Nakadungaw ako ngayon sa bintana. Umiihip yung hangin papasok, nag-iingay, tila binubulungan ako ng kalawakan: “Handa ka ba sa paparating na katapusan?”
Subalit walang hanggang nakikita ang kalungkutan na ito. Sa umpisa palang, noong sinimulan natin ‘to, talo na agad ako.
Hinihintay ka na niyang bumalik. Ako din, mayroong nag-aabang sa aking pag-uwi. Hindi nila alam na nagpapakapasaway tayo. ‘Di nila alam kung gaano tayo kasaya.
Naaalala mo pa ba yung gabing bumyahe ako pa-kyusi para lang makita ka? Kahit ngayon, habang ako'y nagsusulat, pinapakinggan ko yung kantang tinugtog mo nung pagdating ko. Nasa pinaka-likod ako noon ng inuman, pero nahanap mo parin ako. Tapos buong gabi, pasilip-silip ka na — akala mo di namin nahahalata, pero yung titig mo’y sumunog ng landas patungo sa akin. Halos binahagi mo ang buong madla. Sa umagang sumunod, unang beses mo akong ihatid pauwi, at unang beses mo rin akong hagkan.
Habang ako’y nagsusulat ngayon, napapaisip, hindi ko alam kung kailan tayo magkikita muli — Pero sapat na sa akin ang kaalaman na yinayakap ka niya tuwing tumutulo ang iyong luha. Sapat na sa akin ang makita ang pangalan mo sa telepono kahit na wala ka namang mensahe. Sapat na sa akin na naaalala mo ako, kahit na paminsan-minsan lang. Sapat na sa aking ika'y magligaya kahit na sa dulo ng lahat, ako yung talo.
Kaya sa ngayon, maninigarilyo muna ako dito sa bintana, maghihintay nalang sa susunod na minsang maalala mo ulit ako.