Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Dec 2017
Ang pagibig sa karunungan ay walang katapat na halaga. Ang pilosopiya at salapi ay langis at tubig kailanman hindi ito maaaring magsanib. Si Socrates na ama ng pilosopiya ay hindi yumaman ni guminhawa ang kanyang buhay. Ang karunungan ay bahagi ng kaluluwa at ang kaluluwa kahit kelan ay hindi nangailangan ng salapi at materyal na mga bagay. Walang pera sa pilosopiya sapagkat wala rin pilosopiya sa pera.

“Philosophy bakes no bread” pero ito ang pundasyon ng mga sibilisasyon. Ang kultura at ebolusyon ng lahat ng buhay at mga pangyayari at kasaysayan ay nakasalalay sa pag-unlad ng pilosopiya. Ang karunungan ay parang gulong na laging sumusulong. Ang lahat ng sangay ng kaalaman ay nakasalalay sa pilosopiya, pilosopiya ang nagbibigay buhay at nagpapagalaw sa mundo. Ito ang bumabago sa takbo ng panahon at isipan ng bawat henerasyon.

“Philosophy bakes no bread” ang medisina, batas, arkitektura, literatura at lahat ng katha ng isip ay nakasalig sa pilosopiya. Walang kaayusan kung walang pilosopiya. Ito ang mapa ng mundo at kompas ng kasaysayan. Pati ang mga buktot na panukala at mga hangarin ay may bahid ng binaluktot na pilosopiya na binalangkas ng mga taong hangal. Ang pilosopiya ang lumilikha ng yaman at kahirapan depende kung paano ito ginagamit ng mga nasa kapangyarihan.

“Philosophy bakes no bread” pero ito ang kanlungan at kapahingahan; ito ang nagbibigay ng kalayaan. Tanggulan ito ng mga mahihina at walang kayang lumaban. Sulo na nagbibigay liwanag at pumupunit sa dilim ng gabi.
Written by
JOJO C PINCA
12.9k
 
Please log in to view and add comments on poems