Kahapon pagdaan ko sa Angeles City sa Mabalacat, Pampangga nakita ko sila. Sandali kong pinagmasdan ang kanilang pangkat na nagpapahinga sa may gasolinahan. Hindi ko maiwasan na malungkot.
Mahirap talagang maging mahirap, alam mo yung buhay ng isang kahig, isang-tuka, yung kakalam-kalam ang sikmura tapos hampas lupa? Yung hindi nakaka pag-almusal dahil walang pambili ng pandesal, na madalas ay nililipasan ng pananghalian at malimit na nakakatulog sa gabi ng walang hapunan.
Yung dalagitang nanggigitata may sanggol sa tagiliran, nagpapalimos sa gitna ng kalsada, kumakatok sa mga kotse, tinitiis ang nakakapasong init ng tanghaling-tapat. Nakaka-awa ang sanggol walang malay, walang muang, hindi n’ya pa naiintindihan ang kalupitan na kanyang dinaranas.
Ang maka-diyos na lipunan at makabayang mga pulitiko alam kaya nila ito? Ramdam kaya nila ang hapdi ng sikmura ng mga pulubi? Bakit ganito? Ewan ko, hindi ko rin alam ang puno’t dulo, hindi ko rin maintindihan ang lahat. Ang alam ko lang hindi sila nababawasan sa halip lalo silang dumadami habang sinasabi ng mga pulitiko na mahal nila at handang tulungan ang mga mahihirap.