Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Mar 2020
Ikaw pala yan, yung taong palangiti at palaging masaya.
Ikaw pala yan, yung taong kalungkutan ay halos hindi makita.
Pero tila ba nagbago na yung taong nakasanayan nila.
Saan napunta yung ngiting kayang makapagpasaya ng iba?

Yung dating masigla at makulay, ngayo'y napapalibutan ng kadiliman.
Tuwing babalikan ang kahapon, masasabing isa kang liwanag na walang hangganan.
Ngunit anong nangyari at parang pagod na pagod ka?
Hindi na nga ba maibabalik yung dating sobrang saya?

Iyong mga mata ay napagod na, kakahanap sa kalutasan para sa iyong mga katanungan.
Ang iyong boses ay halos mapaos na,  kakasagot sa mga katanungan na "ayos ka lang ba".
Sa bawat gabi na ika'y nag-iisa, hindi mo man sabihin alam ko'y meron kang pangamba.
Takot na baka bukas ikaw nalang mag-isa, o takot na baka sumuko ka nalang bigla.

Hindi man tayo sobrang magkakilala, pero gusto ko lang sabihin na sana marunong ka din magpahinga.
Walang masama kung ika'y magpapabida, pero huwag kalimutan na ikaw ay mas mahalaga.
Bilang isang paalala, mga katagang ito'y aking iiwanan na.
Ikaw na nagpapanggap, kamusta ka na?
Written by
Francisco Ocampo
703
 
Please log in to view and add comments on poems