Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Sep 2018
sumulat ako ng elehiya

ginamit ko lahat ng palasak na salita
ninais ko ang naunsiyaming kapayapaan: yaong hindi bayolente't nababahiran ng dugo't karahasan
mayroon pa naman sigurong mas malinis na paraan, 'yun, 'y-'yun bang legal at dinaraan sa reporma
'yaong tulad ng kay rizal! tama! yaong may diplomasya

tumigil ako pansamantala upang bumuklat ng pahina
napakarami nang rebolusyong hindi tulad ng inihahatag nila, katulad ng, ah! katulad ng EDSA!

nauhaw ako at tumigil pansamantala habang sa lamig ng aking kwarto'y rinig malakas na buhos ng galit ng araw
mabuti't nang buksan ko ang mga kurtina, payapang nagwawalis sa bakuran ang kapitbahay
may nagpapaligo ng aso't magagarang sasakyan
ipinagpasalamat ko ang bubong sa king ulunan. ah, payapa.

hindi rinig sa balita ang pandarahas ng militar sa kanayunan
ngunit batid ng karamihan, at ang solusyon ika nila ay armadong pakikibaka
nanlamig ako at namutla,

binaybay ko ang mga taong nakalipas bago ko marinig ang pangangalampag sa aming pintuan
pilit kaming inaakusahan, walang dokumento o anumang ebidensya

at dumaan ang mga imahe ng militar sa kanayunan:
ang daan-daang pamamaslang habang walang kalaban-laban

sa huli, wala akong armas na nilundayan

sa aking mga huling sandali, para sa sarili ko lamang,
sumulat ako ng elehiya
George Andres
Written by
George Andres  19/your universe
(19/your universe)   
  30.1k
       Inocencia, Sid Bulan, --- and Rick
Please log in to view and add comments on poems