Napapagod na akong tumingin sa Facebook ko. Sa dingding ng mga masasayang larawan ng mga kaibigan, katrabaho Sa dingding ng mga opinyon na nagdudulot ng masalimuot na pagtatalo Sa dingding ng mga tagumpay na nakamit mo sa pagsusumikap mo Sa dingding ng mga narating **** lugar na sobra na ang layo Sa dingding ng mga video ng pagbigkas mo ng tula sa harap ng maraming tao Sa dingding ng mga sandaling iginapos mo para ipamukha sa akin na ang buhay ko ay pagkabaho.
Salamat sa mga larawan ng masasayang sandali kasama ng iyong kabiyak ng inyong matamis na pagmamahalan, na sa sobrang tuwa gusto mo nang umiyak Nang matuloy kayo sa simbahan, oo na, marami na ang nagagalak Eto na ang puso ko, wag ka nang mahiya, tuhugin mo na ng itak.
Salamat sa mga opinyon mo tungkol sa paborito **** kandidato Wala ka na atang ibang ginawa kung hindi halughugin ang Internet para sa bawat artikulo Para isulat sa dingding mo kadikit ng mga opinyon **** walang humihingi, kahit na sino Para kang teacher ko na may dalang nutri-bun na isinasaksak pilit sa akin kahit sukang-suka na ako.
Salamat sa mga salita ng pasasalamat na binibigkas mo kung gaano kadaming biyaya ang ipinagkaloob ng Bathala sa iyo Sa bawat tagumpay na nakamtan mo sa napili **** trabaho Naitatanim ko tuloy sa aking isip, kung bakit ang layo mo gayong sabay lang tayo?
Pasensya na, malamang sa inyo ay may natatamaan ako Wala akong planong durugin ang kahit na anong ugnayan ko sa inyo Gusto ko lang banlawan, langgasin ang nalalasong utak at puso ko na pinapatay ng Facebook sa tuwing titignan ko ang mga dingding ninyo.
Kung gaanong ipinararamdam sa akin na sa paninindigan ako ay wala Na hindi ko kaya maglahad ng opinyon kasi walang papansin, walang maniniwala Dahil maraming beses na akong naging tapat noong ako ay nasa highschool pa Wala akong naging kaibigan. Narinig mo? Wala akong kwenta.
Kung gaanong ipinararamdam sa akin na hindi na ako makakarating kahit saan pa. Kasi pinili kong manatili, kahit mainit, kumpara sa ibang bansa Dahil nanuot sa aking dila na hindi ko kayang makipag-usap sa kahit na sinong banyaga Kasi palpak ang Ingles ko. Narinig mo? Wala akong kwenta.
Kung gaanong ipinararamdam sa akin na mamamatay akong mag-isa Na hindi ako magkakaroon ng pagkakataong lumigaya Dahil sa pinalagpas kong sandali, ay hindi na mauulit pa Dahil wala akong kwentang lalaki. Narinig mo? Wala akong kwenta.
Sobrang baba na ng pagtingin ko sa sarili ko. Ang tanikalang gamit sana para makipagugnayan sa mga kakilala ay tila naging isang angkla na humihila sa mga paa ko pailalim sa karagatang puno ng mga pusong natalo Nabigo sa pag-ibig, sa buhay, at sa kahit na ano.
Kaya lalayo na ako sa mga dingding ninyo. Hindi na ako papayag na manatiling tumatanggap na lang ng kahit na anong ipapaskil mo. Tatakas ako sa mga rehas na nilikha ng mga masasaya ninyong minuto Magtatayo ako ng sarili kong dingding. Bubuuin ko ang aking pagkatao mula sa pagkakapira-piraso.