Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jun 2016
Pwede bang pakisabi mo sa akin kung ano ang pag-ibig?
Pakiramdam ko kasi ako na lang ang hindi makahanap nito.
Pakiramdam ko kasi hindi sapat yung mga salitang nakalimbag sa diksyunaryo para maintindihan ko,
Hindi din siguro sapat yung mga gabing 'di ako makatulog dahil sa'yo,
'Di din sapat na kasama ka sa mga salitang lumalangoy sa isipan ko tuwing susulat ako ng tula
Hindi pa rin ba sapat,
na nakilala kita?
Para maintindihan ang pag-ibig?

Para akong isang musmos na batang hinahanap ang kahulugan ng isang matalinghagang salitang nabasa niya sa isang tula.
Nahihiyang itanong sa mga magulang at kaibigan,
Kailangan ang sarili lang ang maka-intindi at makaramdam.

Hindi ako makahinga,
Sinasakal ako ng mga walang katapusang tanong,
Kung ano nga ba talaga ang pag-ibig?
Kung hinahanap nga ba 'to, o kung kusa nga ba 'tong dadating.

Kung ang pag-ibig ba ay...
Yung sandaling tumigil ang oras nang nakita mo siya sa unang pagkakataon?
Yung nalaman ninyo ang pangalan ng isa't-isa at inukit mo na agad 'to sa isipan mo, at lumipas ang ilang araw may rebulto na siya sa puso mo.
Ang pag-ibig ba ay...
Ang mga saktong puwang ng inyong mga kamay?
Ang bilis ng tibok ng puso mo nang una mo siyang nayakap?
Nang nagsalubong ang inyong mga labi at nalaman niyo ang bawat sikretong tinatago sa katahimikan.
Nang makita mo ang mga mata niya at naalala mo noong una kang nakakita ng mga kuliglig.
Natakot ka at nabighani.
Ang pag-ibig ba ay...
Ang pagpapakatanga sa isang taong niloko ka na ng tatlong beses?
Ang mga guhit sa braso mo?
Ang mga natuyong luha mo?

Ang pag-ibig ba ay ang pagmahal sa isang taong may mahal din na iba?

Hindi ba pag-ibig ang pag-ibig, kung hindi nangyari ang lahat ng napanood mo sa pelikula at nabasa sa libro?
Hindi ba pag-ibig ang pag-ibig, kung hindi ka nasaktan?

Natatakot ako,
Na baka sa sobrang tagal ko sa paghanap ng mga kasagutan,
Mapapagod ako at susuko.
Nabuklat ko na ata lahat ng mga talahuluganan at tesauro,
Tila bang kaya ko nang gumawa ng tula para sa bawat salitang nakilala ko,
Pero pinili kong mag-sulat sa isang salitang hindi ko nahanapan ng kahulugan.

Limang beses ako nag-akala na nakilala ko ang pag-ibig,
Limang beses akong nagkamali.
Hindi ko alam kung tama pa bang kuwestiyonin ang pag-ibig,
Ang ano, bakit, kailan, at paano.
Siguro mananatili na lang 'tong matalinghagang salitang walang kahulugan at kailangan maramdaman para maintindihan.

Pangako,
Sa sandaling maramdaman natin 'to.
Magmamahalan tayo ng higit pa sa pag-ibig.
Probably my last love poem, I'm gonna take a break writing about love for a while.
Jeremiah Ramos
Written by
Jeremiah Ramos
38.3k
 
Please log in to view and add comments on poems