Sanay na sa tapang ng kape Mapa-barako, cappuccino, espresso Instant coffee, iced coffee o galing Man yan sa vendo machine. Wala nang bisa ang caffeine
Di na ramdam ang nerbyos, Maski ang biglaang palpitations. At hindi kompleto ang mga gabi Kung walang ang init, mula sa Tasang tangan, upang ibsan ang ginaw.
Saksi sa matang puyat Sa mga gabing walang inspirasyon Sa tuwing nagsusulat Sapagkat ngayong gabi ay iba na Ang dahilan ng patuloy na pagdilat
Di na kape ang dahilan ng kaba, Ng pagbilis ng puso at paghinga. Marahil nga ay mas malakas ang tama nya. Dahilang kasabay ng pagkataranta Ay ang tulo ng pawis mula sa likod ng tainga.
Sya na rin ang isinisigaw, Sa bawat tintang ipinahid Na nilangkapan ng maliliit na patak ng kape Na nagmamantsa sa sinintang pahina. Ang bawat piyesa ay may ibang kulay na.
Hindi pala kape ang gigising sa diwa, At hindi rin ito ang magiging dahilan Ng pagkabalisa, Sapagkat narito ka Ikaw na nagbigay ng malakas na tama Tamang kung minsan ay di na pala tama.