ilang beses mo itinatakda sa telepono ang alarmang gigising sa 'yo kinaumagahan? tipong ididilat mo na lamang ang mga mata, magdadasal, babangon, iinom ng mainit na kape, at wala nang iba.
sana ganoon din dito sa amin.
sa munting tahanan namin dito sa mandaluyong, pinalaki kaming alerto sa wangwang ng mga bumbero. ito ang alarmang gigising sa 'min kahit kami'y mga gising na. mapapipikit ang mga mata sa takot, sabay takip ng tainga, dahil sa sunod-sunod na sunog, tanaw mula sa bintanang karatig ng kama.
paano nga ba matulog nang nakatatak sa isipan ang sangkatutak na pamilyang walang matutulugan? tag-ulan pa naman, maaaring bumaha. at sa tanghali kinabukasan ay bilad sa lansangan.
paano nga ba matulog sa ugong ng mga trak na kumakalampag sa dingding, nanunuot ang alingawngaw sa balat?
paano nga ba matulog sa ilalim ng kahel na kalangitan? takipsilim sa pagsapit ng alas-dyis ng gabi. kinain ng nagniningas na apoy ang orasan.
pribilehiyo na ang tanungin ang sarili kung paano ka gigising bukas