(After "Saan" by Maki & "Normal" by Carolina Durante)
Hindi ko na hinahanap ang iyong mukha.
Hindi rito sa General Luna, sa Norte o sa Libertad man.
Sa Lokal Hub kung saan ko unang nasilayan ang iyong mata.
Sa unang kapihan na ating pinuntahan, na limot ko na ang pangalan.
Hindi ko na hinihiling na sana bigla kitang makasalubong.
Hindi sa may Malinao, sa Poblacion Dos at lalong hindi sa Pacifico.
Sa Tangbo, doon ko unang nadama na gusto kong mamalagi sa piling mo.
Mula sa unang pagsikat ng araw, mahanap pa kaya natin ang pabalik doon?
Ngunit hindi ko na hinahalughog itong isla.
Hindi na ko natatakot sa susunod na ulan, bagyo o pagyanig ng lupa.
Ngunit hindi na rin ako makabalik sa mga lugar na pinuntahan nating dalawa.
Hindi ako makabalik nang hindi iniisip kung kailan ka ulit makakasama.
Kaya't sana, hindi na lang kita ulit makadaupang-palad, miski makita.
Hindi sa ilalim ng mga puno at poste, hindi sa mga kalsada o sa kama.
Hindi sa may boulevard o sa Vedya o sa Cloud 9 o sa Harana.
Hindi sa bago kong tahanan, ngunit pag iyong tinanong ika'y iimbitahan.
Hindi sa luma kong inuupahan, kung saan naririnig ko pa ang ating tawanan.
Hindi sa isa na namang kapihan kung saan ako magme-meryenda.
Hindi sa Tag Minimart, sa Secret Beach, sa may simbahan o labas ng Halika.
Hindi sa bago kong kwarto, sa bago kong malambot na kama.
Hindi sa kubo natin noong Pebrero na hindi atin, hindi sa buhangin sa Alegria.
Hindi sa aking kalye, hindi sa aking kama, sa aking kwarto, sa aking kusina.
Hindi na magbabaka-sakali, hindi na kaya pa ng puso na muling mangarap.
"Hindi ko na hinahanap ang iyong mukha
sa mga lugar dito sa isla"
Ang mga katagang sana masabi ko isang araw,
ang mga salitang pinagdarasal na masambit ko sana
nang nakataas ang noo, may diin at pawang katotohanan.
Ngunit ngayon, alam kong pag ito'y aking binitawan
ay siyang kathang-isip lamang at purong kasinungalingan.