Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jul 2019
Kasabay ng patak ng ulan
Ang luha kong umaagos nang marahan
Damdamin ay nasasaktan
Panibugho kong di tumahan

Bakit ako'y pinagpalit
Palagi naman sa iyo ay mabait
Minahal kita nang higit pa sa iyong nalalaman
Pagmamahal na iyong pinabayaan

Ikaw ang aking pinipintuho
Kahit sasalungatin ng bagyo
Di ako mapapadaig
Delubyo man ang maging dulot nito

Ang putik sa mga paa kong dumidikit
Ay parang pumipigil sa paghakbang
Kahit mabubuwal sa daan
Patuloy pa rin sa paglakad

Sa tuwing iniisip ka
Nalulungkot ako't humihikbi
Ang pait ng dagat
At ang alon ay sampal sa pisngi
sapagkat iba na sa iyo ang nagmamay-ari

Matalim ang bawat pagaspas ng mga dahon
Ang mabanayad na awit ay nagdadagdag ng sakit
Habang sa silong nag-iisa
Nalulumbay ako nang inaalala ka

Ipikit ko man ang mga mata
Ay hindi tinakpan na bituin sa gabing maulan
Sapagkat maaliwalas gaya ng batis
Ang kagandahan mo na nagniningas

Kaya pagkatapos ng ulan
Sa silong ako'y pabayaan
Iniwan mo sa akin ang awitin
ng damdamin kong umiibig
Written by
kingjay  23/M/Antique
(23/M/Antique)   
18.0k
 
Please log in to view and add comments on poems