Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
Rey Tidalgo Jul 2016
Lumuha ka aking / lumuluhang puso!
Iluha mo'ng lahat
ng kanyang larawan, / pagkasi't pagsuyo.
Lumuha ka dahil / nawala't naglaho
ang minsang nilasap
na pag-ibig niyang / may samyo at samo.
Lumuha ka puso, / lumuha ka puso!
Dahil siya'y huwad
na umibig sa'yong / kay raming pangako.
Iluha mo'ng lahat / ng kanyang napako
at hindi natupad
na pangakong puro / sa lalang at biro.
Lumuha ka puso, / lumuha kang lalo!
Lumuha kang ganap
dahil puso niya, pala'y pusong tuso.
Lumuha ka aking / lumuluhang puso...
Ngayon ka umiyak
habang marami pang / luhang tumutulo.
* lalang - panloloko
*huwad - peke

(: Para sa mga sawi. Haha
Rey Tidalgo Jul 2016
Hindi ko mapigil / aywan ko kung bakit
Na bumaling sa’yo / nang paulit-ulit
Ilang beses ko mang / ipikit nang pilit
Didilat ang mata’t / magkukusang-titig
Sa bawat pagtitig / ay nanahimik
Ang lihim ng isang / sumaging pag-ibig
Sa bawat pagbaling / ay may pagnanais
Na masilid ikaw / sa diwa ko’t isip
Sa libong pagbaling / at libong pagpihit
Ang katumbas nito’y / pagsintang malinis
Nang dahil sa iyong / gandang nilalangit
Ang pihikang puso’y / nahaling nang labis
At ang larawan **** / sa aki’y umakit
Namugad sa puso’t / naging panaginip
Dahilan sa isang / ninakaw na titig
Mga puso nati’y / dagling napaibig
Rey Tidalgo Jul 2016
Bakit sinta ako’y / sawi, bigong-bigo
Sa pagsintang lanta, / tuyo’t walang kibo?
Ang ‘yong mga titig / ay titig ng bungong
Patay at may dalang / sumpang mapagtampo …

Bakit nga ba sa’yong / mga gawang mali
At sa paglililong / hindi ko hiningi
Ay dagling nawala / ang dati kong ngiti?
Kaya’t sawing puso’y / hilam sa pighati …

Bakit din binalot / ng lumbay at sama
Ang pusong umibig / sa mula pa’t mula?
Dahilan sa iyong / kasalanang gawa
Naglaho ang tamis, / namatay, nawala …
Rey Tidalgo Jul 2016
Matulog ka hirang / at kata'y tutulak
Sa landas ng gabing / humahalimuyak
Doo'y tutuparin / ng ating pangarap
Lahat ng pagsuyo't / pag-ibig na hanap

Kata'y aaliwin / ng mga kundiman
At patutulugin / ng hanging mahinay
Pag-ibig ang ating / magiging himlayan
Sa harap ng tala't / mga bulalakaw

Sa landas ng tuwa / kata'y matutulog
Lilipas ang hirap / lahat malilimot
Lalaya ang diwa't / mga bungang-tulog
Sa tulong ng gabing / lipos ng pag-irog

Kata'y maglalampong / nang buong hinahon
Wala ni sinuman / ang makatututol
Huhuni't aawit / ang lahat ng ibon
Titigil ang luhang / sa mata'y nanalong

Lamang ang hangad ko'y / iyong mamalasin
Ang aking pintuhong / hindi magmamaliw
Sukat na sa akin / na iyong ibigin
At kung ibigin ma'y / umibig ka giliw!

Tena at humimbing / sa gabing tahimik
Na nilalambungan / ng nunungong langit
Mga puso'y sabay / na mananaginip
Sa awit ng isang / hele ng pag-ibig
***
Kata - Tayo
Kundiman - Awit ng Pag-ibig
Bungang-tulog - Panaginip
Lipos - Puspos
Maglalampong - Maglalambing
Nanalong - Matulaing anyo ng bumabalong
Mamalasin - Mamasdan
Pintuho - Pagsuyo
Tena - Tara na
Hele - Awit na pampatulog
Rey Tidalgo Jul 2016
Kung puwede lamang / na siya'y limutin
Di na sana noon pa'y / wala ng paggiliw
Kung puwede nga lang / itago't ilihim
Ang kanyang balaning / umakit sa akin
Di sana tuyo na'ng / nunuyong damdamin
At ang pagluhog ko'y / noon pa natigil
Kung puwede lamang / na di maging dahil
Ng kasawian ko / na siya'y ibigin
Di sana tapos na / ang kundiman namin
At lipas nang lahat / ang aking hilahil
Kung puwede lamang / na siya'y limutin
Ang sugat ng puso'y / ampat na marahil




* Ang panandang / ay tanda ng sesura (caesura sa Ingles)

— The End —