Hindi ko nais ng mga larawan Nakasabit sa mundo upang maarawan Dahil hindi ito isang bulaklak sa halamanan Tubig ang kailangan ng mga bakawan At ang kuwadro ng bulalakaw ay sa kalangitan
Hindi ko nais ng mga larawan Hindi mapurol ang lente ng aking mga mata Upang palitan ang pagsulyap ko sa'yo ng isang shot ng camera Nais kong tingnan ang mga labi mo't makita Ang kurba nito't pula, Taingang nag-iinit kung bibiruin kamo kita Sa tuwing sasabihin kong ikaw ay maganda
Hindi ko nais malaman nila Hindi sa inaangkin kong akin ka Dahil ikaw ay sa mga tala, kailanma'y hindi ko pag-aari ka Hindi ko nais malaman nila Dahil ang nasa labas ay madalas ipinapakita lamang ay maganda At ang larawan kung minsan ay imahe ng hindi totoo Ng saglit na pagtipa kung 'aayon ba sila dito?'
Maikling pagtatagpong hindi itinadhana Hindi ko nais na sa loob ng kwadrong ito ka maalala May kwento ang bawat larawan At madalas sa mga ito ay pulos pighati lamang
Hindi ko nais na umayon sa lipunan at kung ano ang kanyang idinidikta Hindi ko nais dumating ang araw na tatanungin kita kung totoo ka ba