Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Nov 2017
"A spectre is haunting Europe"
- Communist Manifesto

Ang multong gumagala noon sa Europa ay hindi parin natatahimik. Hanggang ngayon ay patuloy itong gumagala at nanggagambala. Hindi n’ya pinatatahimik ang mga burgis at elitista. Kaya’t patuloy na nagsasabwatan ang ibat-ibang kapangyarihan sa lipunan upang labanan ang multong ito at hadlangan ang kanyang paggala. Ang mga lider ng relihiyon, ang mga kapitalista, ang mga namumuno sa gobyerno na panay oportunista, ang pasistang militar, ang pulisya pati na ang midya lahat sila ay nagsasamasama upang kalabanin ang multong gumagala.

Nasaan na ang tunay na partido ng mga manggagawa na kinakatawan ng multong gumagala? Nasaan na ang mga rebolusyunaryo at mga aktibista na kakalaban sa bulok na Sistema? Bakit hanggang ngayon ay namamayani parin ang naghaharing mapagsamantalang uri? Kinain na ba kayo ng maling sistema at ngayo’y naaagnas na rin?

Nang bumagsak ang Rusya at lumihis ang Tsina ay nagdiwang ang mga imperyalista. Akala nila ito na ang wakas nang paggala ng multo, subalit nabigo sila at nagmukhang mga asong hangal na kumakahol sa sariling suka. Pagkat nagpatuloy ang multo sa kanyang paggala at ibayong lagim ang kanyang dala-dala. Subalit bakit tanong nila?

Simple lang ang dahilan:

Hanggat laganap ang kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay hindi sila patatahimikin ng multong gumagala. Patuloy nitong uusigin ang budhi ng mga ganid at sakim sa kayamanan.

Hanggat ang biyaya ng lupa ay hindi nakakamtan ng lahat ng tao ay patuloy itong magmumulto.

Hanggat ang mga manggagawa ay hindi gumiginhawa hindi mananawa ang multo na magpaalala sa kanila na patuloy nilang igiit at ipaglaban ang kanilang mga karapatan na s’yang nararapat.

Patuloy na gumagala ang multo ng Komunismo na nagmula pa sa Europa kailanman hindi nito patatahimikin ang mga sakim sa yaman at sukaban sa kapangyarihan.
Written by
JOJO C PINCA
9.5k
 
Please log in to view and add comments on poems