Sa ulan naligo nang nagagalak Bawat patak sa pisngi ay parang biyayang inihahatid At sa sandaling paghinto ay ang pagbabalik Paggugunita sa mga araw ng paggiliw
Noong kami pa ay parang langit Ulap sa paa ko' t bituin sa panaginip Walang gabi na tahimik Sapagkat parating may malamyos na awit
Ang pakiramdam ko sa panganorin Walang hanggan-kataasaan ay di malirip Ngunit unti-unting nawawari Kalangitan ay isa lamang bahagi
Kung ituturing ay isangpanig-ibig Pagkat ang pag-irog ay ganap na pagmamartir Tinakasan na nakalupasay sa pananabik Ang sinta ko sa iba kumapit
Naaalala pa nang nakadantay ang kanyang binti Sa hita ko' t sabay ng masuyong paghalik Yakap niya sa akin ay napakahigpit Ngayon bakit kay dali lang sa kanya ako' y ipagpalit
Binigyan man ng malapad na bagwis Ang bawat wasiwas naman ay dulot pighati' t Nagpapahiwatig ng pamamaalam na nalalapit Isang beses lang lumipad, sampung ulit ang hilahil
Tinuring na reyna sa kahariang panaginip Kahit na inaalila niya' t inaalipin Para sa akin isa siyang prinsesa na handang isagip Sa mababangis na lobo' t mga tigreng sakim
Kung maparool man ay hindi itatanggi Na minamahal siya' t itinatangi Mapalayo man sa pamilya' t kaibigan siya pa rin ang pipiliin Namumukod tangi siya, walang kahulilip
Huli na nang malaman ang ibig Ako' y pala kasangkapan lang sa kanyang ninanais At upang sa isang tao' y mapalapit Ginawa niya akong tulay - pantawid
Ano mangyayari sa pakikipagsapalaran sa pag-ibig Tiyak na maluluray, at dadaing Dahil sa antak na di naiibsan at naaalis Duro sa puso' t wasak na damdamin
Nararamdaman ang masidhing lunggati Na sinilsilyaban sa tuwing ako' y nilalambing Nasang na sana ay laging magkapiling Dumadarang na nakatiwangwang di mailihim
Larawan niya' y kinikimkim Tampalasang kataksilan nailimbag sa isip Sa mapanlinlang na anyo ng bahaghari Hubog nito' y lumbay hindi aliw
Hanap-hanap pa rin ang silay ng giliw Masasadlak man sa landas muli ng pag-ibig Kung may pagkakataon ay aking hihilingin Saktan niya sana ako, isa pa at siya' y mamahalin