Mula sa Coronet (Study) ni Daniel “Dansoy” Coquilla, Early 2000s “Eklips” (2022) sa UP Vargas Museum
Sapagkat ang Maynila ay isang malaking prusisyong hindi nagwawakas. Bawat singit ng kalsada’y may sangsang ng kasikipan, busina ng pagdadalamhati, alingawngaw ng pagmamadali, at balisungsong ng pagkaligaw. Nagsisiksikan ang mga mukha ng pagkauhaw habang ang langit ay saksi sa kanilang karera palabas ng lungsod. Sakay sa nangangabayong gulong at namamangkang dahon. Ang terminal ng buhay ay pugad ng mga pasaherong nauungusan ng mga higanteng parisukat na makina.
Hindi nagsisinungaling ang kabulgaran ng tinta ni Dansoy: mapanghusga ang kalawakan sa mga nagkukumpulang deboto. At sa pagyakap ng malaking anino sa nagluluksang syudad, magliliyab ang mata ng mga mananampalataya—kapit sa manibela, nakatingala, nagbabakasakali sa kapusukan ng buwan.