Napalitan na ng sigawan Na dati’y isang malakas na tawanan Nakaririnding bagsakan ng pintuan Na nagbibigay kaba sa’king kalooban Mabibigat na yabag ang bumabagtas paakyat at pababa ng hagdan Na tila nagpapahiwatig na may nangyaring sagutan, Nakakabinging katahimikan Na minsan ay hindi ko ginustong maranasan
Walang katapusan na pagtatalo Palaging nakalingon sa nakaraan, hindi magawang kalimutan Ilang taon na ang lumipas ngunit palaging hinuhugot pabalik sa kasalukuyan, Palaging mayroong argumento Pero ano ba ang tunay na napapala? Sino ang nanalo at sino ang natatalo? Sino ang magdedetermina sa kanilang dalawa na tama na? Sino sa kanilang dalawa ang unang magtataas at magwawagayway ng kanilang puting bandera? Hindi lingid sa aking kaalaman na wala isang perpektong pamilya Hindi maiiwasan ang pagkakaroon nang hindi pagkakaintindihan Ngunit ang isang away at papatungan pa ng isang away, parang ibang usapan na yan.
Kaya minsan- Mas pinipili ko na lamang ang mag-isa Magkulong maghapon at magdamag sa kwarto habang sa’king kama’y nakahiga Nakikinig sa mga luma’t bagong musika, o ‘di kaya naman nanunuod ng pelikula Sapagkat iyon ang mga oras nawawala ang aking pangamba Na baka mayroon sumabog na alitan sa pagitan ni ama’t-ina
Tahan na tahanan, Napalitan na ng sigawan ang dating malalakas na tawanan Hindi na ikaw ang munting bahay na masaya kong inuuwian Punong-puno ka ng tensyon at ang enerhiya sa paligid mo’y hindi na kaaya-aya Ang tanawin sa iyong apat na sulok ay hindi na maganda Kung kaya’t tahan na tahanan, Parehas tayong umasa na ang lahat ay babalik sa dati nating nakasanayan