Malambot ang kalimbahin, talulot ng bulaklak na rosas, tamang-tama sa pagpapagaan ng masakit na pakiramdam ng puro pasâ at bugbog-saradong lila ng sugatang puso ng isang bansa - sinugatan ng mga taon ng panggagahasa ng mga pulitiko, at panghahalay sa ekonomiya at lipunan. Nagpapagaling ang kalimbahin.
Tamang timpla ang kalimbahin ng matingkad na pulang dugo, inialay ng mga bayani, nag-aalab sa banal na pag-ibig, pagnanasang lumaban para sa kalayaang tila napakailap sa lahing puno ng kasawian at ng dalisay na puting diwa ng mga duminig sa tawag ng sambayanan di alintana ang sarili, busilak tulad ng papel na walang sulat, na sa ibabaw n’ya ay mahihiyang maglapat ang isang makata ng mga talatang sambay-bakod kumbaga. Masaklaw ang kalimbahin.
Maliwanag ang kalimbahin litaw na litaw sa tila itim ng gabing pinakamadilim sa ating sinalantang kapuluan, at sa malabo, lalong kumukupas na pangungunyapit ng bughaw-lilang kalangitan subalit may sumisilip na’t nagpapalakas-loob na sinag ng dilaw na araw muli, nababanaag ang bagong Pag-asa ay binabasag ang nakabalot na karimlan, nagbabadya, ibinabaybay ang ating kaligtasan bilang isang bayan – At kalimbahin ang kulay ng bukang-liwayway.
This is the Tagalog translation of the previous poem "Pink."