Isang tiktik na nakatawa

19 Akma siyang dadaluhungin
Upang siya ay kainin

20 Mabuti nalang at sa ‘di kalayuan
Binatang si Birio sila’y nasulyapan

21 Kaagad siyang sumaklolo
Tiktik ay itinaboy palayo.

-07/16/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 171

— The End —