Gusto kong ibigay sa'yo ang buong mundo, Halagang isang milyon ang tanong kung paano, Nakakatawang tingnan kung iaalay ko ang iyong buong pagkatao, Sa iyo mismo, dahil ikaw ang mundo ko.
Wika mo'y linyang sinabi ko ay gasgas na, Sagot ko pabalik ay iba ako sa kanila, Pagkat kasiyahan at mundo ko'y ikaw, Magagawa ko na lamang ay lalong pagliwanagin ang iyong ilaw.
Ikaw para sa akin ang araw, buwan at mga bituin, Kapag nawala ka'y tuluyang magdidilim ang aking paningin, Hindi makakabangon, paa'y waring nakabaon, Sa isang kumunoy na tatawagin kong kahapon.
Mundo pala'y hindi ko maiaalay sa iyo, Ikaw at ang mundo ay iisa at iyan ang totoo, Ang magagawa ko lamang ay ingatan ka at mahalin ng tapat, Wala nang ngunit, subalit at datapwat.