"hwag kang mag-alala mahal ka parin nun". ito ang sinabi mo sa akin noong nakaraang taon. hindi ko agad naintindihan palibhasa'y tuliro ang isip ko, problemado ako sa bagong trabaho na kinakaharap ko. tapos bigla kong naalala, oo nga pala, anibersaryo nga pala ng kasal natin. Ngumite na lang ako para maikubli ang aking pagkapahiya. hindi ako kailanman nag-alala dahil alam kong mahal mo ako noon pa man hanggang ngayon. hindi ako kailanman nag-alala dahil alam kong lagi kang tapat sa akin. hindi ako kailanman nag-alala pagkat batid ko na hindi mo ako iniwan, lagi kang nandyan sa tabi ko umulan ma't umaraw. hindi ako kailanman nag-alala dahil alam kong matagal mo nang inilaan ang buhay mo't pag-ibig para sa akin. hindi ako kailanman nag-alala sapagkat alam kong sasamahan mo ako hanggang sa ating pagtanda. pero nalulungkot ako sa tuwing naaalala ko na maraming beses ka nang umiyak dahil sa akin. naiinis ako pagkat hindi ko nagawang samahan ka ng mga panahon na kailangan mo ako. nagagalit ako sa sarili ko dahil hindi ko natapatan ang katapatan mo noong kabataan natin. namamanglaw ako sa tuwing nakikita ko na kapos ang mga pagsisikap ko. nalulungkot ako pag naiisip ko na baka mauna ako at hindi kita masamahan sa ating pagtanda. ang nakaraan ay hindi ko na maibabalik, may mga pagkakamaling hindi ko na maitutuwid. pero pwede pa naman tayo makatawid dahil may ngayon at bukas pang maghahatid. malapit na naman ang ating anibersaryo. hwag kang mag-alala pagkat hindi ako mag-aalala. alam ko na mahal mo parin ako kahit konti lang ang iyong napapala sa gagong asawa na tulad ko. kung sapat lang sana ang sulat at tula, kung ang mga tugma at tayutay at mga saknong nito ay magagawa kong lantay na yaman malamang hayahay ang ating buhay. hindi ako si Perpekto at lalong hindi ako si Mr. Right si Jojo lang ako, ganito lang ako kaliit, pero salamat at minahal mo ako.