Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
1.2k · May 2020
ano ba'ng tatay mo?
Levin Antukin May 2020
balik-tanaw. limang taong gulang.
tapos na maghabulan, magtayaan.
pagod na ang lahat at ang natitira na lamang
ay magkwentuha't mag-asaran bago magsiuwian.

"wala mga daddy niyo sa daddy ko", sigaw ng aking kalaro,
"nagpapalipad siya ng mga eroplano".
manghang-mangha kami habang nagkukwento siya
at may hawak pang eroplanong papel.

"pero 'di papatalo si itay", sabi naman ng isa pa,
"sa Saudi siya nagtatrabaho kaya lagi akong may bagong laruan".
bilang ganoon pa kabata, 'di namin mapigilan mainggit.
sino ba namang hindi kung laruan ang binabanggit?

pinagyabang ko siyempre ang aking ama.
"pulis ang tatay ko". sabay humugis ng baril
gamit ang mga kamay.
basang-basa ang mga ito dahil sa pawis.
mga palad na makaraan ang isang dekada't kalahati
ay nalulunod na sa pagiging pasmado o marahil sa kaba
dahil sino ba'ng 'di matatakot sa pulis

ngayon?

nalaman namin na hindi nagpalipad ng eroplano
yaong daddy ng kalaro namin.
flight attendant siya. marangal na trabaho.
nagtrabaho nga sa Saudi ang itay ng kalaro pa naming isa
subalit kalaunang bumalik sa 'Pinas dahil pagod na.

kahit ano pa mang trabaho iyan o kung saan,
nakasisindak isiping nakatira ka sa iisang bubong
kasama ang isang mamamatay-tao.
ang malala ay isa siya noon sa mga pinaka-tinitingila ko.

tunay ngang mabilis ang pag-ikot ng mundo
kung ang nasa poder ay baluktot ang prinsipyo.
biktima tayong lahat na pumapailalim
sa mga nagmamataas na sakim at gahaman.
bakit magtataka sa kasulukuyan
kung mas masahol pa sa kriminal
ang puwersang kapulisan?
1.1k · Jun 2020
snooze
Levin Antukin Jun 2020
ilang beses mo itinatakda sa telepono
ang alarmang gigising sa 'yo kinaumagahan?
tipong ididilat mo na lamang ang mga mata,
magdadasal, babangon, iinom ng mainit na kape,
at wala nang iba.

sana ganoon din dito sa amin.

sa munting tahanan namin dito sa mandaluyong,
pinalaki kaming alerto sa wangwang ng mga bumbero.
ito ang alarmang gigising sa 'min
kahit kami'y mga gising na.
mapapipikit ang mga mata sa takot,
sabay takip ng tainga,
dahil sa sunod-sunod na sunog,
tanaw mula sa bintanang karatig ng kama.

paano nga ba matulog nang nakatatak sa isipan
ang sangkatutak na pamilyang walang matutulugan?
tag-ulan pa naman, maaaring bumaha.
at sa tanghali kinabukasan ay bilad sa lansangan.

paano nga ba matulog sa ugong ng mga trak
na kumakalampag sa dingding,
nanunuot ang alingawngaw sa balat?

paano nga ba matulog sa ilalim ng kahel na kalangitan?
takipsilim sa pagsapit ng alas-dyis ng gabi.
kinain ng nagniningas na apoy ang orasan.

pribilehiyo na
ang tanungin ang sarili
kung paano ka gigising bukas

'pagkat paano nga ba sila matutulog?
701 · Jun 2020
credo ni damaso
Levin Antukin Jun 2020
sumasampalataya ako
sa diyos sa aking kaibuturan.
walang langit sa makamundong isipan.

sumasampalataya ako
sa baong panandaliang hiram,
nabubulok, nalalanta.
hiwaga ang bunga ng pagmamahal.
hindi kailan man mamamatay ang kaluluwa
kahit sa ikatlong araw, ang laman ay abo na.
nanatili sa balat ng lupa.
naluklok sa kanan ng mira at ginto,
pati na rin ng insensong bumabalot sa espiritu.
tinago ang amoy ng isang alipin.
alipin ng sarili.
alipin ng iniwang mundo.

sumasampalataya ako sa isang dalaga,
sa leeg ng manok ng banal na tinola,
sa kapatawaran ng kasalanang sirang-plaka.
paulit-ulit gigibain at bubuuin
ang simbahang ako lamang ang sumasamba.
magpasawalang-hanggan.
581 · May 2020
quarantine pass
Levin Antukin May 2020
"MA, NASA'N Y'ONG MASK?".
nagmamadali na 'kong lumabas.
may bibilhin lang kasi ako sa 7-11.
ba't pa kailangan ng mask?
pati y'ong ano-
ano'ng tawag doon?
AH quarantine pass.

bago pa lumabas ng bahay,
nasermonan ang atat na mokong.
kapiranggot na mga salita ang nag-udyok
upang hindi na hawakan pa ang pinto.

"mag-ingat ka sa sakit pero
mas mag-ingat ka sa mga sundalo
na nakatanod sa checkpoint palabas."

isang taon na ang nakalipas.
'di na natapos ang pandemya.
para pagsabihan ako sa edad kong 'to,
tanggap ko na.
hindi na 'ko takot sa sakit.
ang hindi katanggap-tanggap ay ang maharas
at makulong sa kawalang katarungan.

kung amoy kalawang ang dugo
at 'di sila takot mabahiran,
kalawangin sana yaong mga kamay na bakal
367 · May 2020
Prologo
Levin Antukin May 2020
Tara.
Umpisahan natin
ang malikhaing pagbabahagi
ng aking mga kuwento.
Hindi na mabilang ang titik
na maingat na inuukit sa isipang
hitik sa karanasan at emosyon ngunit kailan
sasapat yaong mga nilikhang tula kung ikukubli lamang?
Kaya inihahandog ko ang sarili simula sa isang salita
at dinagdagan bawat linya. Ngayong nasa ika-sampu na, hindi mamamaalam


bagkus, maligayang pagdating!
[Filipino] a short poem, structured with lines increasing in word count per line (fr 1-10),  I wrote to get in HelloPoetry.
328 · Jun 2020
talukap
Levin Antukin Jun 2020
kung ika'y nakatutulog nang mahimbing,
nawa'y ihele ka sa bisig
ng mga umuugong na hiyaw.
hindi nagmamaliw, hindi patitinag.

inaantok na.
dahan-dahang bumababa ang kurtina.

bakit nga ba?
bakit ba mas ibinubuka ang mata
tuwing kakapa sa dilim
kaysa liwanag ng bagong umaga?

sunugin yaong tela.
basagin ang bintana
hayaang pumiglas ang kaluluwang nagmamakaawa
na kahit isang saglit

matulog ka'ng mulat. kailan ma'y 'wag pumikit.

— The End —