Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Dec 2017
Walang araw at gabi na hindi ko naiisip ang iyong kalagayan.
May mga pagmulat sa umaga na tila nananaginip ako,
Iniisip ko na nagbago na ang lahat, na sa wakas ay nalampasan
Mo na ang ang iyong hirap na pinagdadaanan.
Mga pagkabigla ng isipan na para bang naalimpungatan lang.
Subalit laging bumabalik sa mga katotohanan na kailangan harapin.
Mga lungkot at kurot sa pusong tanawin, mga sana at mga
Panghihinayang. Puno ng mga pagbabakasakali at pag-asa,
Hinahanap-hanap ang kasagutan sa mailap na katanungan.
Bakit ikaw? Bakit sa’yo pa nangyari? Bakit nagkaganyan ka?
Wala ako’ng ibang hiling kundi ang maging maayos ka,
Na maging malusog at kaaya-aya ka.
Hindi ko hinangad ang yaman ng mundo,
ikaw lang at ang kapatid mo ay daig na ang lahat ng yaman sa daigdig.
Pero ‘hwag kang mag-ala-ala anak ko hindi kita iiwan,
Kailanman hindi kita pababayaan ako’y laging nandito sa tabi mo.
Haharapin natin nang magkasabay ang buhay.
Naalala mo ba ang naghahabulan na mga alon sa dalampasigan?
Masayang masaya ka habang ito’y humahampas sa iyong katawan,
Ganito ang buhay punong-puno ng mga alon.
Kailangan na ito’y harapin, wala ka’ng ibang gagawin.
Ngitian mo ang hampas ng buhay maliit man o malaki ang dala nitong mga alon.
Habang ako’y nabubuhay sasamahan kita sa pagharap mo sa mga alon,
Hindi ka namin iiwan ng ate at mama mo.
Lalabanan natin ang dagok ng mga daluyong,
Sabay tayong tatawid na karagatan ng buhay,
Umulan man at umaraw lagi kitang yayakapin.
Ganyan kita kamahal aking bunso.
Written by
JOJO C PINCA
3.4k
     Katryna and Lior Gavra
Please log in to view and add comments on poems