Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Sep 2017
Isa, dalawa, tatlong yapak sa putik.
Isa, dalawa, tatlong lubog sa tubig.
Isa, dalawa, tatlong pugpog ng alikabok sa aking mga paa.

Hindi ako marunong magsalita ng Tagalog.

"Roel! Bilisan mo naman maglakad, patay tayo kay Ginang Cruz." Sambit ni rey.

"Oo sandali lang natumba ako sa putikan."

"Ang lampa mo kasi." Nagtawanan kaming lahat pagkwa'y tumakbo nang ubod bilis.

Mga kamag-aral ko sila. Palagi kaming magkakasabay sa paglakad sa umaga patungo sa eskwela. Natutuwa ako sapagkat masaya silang nag-aasaran kahit hindi ko naman maintindihan ang sinasabi nila. Nahihiya ako kaya nag-eensayo ako sa bahay o habang kami ay naglalakad, pabulong-bulong, ginagaya ang pagbikas ng bibig; ang pagsara, ang pagbukas.

Mga kamag-aral ko sila. Isang buong grupo kami na wari ba'y batalyon ng mga sundalo na handang sumabak sa giyera; may putik ang laylayan ng pantalon at basa ang mga paa.

Uy malapit na kami sa eskwela, ilang hakbang na lang; tumakbo sila, gayundin ako, mabilis. Nagpatuloy sila ngunit ako'y biglang huminto.

"Oo nga pala, hanggang dito na lamang ako", mahinang sambit sa sarili. Natigilan ako, lumiwanag ang mukha at sumilay ang tuwa. Tumakbo ako papalayo sa eskwela't papalapit sa palayan kung saan tutulong ako sa anihan. "Marunong na ako magsalita ng Tagalog!" Sigaw ko sabay yakap sa mga aanihing palay. Salamat sa mga kasabay kong maglakad tuwing umaga, salamat sa mga kamag-aral ko sa kalsada.
Dagli
Eunoia
Written by
Eunoia  21/Manila, Philippines
(21/Manila, Philippines)   
  17.8k
 
Please log in to view and add comments on poems