Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Nov 2017
Tinatamad ako hindi ko magawang tipahin ang tiklado ng aking computer.
Inaantok ako malamang kinakapos ng oxygen ang utak ko kaya ganito.
Pero ang diwa ko’y gising at gustong sumulat ng tula hindi ito nakatulala.
Anong tula ang susulatin ko? Tungkol ba sa’yo at sa pagsinta nating tuyo?
O patungkol sa bayan kong minamahal na walang utang na loob sa malasakit ng iba?
Ang bayan o ang aking pag-ibig sa’yo alin sa dalawa? Ewan ko nalilito ako.
Pareho kayong mahalaga, pareho ko kayong mahal, pero alam ko na pareho din kayong mawawala. Bakit ko sasayangin ang aking mga salita? Bakit kailangan ko pang ialay ang bunga ng aking kaisipan kung sa bandang huli ito ay mawawalan lang ng saysay?

Hayaan **** mag-diskurso ako kahit sandali lang mahal ko.

Ilan tula na ba ng aking sinulat para sa bayan kong sawi at laging alipin ng mga walang turing at pakundangan, may nangyari ba? Wala naman diba? Walang saysay ang pagliyag ko sa bayang ito na laging lumuluhod at sumusunod sa mga dayuhan. Itong bayan na sa kabila ng kanyang paghihirap at dalita ay laging nangangamuhan at humahalik sa paa ng mga kapitalistang ganid. Ang bayan ng mga taong mahirap paniwalain sa totoo pero madaling bolahin ng mga pulitikong hunghang. Ito ba ang bayan na aking iibigin?

at ikaw naman mahal ko

Batid mo'ng iniibig kita alam mo yan pero para saan ang aking pagliyag sa’yo kung mawawala ka rin sa akin? Oo naman nasasabik ako lagi sa’yo, gusto kitang yakapin, halikan at makasiping sa buong magdamag hanggang sa bukang-liwayway. Pero hanggang kailan ako mananaginip ng gising at mananabik saiyong piling gayong alam ko na hindi ka naman talaga magiging akin sa habang panahon?

Marami ba akong tanong? Pasensya kana ganun talaga ang isang makata, nabubuhay s’ya gamit ang mga salita at tandang pananong.

Pero sige magsusulat ako ng isang tula para sa’yo at para sa bayan ko. Magsusulat ako kahit alam kong walang magbabasa nito. Magsusulat ako at aasa na parang hangal, aasa na may babasa at maniniwala sa aking mga salita. Ipapahid ko ang utak at damdamin ko sa papel na tulad sa isang nababaliw. Magsusulat ako dahil tungkulin ko ito, magsusulat ako dahil alipin ako nito, magsusulat ako dahil ito lang ang alam ko at higit sa lahat magsusulat ako dahil ito ang buhay ko.

Iaalay ko sa’yo mahal kong marupok at sa’yo bayan kong walang utang na loob ang aking tula kahit inaantok at tinatamad ako.
Written by
JOJO C PINCA
37.4k
 
Please log in to view and add comments on poems