Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Nov 2017
kumikinang ang mamahaling parol na nakadambana sa bintana ng mansion na nasa loob ng isang malaking subdivision. nagniningning ang patay sindi nitong kulay na umaaliw sa balana. salamat sa malaking pakinabang na kanyang kinita nang walang anomang pakundangan sa dugo at pawis ng mga abang manggagawa.
nasa kanyang sala naman ang mataas na Christmas Tree habang sa paanan nito nakahandusay ang kahon-kahon na magagarbong mga regalo. malayong-malayo ito sa barung-barung ng mga nagtitiis sa siphayo ng dusa at karalitaan.
ang mahabang lamesa na nasa kanyang komedor ay talagang pinagpala sapagkat nakapatong dito ang hiniwang hamon, keso de bola, spaghetti, carbonara, lasagna, ubas at ang lahat ng masasarap na pangarap ng isang batang kalye na kumakalam ang sikmura habang tinitiis ang ginaw ng Disyembre.
matapos ang kanyang masaganang Noche Buena ay mauupo sya sa kanyang malambot na sofa na di halos mabilang ang libong halaga. dun n'ya iinumin nang buong pagmamalaki ang mamahaling brandy o di kaya naman ay whiskey.
katabi ang kanyang pamilya sabay-sabay silang manonood ng misa habang nakatuon sa higanteng flat screen na telebisyon. ang homily ng ingleserong pari ay patungkol sa pag-ibig sa kapwa at pagbibigayan.
Written by
JOJO C PINCA
  6.2k
 
Please log in to view and add comments on poems