Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Aug 2016
Isang babae ang sumakay sa V. Mapa
Maikli ang buhok at kayumanggi
Nakapulang T-shirt at maikling shorts
Tsinelas na plastic ay may takong

Ang jeep ay mahaba, bago at maingay
Balahaw nito ang malakas na tugtugin
Ang barker ay mala trenta maging ang driver
Kung umasta ay tinedyer

Ang musika ay hindi musika
'Pagkat hindi lahat ng sinulat ay babasahin
Ni musika ang lahat ng tugtugin
Hindi musika kundi basura

Ang babae ay sumabay sa saliw ng tugtog
Kumanta nang may emosyon
Walang hiyang ikinampay ang kamay
At winasiwas ang yapos na sako

Hindi pa siya nagbabayad
Malamang wala siyang pera
Hindi siguro iyon ang dahilan ng tawanan
Sa kanya'y marahil may kakulangan

Nawala ang nagwawalang kanta
At nanahimik rin ang aba
Tulala sa kawalan habang may minamantra
Bakit kaya kabisado niya ang kanta?

Kung mayroon mang makapagsasabi
Ano ang nasa isipan ng isang tao
Na hindi rin masasabi kung ano
Paanong ang pag-unawa'y matatamo?

Sila ba talaga ang wala sa katinuan?
Kung sila ang ating pinagtatawanan
Kung mga mata nila'y walang bahid
Pahid ng alinlangan at pagdududa

Naririnig din ba niya
Sigaw ng barker sa kalsada?
Nararamdaman din ba niya
Dampi ng tubig ulan

Naiisip niya kaya
Kung ano ang kinabukasan?
Nagmamadali rin ba siyang makauwi
Dahil may exam kinabukasan?

Bumaba siya sa harap ng arko
Tumalon at masayang nagsayaw sa gitna
Tinunton ang daan sa Teresa
Di namalayang nariyan na siya
Sa patutunguhan niya
8416
George Andres
Written by
George Andres  19/your universe
(19/your universe)   
12.3k
 
Please log in to view and add comments on poems