Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Dec 2017
Manggagawa ang tatay ko at manggagawa din ako, lumaki ako sa lugar na ang mga kapit-bahay ko ay puro mga manggagawa. Dati pangarap ko’ng maging labor lider, maging unyonista na tulad ng tatay ko. Manggagawa mga taong pinalalakas ang katawan dahil ito ang kanilang tanging puhunan. Katawan, dugo at pawis ito ang kailangan dahil wala silang ibang masasandalan. Mga isang-kahig at isang-tuka at mga alipin ng gutom at pangangailangan, mga modernong alipin.

Mga factory workers, bodegero, baradero, construction workers, OFW, mga sekyu, mekaniko, latero, karpintero, katulong, hardinero, kubetero, tsuper, kargador, estibador – lahat sila mga manggagawa. Gumagawa araw at gabi kapalit ng maliit na kita, hindi sapat na benipesyo at walang dangal sa harap ng among kapitalista. Mga inuupasala at pinagsasamantalahan, mga gatasan na laging tinatampalasan ng mga walanghiya at mga tampalasan.

Manggagawa na walang dangal na laging busabos ng mga mayayaman at makapangyarihan kailan mo kaya makikita ang araw ng iyong katubusan? May mga dambuhalang mahilig kumain ng laman mga halimaw na walang kabusugan, mga bampira na sinasaid ang dugo ng biktimang walang kalaban-laban. Ganyan ang mga kapitalistang ating pinaglilingkuran. Mga walang pakialam sa buhay ng iba ang mahalaga sa kanila ay ang kumita ng limpak-limpak na pakinabang.

Mga kapwa manggagawa may araw din na tayo ay lalaya. 'Wag mainip sapagkat nakatunghay ang kasaysayan ang batas nito ang magsasabi kung kelan tayo lalaya sa tanikala ng mga mapang-aping panukala.
Written by
JOJO C PINCA
2.5k
 
Please log in to view and add comments on poems