Makulit, malikot, parang kiti-kiti na paikot-ikot. Ganyan ang bunso ko masyadong maligalig, Takbo dito takbo doon, bukas dito bukas doon, Akyat dito akyat doon. Akala ko magiging mahina ka nagkamali ako. Mahina ka noong isinilang, Tatlong araw palang ay na-ospital kana. May kung anong laging tumutunog sa’yong lalamunan, Huli ka kumpara sa karamihan. Sa paglipas ng mga taon unti-unti mo’ng nalalampasan, Tiwala ako’ng lahat ng ito’y iyong mapagtatagumpayan. Alam ko na nagtatampo ka kay papa, Makulit ka kasi kaya ka napipitik. Pinipitik kasi mahal kita, Pinipitik kasi nagmamalasakit, Pinipitik kasi ayaw mapahamak, Pinipitik sa kamay para mo maintindihan Na minsan mali ang iyong ginagawa. Kailanman ay hindi kita sasaktan anak ko, Kahit ang buhay ko isusugal ko para sa’yo. Kini-kiss naman kita matapos pitikin, Kasi hindi kita kayang tiisin, Nasasaktan ako sa t’wing nakikita ko na ikaw ay umiiyak.