Ilang beses ko na bang sinabi na hinding hindi na magyoyosi. Tila sindami na ulan noong Hunyo. Pero bakit ganito wala pang pinagbago.
Walang pinagbago gaya ng nararamdaman ko. Alam kong isang malaking kahangalan na sabihin na ikaw parin ay mahal ko. Marahil nga, katangan ito.
Mga patak ng ulan ang nagpapaalala Sa mga kahapon na ikaw ay kapiling at kasama. Nalulunod ako, nalulunod sa katahimikan. Katahimikan sa sunod sunod na patak ng ulan.
Sa tuwing umuulan, Sinasambit nito ang iyong pangalan. Sinasambit ang mga pangako at mga alaaang hindi kailan man makakalimutan.
Mahal kita, mahal mo ako. Yan ang mga salitang naniwala ako. Sinabi ko at sinabi mo. Pero sa isang iglap, nasaan na tayo?
Sadya bang nakakaadik Ang nikotin sa ngala-ngala at gilagid? O sadya lang makulit at pasaway Ang aking paglapit?
Sa yosing siyang sumagip Sa damdaming pinuno ng sakit Pinuno ng hinagpis at lungkot Mula ng madurog ang pusong nakakapit Sa sumpaang sa tadhana ay sumabit.
Naaalala mo pa ba ang ating mga pangako? Na ikaw ang siyang mamahalin hangang sa maging upos ang buhay at hininga ay sumuko.
Nagsimula ang lahat ng ikaw ay lumisan Ang pinakamadilim na yugto sa puso at isipan May mga bagay talaga na walang kasagutan Isa na dito ay ang paglayo, mundo ay tinakasan
Mula nang ikaw ay nawala sa bisyo ako ay nakipisan. Kasama sa magdamagan nang sakit ay mabawasan
Hindi madali nang ikaw ay nawala Hindi ganun kadali na ikaw ay kalimutan Parang isang kanta na paulit ulit Bawat kataga sinasambit ang iyong pangalan. Pangalan at katagang walang katapusan.
Bawat hithit bawat buga Ang usok ay siyang sa akin ang nagpapaalala ng iyong wangis at itsura. Sa bawat buga. Nakikita ko ang iyong mukha. At sa isang iglap mawawala.
Pero ngayong kaya ko na. Bakit ang bisyo di na maisara? Sadya bang nasanay na? O dahil hinihintay ka pa?