Nagtawag siya ng isang espiritista at mananalangin na magbuburda sa bawat hibla ng kamalayan na patuloy na binuburda ng sugat at sakit, habang patuloy na ginigising ang matagal na pagkakahikbi at pagkakatulog sa mga hungkag na mangangarap.
Dali't daling sumulat ng dagli, sa bawat pagtagaktak ng mga luhang umaagos sa sigaw ng mga birhen at santo na siyang nananalangin sa ikalilinis ng tahanan laban sa mga naghuhudas na diyablo, na itinataya ang gabi para mag-anyong tao sa kahit sino.
Bago sumapit ang gabi. Sa takipsilim, limang minuto, bago paparating ang isang duyog na magwawakas sa hindi maaaring wakasan, kagaya ng pagtalikod at pagpikit, na hindi maaaring maisara ng mga mata.
Magpapakarahas sa pagsigaw at mananabla ng labing-anim na milyong mananampalataya, ang isang estadista na kung yumapak ay walang-puknat na magliliyab ang sahig, kung saan nakalibing ang hindi mabilang ng mga daliri, pagkaraan ng walang nagdaan sa pagkalimot sa kanila.
Sa gilid-gilid ng eskinita, matatagpuan ang mga kawalang-malay na pugot na ulo na hiniling ng mga mananampalataya, sa isang dyini at ipinagkaloob sa kanila ito, ipinagkaloob, ngayon ay tumatanggi kung kailan naparirito ang hiling.
Ngayon ay malilinis na ang pinakamaruming hindi nasasaksihan ng mga mata sa tahanan, pagkatapos ipanglagas ang kaluluwa.
Sa huli, walang bumabalagkas ng daan, na sumasalamin, pagkatapos manalamin. Sa kabila ng napakaraming salamin.