Sa pagitan ng isang salamin kami'y unang nagkatagpo Tila walang ibang nakikita habang tanaw siya sa malayo Kaunting hakbang nalang ay patungo na ako Ngunit napuno ng kaba at hiya, sapagkat unang beses ito.
Isang binibining marilag at may kaayusan Na ang kaniyang kaanyuan ay kapita-pitagan Malumanay niya akong tinungo at nilapitan Na para bang kami ay mag-uusap ng masinsinan
Lumipas ang bawat sandali na kami ay magkasama Habang dahan-dahang inilapat ang kamay sa kaniyang palad Nilibot ang paligid, tanging siya lang ang nakikita Mahinay ang takbo ng oras, na sa layo ng nilakbay ay parang nagpapahinga
Malapit na matapos ang panandaliang pagsasama Habang ako'y pilit na tinalunton ang bawat hakbang niya Dumating ang pagkakataong magpapaalam na Lunos ang biglang nadama, sapagkat iyon ay una.
Sa larawan na aming kinuhanan nang kami ay magkasama Ika-pitompu't anim na araw ng tatlong daan at animnapu't lima Siya ay aking nakausap, nakasama, at nakita Subalit hindi nasabihan ng isang mahalagang salita
Sa nag-iisang larawan na pilit kong iniingatan Bumalik kami sa dati na sa telepono'y nag-uusap na lamang Kung may pagkakataon ay agad siyang pupuntahan At sa pagkakataong iyon, ay mahigpit siyang hahagkan
Sa isang imahe ng larawan na aking itinatangis Nag-iisang larawan na lubos kong ninanais Subalit sa kasalukuyan ako'y patuloy na nagahis Sapagkat ang imaheng iyon ay imaheng puno ng hinagpis
Hinagpis sa una naming pagkikita Sa matagal na paghihintay ay muli ng nagkasama Handa akong maghintay at maglakbay ng ilang milya Mangyari lamang ulit ang matagal ko ng adhika.