balik-tanaw. limang taong gulang. tapos na maghabulan, magtayaan. pagod na ang lahat at ang natitira na lamang ay magkwentuha't mag-asaran bago magsiuwian.
"wala mga daddy niyo sa daddy ko", sigaw ng aking kalaro, "nagpapalipad siya ng mga eroplano". manghang-mangha kami habang nagkukwento siya at may hawak pang eroplanong papel.
"pero 'di papatalo si itay", sabi naman ng isa pa, "sa Saudi siya nagtatrabaho kaya lagi akong may bagong laruan". bilang ganoon pa kabata, 'di namin mapigilan mainggit. sino ba namang hindi kung laruan ang binabanggit?
pinagyabang ko siyempre ang aking ama. "pulis ang tatay ko". sabay humugis ng baril gamit ang mga kamay. basang-basa ang mga ito dahil sa pawis. mga palad na makaraan ang isang dekada't kalahati ay nalulunod na sa pagiging pasmado o marahil sa kaba dahil sino ba'ng 'di matatakot sa pulis
ngayon?
nalaman namin na hindi nagpalipad ng eroplano yaong daddy ng kalaro namin. flight attendant siya. marangal na trabaho. nagtrabaho nga sa Saudi ang itay ng kalaro pa naming isa subalit kalaunang bumalik sa 'Pinas dahil pagod na.
kahit ano pa mang trabaho iyan o kung saan, nakasisindak isiping nakatira ka sa iisang bubong kasama ang isang mamamatay-tao. ang malala ay isa siya noon sa mga pinaka-tinitingila ko.
tunay ngang mabilis ang pag-ikot ng mundo kung ang nasa poder ay baluktot ang prinsipyo. biktima tayong lahat na pumapailalim sa mga nagmamataas na sakim at gahaman. bakit magtataka sa kasulukuyan kung mas masahol pa sa kriminal ang puwersang kapulisan?