Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
2d
Saksi ang mga mata sa pagmamahalan
sa itaas, hinahalikan ng kadiliman
ang kalangitan, kung saan naipasa
na rin ito sa aking kaulapan.
Niyayakap ng saplot ang kalupaan,
at naaakit ang mga mata sa kaputikan.
Dahil dito pinipilit ang katauhan mamalagi
sa kapaligirang punong-puno ng kagandahan.
Tinuturukan ang utak ng mga kulay
na galing sa kaitiman, habang nagsusuot
ng saya. Saya na hindi makatotohanan,
saya na pampalipas oras lamang.
Nauumay, isinusuko na ng katawan,
isinusuka na rin ng katanyagan. Ang
ninamnam na pagbabalatkayo at
ang pagiging bulag sa kasalukuyan.
Parang inaararong lupa ang tinatapakan,
may maipagmamalaki ba ang pagtakbo?
Nagising na ang diwa, ang kamalayan,
Ano kaya ang kinakailangan kong gawin?
Ibinulalas ang tikas ng pangangatawan, at
ang pamamaraan na taglay ng kaisipan,
para sana ay makaraos sa nararanasan. Pero
parang kulang, paano ko ito malalagpasan?
Ah! Oo nga pala! Bakit puro ako?
Kung mayroon namang siya, sila, kami, at
tayo? Paano ako makakatahi kung nasa
iisang butas lang ako at hindi umuusad?
Kung gusto kong gumawa ng damit,
kinakailangan ko ang mga butas para
sa aking sinulid. Sama-sama hanggang sa
makabuo ng isa. Isa't-isang humuhulma ng pag-asa.
Hanggang sila'y nagsiilawan at lumutang
paitaas, tangay-tangay ako hanggang sa
paunti-unting bumubukas ang kalangitan,
binabaha ng liwanag hanggang sa ako'y natalsikan.
Lumiwanag, kasama ko na sila, iisa na kami.
Patungo sa umusbong na daan sa kaliwanagan.
Kung saan, wala ng ako, siya, sila, kami at tayo.
Wala na, wala na, magpakailanman.
Written by
Emman Bernardino
30
 
Please log in to view and add comments on poems