Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Mar 2010
Patay sindi ang ilaw sa kwarto. Bawat pagsindi ay napuputol ang tulog na mga limang minuto pa lamang ang tinatagal. Kaluskos mula sa kisame ay pilit na sinasawalang bahala.

Ang salamin sa aparador sa paahan ng aking kama ay mistulang naggiging larawan. Mayat maya'y nagkakaroon ng imahe ng isang babaeng naka trahe de boda. Balingkinitan ang katawan, bagsak ang balikat, bahagyang nakatungo't walang bahid ng kagalakan sa kanyang mukha. Ilang saglit lang ay mawawala.  Dali-dali akong tumayo at binuksan na lamang ang pinto ng aparador. Ihinarap sa pader ang salamin, sabay balik sa aking kama. Ang loob ng aparador na lamang ang aking nakikita. Wala na ang babaeng nakaputi, di narin nagparamdam muli. Nawala narin ang nakakabahalang kaluskos sa kisame. Ang ilaw ay nanatiling nakasindi.

Alas-tres na ng umaga nang ako ay nakatulog. Nagising ng alas-sais at nagmamadaling naligo't nagbihis. Iniligpit ang gamit sa bag, nagsuklay at napaharap sa salamin. Natigilan. Nakasara na ang aparador.

- March 15, 2010, Vigan
4.8k
 
Please log in to view and add comments on poems