Noong araw ng aking pag alis
Hindi maipaliwanag ang pagtibok na kay bilis
Kasabay nang bawat hakbang ng aking mga paa
Ang naguumapaw na takot at kaba
Ngayo’y nakalipas na ang ilang buwan
maraming araw na ang dumaan
Subalit, tila hanggang ngayon
Masyadong mabilis ang pagdaan ng panahon
Pilit na hinahabol ang takbo
Upang makasabay sa mga kasalukuyang tagpo
Ngunit, masyadong mabilis
Hagupit ng pagbabago’y nagmamalabis
Buong akala’y natanggap na
Pero damdami’y nagpapanggap lang pala
Sapagkat sa tuwing sasapit ang gabi
Mananatiling tikom ang mga labi
Habang ang mga luha’y isa-isang pumapatak
At ang mapag panggap na mukha ay dahan dahan nawawasak
Ang mga alaala’y unti unting bumabalik
Na tinatapik ang puso ng isang batang nananabik
Na bumalik sa mga bagay na nakasanyan sa nakaraan
Kahit na ang susunod na pagkikita’y walang kasiguraduhan
Hanggang kailan mangungulila sa buhay na kinagisnan?
Hanggang kailan hahanap hanapin ang dating tahanan?
Matatanggap pa ba ang reyalidad na hinaharap?
O makakasanayan nalang hanggang sa makalimutan ang hindi matanggap?