Hello, kamusta ka? Ako po ulit ito. Ayaw mo sumagot, ayaw mo kumibo. At dahil ayaw ka, heto't basahin mo Mga sal'tang tugma, tula ng pagsuyo.
Pinilit ang puso na kalimutan ka. Nilunod ang isip sa 'king mga tula. Pagkat winika mo na walang pag-asa kaya 'di umulit, 'di na nag-usisa.
Ngunit nalaman ko sa 'king kaibigan na noong Biyernes ika'y nakita n'ya. Hinimok n'ya ako na muling subukan. Kaya heto ako at may dalang tula.
Dahil paano ba itutuloy muli ang daang naputol at tila nabungi? Anong gagawin ko para mapangiti ang labi at puso na dating tumanggi?
Marahil isip mo, "grabe ang baduy mo" "sumulat ng tula, para mapansin ko". Ayokong magsisi, ayokong magtanto kung nagkulang ako sa kulit at suyo.
Itataya ko na sa 'ting kapalaran kung itong tula ko'y may patutunguhan. Kung ayaw mo pa rin, sa 'kin ay ayos lang. Basta sa isip ko, walang nang sisihan.
Di ako nagsising bigyan ka ng rosas. Gagawin ko uli, ibalik man ang oras. Kung ika'y nangiti sa tula kong ito, ikaw ba'y papayag na magkita tayo?