Hindi ako susuko patuloy akong titindig at lalaban. Sa kabila ng mga kabiguan mananatili akong nakatayo, hindi na ako muling luluhod upang humingi ng awa sa diyos.
Malungkot man ang aking pinagdaanan, kahit hindi naging masaya ang aking kabataan hindi ako manghihina at mawawalan ng pag-asa.
Hindi ako mayaman hindi ako tanyag hindi rin ako makapangyarihan ako ay isang hamak lamang. Subalit natuto ang puso ko na maging matatag kaya't hindi na ito muling susuko.
Wala na akong Bathala na sinasamba hindi na ako malilinlang ng mga hangal na lider ng relihiyon na nagbabanal-banalan at naglilinis-linisan. Tangan ko sa aking mga kamay ang aking kapalaran.
Mas lalo akong hindi magpapa-uto sa mga mapagsamantalang pulitiko na nagsasalita ng puro katangahan para silang mga lata ng sardinas na walang laman.
Hindi ako padadaig ilang beses man ako bumagsak, hindi dadaing at magpapalimos ng habag; hanggat tumitibok ang puso ko hindi ako patatalo sa bigwas ng malupit na buhay.
Hindi ako natatakot na sabihin ang laman ng isipan ko, hindi ako mangingimi na isigaw ang nilalaman ng aking dibdib.
Pag-uusig at pagkutya ay laging naka-abang parang halimaw na nagkukubli sa dilim ano mang sandali ay handang sumalakay.
Hindi n'yo man ako tanggapin ay wala akong pakialam ako'y ako at mananatiling ganito hanggang sa buhay ko ay mapatid.