Gusto kitang isayaw ng mabagal. Gusto kitang isayaw. Gusto kita. Gus— Gusto kong ibaling ang pagtingin ko sa iba, Pero bakit kahit na pilitin kong okupahin ang malaking parte ng oras para kalimutan ka, Hindi ko mapanindigan? Bakit patuloy ka pa ring bumabalik at nangungulit sa isipan; Kung alam mo namang madalas akong umaaasang baka sakali, May maganda tayong patutunguhan? Paano ko magagawang makalayo sa lungkot, Kung simpleng alaala mo,hindi ko magawang malimot? Dumarating ka sa oras ng katahimikan— Dumadalaw sa mga panahon ng pag-iisa, Dinadamayan ang sakit ng luhaan kong mata; Bumabalik-balik at sumisilip-silip, para iparamdam ang presensiya ng pag-ibig na kailanma'y hindi masusuklian~ Gusto kitang isayaw ng mabagal, Sa saliw ng paborito kong musika, Sa tugtog na gigising sa'kin, magpapa-alala: •Pagmamay-ari ka ng iba, Gusto kitang isayaw ng mabagal— Hanggang sa hindi matapos na tugtugin; Hanggang sa magawa ko ng pilitin, ang tadhana~ Na ibigay ka nalang sa akin, Gusto kita ng isayaw ng mabagal. Gusto kitang isayaw. Gusto kita. Gus— Tama na. Husto na. Gustuhin ko man na mapasa'kin ka, Wala akong magagawa. Kaya sige. Tatanawin nalang kita. Hihiling na sana minsan, maisayaw kita— Sa saliw ng paborito kong musika; Sa tugtog na patuloy sa'king magpapa-alala, Kaibigan lang dapat kita At pagmamay-ari ka ng iba. Gusto kitang isayaw ng mabagal. Gusto kitang isayaw. Gusto kita. Hindi magbabago kahit nakatadhana ka sa iba.