Nagtatampo ang araw kaya hindi ito sumisikat, Hinahayaan n’yang kumapal ang ulap. Hay naku Tiyak na iiyak ang langit, babaha ang luha na Hahalik sa lupa.
Nagsusungit ang buwan tila walang paglingap Sa dilim ng hating-gabi; pati ang mga bituin Walang pagtangi sa magdamag na lumilipas.
Ganito ang nararamdaman ng puso ko, Nalulumbay na tulad sa araw at buwan. Gising ang diwa subalit pagod ang panulat, Gustong mag-ulat pero hindi makasulat.
Naiinggit ako sa mga makatang hindi kinakapos, Hindi natutuyuan ang kanilang panulat na laging Nagmumulat. Hindi ako nagtataka kung bakit sila naging alamat.
Subalit hindi ako padadaig sa lumbay, Lalabanan ko ang katamaran. Magpapatuloy ako Sa paglikha ng mga tula. Hindi ko sasayangin Ang oras na natitira sa akin.